Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bibliya

Bibliya

Ang Banal na Kasulatan, ang kinasihang Salita ni Jehova, kinikilala bilang ang pinakadakilang aklat na isinulat kailanman dahil sa pagiging sinauna nito, sa kabuuang sirkulasyon nito, sa pagkakasalin nito sa napakaraming wika, sa natatanging kagandahan nito bilang isang obra maestra ng panitikan, at sa napakalaking kahalagahan nito sa buong sangkatauhan. Wala itong ginayang ibang mga aklat. Ang kahusayang taglay nito ay nakatatayo sa ganang sarili, sa gayo’y nagbibigay ng karangalan sa walang-katulad na Awtor nito. Natatangi rin ang Bibliya dahil mas matinding kontrobersiya ang napagtagumpayan nito kaysa sa alinmang aklat, palibhasa’y kinapootan ito ng maraming kaaway.

Pangalan. Ang salitang “Bibliya” ay nanggaling sa isang salitang Latin na nagmula sa salitang Griego na bi·bliʹa, nangangahulugang “maliliit na aklat.” Hinalaw ito sa biʹblos, isang salita na tumutukoy sa ubod ng halamang papiro na ginagawang isang sinaunang klase ng papel. Ang lunsod ng Gebal sa Fenicia, na bantog sa pangangalakal nito ng papiro, ay tinawag ng mga Griego na “Byblos.” (Tingnan ang Jos 13:5, tlb sa Rbi8.) Nang maglaon, ang bi·bliʹa ay tumukoy sa iba’t ibang mga akda, mga balumbon, mga aklat, at nang dakong huli ay sa koleksiyon ng maliliit na aklat na bumubuo sa Bibliya. Tinawag ni Jerome ang koleksiyong ito na Bibliotheca Divina, o ang Banal na Aklatan.

Tinukoy ni Jesus at ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang koleksiyon ng sagradong mga akda bilang ang “Kasulatan,” o ang “banal na Kasulatan,” “ang banal na mga kasulatan.” (Mat 21:42; Mar 14:49; Luc 24:32; Ju 5:39; Gaw 18:24; Ro 1:2; 15:4; 2Ti 3:15, 16) Ang koleksiyong ito ay ang nasusulat na kapahayagan ng isang Diyos na nakikipagtalastasan, ang Salita ng Diyos, at pinatutunayan ito ng mga pariralang gaya ng “pananalita sa bibig ni Jehova” (Deu 8:3), “pananalita ni Jehova” (Jos 24:27; Mat 4:4), “mga utos ni Jehova” (Ezr 7:11), “kautusan ni Jehova,” “paalaala ni Jehova,” “mga pag-uutos mula kay Jehova” (Aw 19:7, 8), “salita ni Jehova” (Isa 38:4; 1Te 4:15). Paulit-ulit na tinutukoy ang mga akdang ito bilang “mga sagradong kapahayagan ng Diyos.”​—Ro 3:2; Gaw 7:38; Heb 5:12; 1Pe 4:11.

