Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bibig, Bunganga

Bibig, Bunganga

Isang sangkap na dinisenyo ng Diyos upang tumanggap at maghanda ng pagkain para sa tiyan; ginagamit din ito ng mga tao sa pagsasalita. Ang lahat ng pananalita ay dapat na magdulot ng kapurihan sa Diyos. (Aw 34:1; 51:15; 71:8; 145:21) Ipinahayag ng salmista na ang lahat ng may hininga ay pupuri kay Jehova, kaya naman dapat gamitin ng mga tao ang kanilang bibig upang gawin iyon kung nais nilang mabuhay. Ipinaliwanag ng apostol na si Pablo na ang paniniwala sa Diyos at sa kaniyang anak, kahit ang paniniwala sa pamamagitan ng puso, ay hindi sapat. Dapat na may kasama itong pangmadlang pagpapahayag upang magdulot ito ng kaligtasan.​—Aw 150:6; Ro 10:10.

Kaayon ng kaniyang layunin at ng kaniyang karapatan at kapangyarihan bilang Maylalang, mailalagay ni Jehova ang wastong mga salita sa bibig ng kaniyang mga lingkod. Ginawa niya ito sa kaniyang mga propeta sa makahimalang paraan, sa pamamagitan ng pagkasi. (Exo 4:11, 12, 15; Jer 1:9) Noong isang pagkakataon, pati ang isang hayop na hindi nakapagsasalita, isang asno, ay pinangyari niyang magsalita. (Bil 22:28, 30; 2Pe 2:15, 16) Sa ngayon, maaaring taglayin ng mga lingkod ng Diyos ang kaniyang mga salita sa kanilang mga bibig, hindi sa pamamagitan ng pagkasi, kundi sa pamamagitan ng kaniyang kinasihang nasusulat na Salita, na lubusang nagsasangkap sa kanila ukol sa bawat mabuting gawa. (2Ti 3:16, 17) Hindi na nila kailangan pang hintayin na dumating si Kristo upang maglaan ng mabuting balita, ni kailangan man nilang pumaroon sa ibang mapagkukunan ng kanilang ipangangaral. Taglay na nila ang mga salitang ito, anupat nakahanda upang kanilang salitain, gaya ng sinabi sa kanila: “Ang salita ay malapit sa iyo, nasa iyong sariling bibig at nasa iyong sariling puso.”​—Ro 10:6-9; Deu 30:11-14.

Maaaring Magdulot ng Buhay o Kamatayan. Nangangahulugan ito na mahalaga ang wastong paggamit ng bibig, at ganito nga ang ipinahahayag ni Jehova. Sinasabi ng Kaniyang Salita: “Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay.” (Kaw 10:11) Dahil dito, kailangang buong-ingat na bantayan ang bibig (Aw 141:3; Kaw 13:3; 21:23), sapagkat ang may-kahangalan at maling paggamit nito ay maaaring magpahamak sa may-ari nito. (Kaw 10:14; 18:7) Pinagsusulit ng Diyos ang isang tao ayon sa inilalabas nito sa kaniyang bibig. (Mat 12:36, 37) Baka maging padalus-dalos ang isang tao sa pagsasalita, sa paggawa ng panata. (Ec 5:4-6) Maaaring labis niyang pinupuri ang iba, anupat nagdudulot ng pagbagsak sa taong iyon at ng paghatol naman sa kaniyang sarili. (Kaw 26:28) Lalo nang napakahalaga na bantayan ng isa ang kaniyang bibig kapag nasa harap ng balakyot, dahil ang bahagyang paglihis mula sa itinuturo ng karunungan ng Diyos na dapat sabihin ng Kaniyang lingkod ay maaaring magdulot ng kadustaan sa pangalan ng Diyos at ikamatay ng isang iyon. (Aw 39:1) Naglaan si Jesus ng mainam na halimbawa ng pagpapasakop sa kalooban ng Diyos nang hindi nagrereklamo o nanlalait sa kaniyang balakyot na mga mananalansang.​—Isa 53:7; Gaw 8:32; 1Pe 2:23.

Ang isang Kristiyano ay dapat na laging nag-iingat, sapagkat siya ay di-sakdal. Dahil dito ay kailangan niyang bantayan ang kaniyang puso. Sinabi ni Jesus na hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparungis sa isang tao, kundi ang lumalabas sa bibig, sapagkat “mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mat 12:34; 15:11) Kaya dapat mag-ingat ang isa na huwag hayaang lumabas sa kaniyang bibig ang anumang bagay nang hindi pinag-iisipan, nang hindi isinasaalang-alang ang mga resulta nito. Nangangahulugan ito na dapat gamitin ng isang tao ang kaniyang pag-iisip upang maikapit ang mabubuting bagay na natutuhan niya mula sa Salita ng Diyos.​—Kaw 13:3; 21:23.