Pagkakahati-hati. Animnapu‘t anim na indibiduwal na aklat, mula Genesis hanggang Apocalipsis, ang bumubuo sa kanon ng Bibliya. Ang pagpili sa partikular na mga aklat na ito, at ang di-pagtanggap sa marami pang iba, ay katibayan na hindi lamang kinasihan ng Banal na Awtor ang pagsulat sa mga ito kundi maingat din niyang binantayan ang pagtitipon at preserbasyon ng mga ito sa sagradong katalogo. (Tingnan ang APOKRIPA; KANON.) Ang 39 sa 66 na aklat, na bumubuo sa tatlong-kapat ng nilalaman ng Bibliya, ay tinatawag na Hebreong Kasulatan, yamang sa wikang Hebreo unang isinulat ang buong seksiyong ito maliban sa ilang maliliit na bahagi na isinulat sa Aramaiko. (Ezr 4:8–6:18; 7:12-26; Jer 10:11; Dan 2:4b–7:28) Dahil pinagsama-sama ng mga Judio ang ilan sa mga aklat, ang kabuuang bilang ng mga ito ay umabot lamang ng 22 o 24, ngunit gayunding materyal ang sinasaklaw ng mga ito. Waring kaugalian din nilang hati-hatiin ang Kasulatan sa tatlong bahagi​—‘ang kautusan ni Moises, ang mga Propeta, at ang Mga Awit.’ (Luc 24:44; tingnan ang HEBREONG KASULATAN.) Ang huling kapat ng Bibliya ay tinatawag na Kristiyanong Griegong Kasulatan dahil ang 27 aklat na bumubuo sa seksiyong ito ay isinulat sa Griego. Ipinakikita rin ng pagsulat, pagtitipon, at pagsasaayos ng mga aklat na ito sa loob ng kanon ng Bibliya na pinatnubayan ni Jehova ang mga ito mula sa simula hanggang sa katapusan.​—Tingnan ang KRISTIYANONG GRIEGONG KASULATAN.

Hindi ang orihinal na mga manunulat ng Bibliya ang humati-hati rito sa mga kabanata at mga talata (ang KJ ay may 1,189 na kabanata at 31,102 talata); idinagdag na lamang ang napakahusay na pantulong na iyon pagkaraan ng maraming siglo. Hinati-hati ng mga Masorete ang Hebreong Kasulatan sa mga talata; noon namang ika-13 siglo ng ating Karaniwang Panahon, hinati-hati ang Bibliya sa mga kabanata. Nang dakong huli, noong 1553, inilathala ang edisyon ni Robert Estienne ng Bibliyang Pranses bilang ang unang kumpletong Bibliya na may mga kabanata at mga talata gaya ng makikita sa ngayon.

Ang 66 na aklat ng Bibliya ay magkakasamang bumubuo ng iisang kumpletong akda. Kung paanong ang mga kabanata at mga talata ay kumbinyenteng mga pantulong lamang sa pag-aaral ng Bibliya at hindi nilayong makaapekto sa pagkakaisa ng buong aklat, totoo rin ito kung tungkol sa pagkakahati ng Bibliya sa dalawang seksiyon, na ginawa batay sa pangunahing wika na ginamit sa mga manuskritong taglay natin sa ngayon. Dahil dito, mayroon tayong Hebreo at Griegong Kasulatan, anupat idinaragdag sa katawagang Griegong Kasulatan ang “Kristiyano” upang ipakitang naiiba ito sa Griegong Septuagint, ang Hebreong bahagi ng Kasulatan na isinalin sa Griego.

“Lumang Tipan” at “Bagong Tipan.” Sa ngayon, karaniwan nang tinutukoy ang Kasulatang isinulat sa Hebreo at Aramaiko bilang ang “Lumang Tipan” o “Matandang Tipan.” Ito ay salig sa pananalitang ginamit sa 2 Corinto 3:14 sa maraming makabagong salin (“lumang tipan,” BSP, NPV; “matandang tipan,” As-Tg, MB). Ang pananalitang ito ay mula sa salitang Griego na di·a·theʹkes na lumilitaw sa 32 pang dako sa tekstong Griego. Gayunman, hindi ang buong Hebreo at Aramaikong Kasulatan ang tinutukoy ng apostol na si Pablo. Ni ipinakikita man niya na ang kinasihang mga akdang Kristiyano ay isang “bagong tipan.” Ang tinutukoy ng apostol ay ang lumang tipang Kautusan, na itinala ni Moises sa Pentateuch at sumasaklaw lamang sa isang bahagi ng Kasulatan na isinulat bago ang panahong Kristiyano. Kaya nga sinabi niya sa sumunod na talata, “kailanma’t binabasa si Moises.”

Samakatuwid, walang makatuwirang saligan upang ang Hebreo at Aramaikong Kasulatan ay tawaging “Lumang Tipan” o “Matandang Tipan,” at ang Kristiyanong Griegong Kasulatan naman ay tawaging “Bagong Tipan.” Tinukoy ni Jesu-Kristo mismo ang koleksiyon ng sagradong mga akda bilang ang “Kasulatan.” (Mat 21:42; Mar 14:49; Ju 5:39) Tinukoy naman iyon ng apostol na si Pablo bilang ang “banal na Kasulatan,” ang “Kasulatan,” at “ang banal na mga kasulatan.”​—Ro 1:2; 15:4; 2Ti 3:15.

Ang Awtor Nito. Ipinakikita ng kalakip na talaan na mga 40 taong kalihim o eskriba ang ginamit ng iisang Awtor upang maisulat ang kinasihang Salita ni Jehova. “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos,” at kabilang dito ang mga akda sa Kristiyanong Griegong Kasulatan kasama ang “iba pang bahagi ng Kasulatan.” (2Ti 3:16; 2Pe 3:15, 16) Ang pananalitang “kinasihan ng Diyos” ay isinalin mula sa pariralang Griego na the·oʹpneu·stos, nangangahulugang “hiningahan ng Diyos.” Sa pamamagitan ng ‘paghinga’ sa mga taong tapat, pinangyari ng Diyos na ang kaniyang espiritu, o aktibong puwersa, ay kumilos sa kanila at pinatnubayan niya sila na isulat ang nais niyang maitala, sapagkat gaya nga ng nasusulat, “ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.”​—2Pe 1:21; Ju 20:21, 22; tingnan ang PAGKASI.

Ang di-nakikitang banal na espiritung ito ang makasagisag na “daliri” ng Diyos. Kaya naman nang makita ng mga tao na nagsasagawa si Moises ng kahima-himalang mga gawa, bumulalas sila: “Ito ay daliri ng Diyos!” (Exo 8:18, 19; ihambing ang mga salita ni Jesus sa Mat 12:22, 28; Luc 11:20.) Sa isang katulad na pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos, pinasimulan ng “daliri ng Diyos” ang pagsulat ng Bibliya nang iukit nito ang Sampung Utos sa mga tapyas na bato. (Exo 31:18; Deu 9:10) Kaya hindi mahirap kay Jehova na gumamit ng mga tao bilang kaniyang mga eskriba kahit ang ilan sa kanila ay “walang pinag-aralan at pangkaraniwan” kung akademikong pagsasanay ang pag-uusapan (Gaw 4:13), at anuman ang kanilang gawain o hanapbuhay​—pastol, magsasaka, manggagawa ng tolda, mangingisda, maniningil ng buwis, manggagamot, saserdote, propeta, o hari. Sa pamamagitan ng kaniyang aktibong puwersa ay inilagay ni Jehova ang kaniyang kaisipan sa isip ng manunulat at, sa ilang pagkakataon, pinahintulutan niyang ipahayag ng manunulat ang kaniyang kaisipan sa sarili nitong pananalita, sa gayo’y hinahayaang maaninag sa isinulat niya ang kaniyang personalidad at mga katangian, samantalang iniingatan pa rin ang kahanga-hangang tema at layunin ng buong aklat. Ito ang dahilan kung bakit napakayaman at napakalawak ng nilalaman ng Bibliya kung ihahambing sa mga akda ng hamak na mga tao, palibhasa’y ipinababanaag nito ang kaisipan at kalooban ni Jehova. Tiniyak ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na ang kaniyang nasusulat na Salita ng katotohanan ay mababasa sa wikang madaling maintindihan at madaling maisalin sa halos lahat ng wika.