Yamang malakas ang kapangyarihan ng bibig sa ikabubuti o sa ikasasama, kahanga-hanga ang nagiging mga resulta kapag pinapatnubayan ni Jehova ang ating bibig. Ginawa niyang “gaya ng isang tabak na matalas” ang bibig ni Isaias at ang mga salita naman sa bibig ni Jeremias ay ginawa niyang “apoy.” Pinagtibay ni Jehova ang kanilang makahulang mga salita sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, at nagkatotoo ang mga ito. (Isa 49:2; Jer 5:14) Sa kabilang dako naman, mapanganib ang makinig sa anumang lumalabas sa bibig ng isang tao na kilaláng apostata, yamang maaari nitong ipahamak ang isang tao.​—Kaw 11:9.

Makasagisag na Paggamit. Sa makasagisag na paraan, inilalarawan ng Diyos ang kaniyang sarili bilang may bibig. Walang isa man sa kaniyang mga kapahayagan ang binibigkas nang walang layunin o walang kabuluhan. Matutupad ang mga ito hanggang sa kaliit-liitang detalye. (Isa 55:10, 11) Kaya yaong mga nagnanais ng buhay ay dapat na mabuhay sa bawat salita na nagmumula sa kaniyang bibig. (Deu 8:3; Mat 4:4) Noong nasa lupa ang kaniyang Anak na si Jesu-Kristo, iniayon nito ang buong buhay niya sa mga salita ng kaniyang Ama at ngayon ay ipinagkaloob na sa kaniya ang awtoridad sa buong sansinukob. Bilang Haring inatasan ni Jehova, sasaktan niya ang lupa sa pamamagitan ng “tungkod ng kaniyang bibig.” (Isa 11:4) Sa pangitain sa Apocalipsis, ipinakikita na hinahampas niya ang mga bansa ng isang mahabang tabak na lumalabas mula sa kaniyang bibig. (Apo 19:15, 21) Maliwanag na ang makasagisag na pananalitang ito ay tumutukoy sa awtoridad na gagamitin niya bilang tagapamahala ng buong makalangit na hukbo ni Jehova kapag iniutos at pinangasiwaan niya ang pakikidigma na hahantong sa pagpatay sa mga kaaway ng Diyos.

Ang “bibig” ay kadalasang ginagamit na singkahulugan ng pananalita o ng kapangyarihan ng pananalita, gaya ng makikita sa ilan sa mga halimbawang nabanggit na. May kinalaman sa mga ebidensiya ng isang kaso, ipinakikita ng tuntuning sinusunod sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, at gayundin sa kongregasyong Kristiyano, na ang isang tao ay maaari lamang masumpungang may-sala ayon “sa bibig,” samakatuwid nga, sa patotoo, ng dalawa o tatlong saksi. (Deu 17:6; Mat 18:16; ihambing ang 2Co 13:1.) Ang ilan pang halimbawa ng ganitong pagkakagamit ay masusumpungan sa Job 32:5; Awit 10:7; 55:21; 78:36; Ezekiel 24:27; 29:21; Lucas 21:15, tlb sa Rbi8; Roma 15:6.

Bukod pa rito, ang “bibig” o “bunganga” ay maaaring tumukoy sa bukana ng isang bagay, gaya ng balon (Gen 29:2), supot (Gen 43:12; 44:1, 2), yungib (Jos 10:22), o lupang bumuka (Bil 16:32), gayundin sa kakayahan ng lupa na sumipsip ng mga likidong ibinuhos dito (Gen 4:11). Ang Sheol, na karaniwang libingan ng sangkatauhan, ay sinasabing may bibig na maluwang, upang tumanggap ng maraming patay.​—Isa 5:14.

Ang Ngalangala. Ang ngalangala ay ang pinakabubong ng bibig, na naghihiwalay sa bibig mula sa mga nasal cavity. Mayroon itong malambot na bahagi na nagsisilbing tabing sa pagitan ng bibig at ng lalaugan. Sa ilang kaso, ang “ngalangala” ay ginagamit sa Kasulatan bilang singkahulugan ng “bibig.”​—Kaw 8:7; Os 8:1, tlb sa Rbi8.

Ginamit nina Job at Elihu ang salitang ito nang ihambing nila ang kakayahan ng ngalangala na kumilala ng lasa sa pagpapasiya ng tao sa kung ano ang tama at matalinong gawin. (Job 12:11; 34:3) Hindi maling sabihin na may ginagampanang papel ang ngalangala sa panlasa. Makikita ito kung pagmamasdan ang bahaging ginagampanan ng ngalangala sa paglulon. Itinutulak ng dila ang pagkain sa ngalangala at kumakalat iyon habang umuusod patungo sa lalaugan, na isang hugis-balisungsong na tubo pababa sa tiyan at karugtong din ng mga daanan sa ilong. Kaya naman lalong kumakalat ang amoy ng pagkain patungo sa mga daanan sa ilong, na nagpapatingkad sa karaniwang tinatawag na panlasa.