Sa lahat ng mga aklat, ang Bibliya ang pinakamatagal na naisulat. Sinimulang isulat ni Moises ang Bibliya noong 1513 B.C.E. Ang iba pang mga sagradong akda ay idinagdag sa kinasihang Kasulatan pagkaraan ng 443 B.C.E. nang matapos nina Nehemias at Malakias ang kani-kanilang aklat. Pagkatapos ay nagkaroon ng patlang ang pagsulat ng Bibliya na tumagal nang halos 500 taon, hanggang noong isulat ng apostol na si Mateo ang kaniyang ulat ng kasaysayan. Pagkaraan ng halos 60 taon, isinulat ni Juan, na kahuli-hulihang namatay sa mga apostol, ang kaniyang Ebanghelyo at tatlong liham at sa gayo’y nakumpleto ang kanon ng Bibliya. Kaya sa kabuuan, isang yugto na mga 1,610 taon ang ginugol sa pagsulat ng Bibliya. Lahat ng manunulat nito ay mga Hebreo at sa gayo’y kabilang sa bayan na ‘pinagkatiwalaan ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos.’​—Ro 3:2.

Ang Bibliya ay hindi isang samut-samot na koleksiyon ng di-magkakaugnay na mga akda mula sa panitikang Judio at Kristiyano. Sa halip, isa itong organisadong aklat, na ang iba’t ibang bahagi ay lubhang nagkakaisa at magkakaugnay, anupat talagang nagpapabanaag sa pagiging sistematiko at maayos ng mismong Maylalang na Awtor nito. Ang mga pakikitungo ng Diyos sa Israel nang bigyan niya sila ng isang kumpletong kodigo ng kautusan at ng mga tuntuning umugit maging sa maliliit na detalye ng buhay sa kampo​—mga bagay na nang maglaon ay naaninag sa Davidikong kaharian at sa kaayusan ng kongregasyon ng unang-siglong mga Kristiyano​—ay nagpapabanaag at nagpapatingkad sa pagiging organisado ng Bibliya.

Mga Nilalaman. Isinisiwalat ng Aklat ng mga Aklat na ito ang nakaraan, ipinaliliwanag nito ang kasalukuyan, at inihuhula nito ang kinabukasan. Ito’y mga bagay na tanging ang Isa na nakaaalam ng wakas mula pa sa pasimula ang makapag-aakda. (Isa 46:10) Matapos ilahad ng Bibliya ang tungkol sa pasimula, nang lalangin ang langit at lupa, nagbigay ito ng isang malawakang ulat ng mga kaganapang naghanda sa lupa upang matahanan ng tao. Pagkatapos ay isiniwalat nito ang tunay na makasiyensiyang paliwanag hinggil sa pinagmulan ng tao​—kung paanong ang tanging pinagmulan ng buhay ay isang Tagapagbigay-Buhay​—mga bagay na tanging ang Maylalang, sa papel bilang Awtor, ang makapagpapaliwanag. (Gen 1:26-28; 2:7) Sa ulat na ibinigay nito kung bakit namamatay ang tao, sinimulang iharap ng Bibliya ang nangingibabaw na tema nito. Ang temang ito, ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at ang ganap na katuparan ng kaniyang layunin para sa lupa, sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo, ang ipinangakong Binhi, ay nakapaloob sa unang hula may kinalaman sa ‘binhi ng babae.’ (Gen 3:15) Mahigit 2,000 taon ang lumipas bago muling binanggit ang pangakong ito tungkol sa isang “binhi,” nang sabihin ng Diyos kay Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Gen 22:18) Pagkaraan ng mahigit 800 taon, muli itong tiniyak sa inapo ni Abraham na si Haring David, at sa paglipas ng panahon, patuloy na pinagningas ng mga propeta ni Jehova ang pag-asang ito. (2Sa 7:12, 16; Isa 9:6, 7) Mahigit 1,000 taon pagkamatay ni David at 4,000 taon pagkatapos ng orihinal na hula sa Eden, lumitaw ang mismong Ipinangakong Binhi, si Jesu-Kristo, ang legal na tagapagmana ng “trono ni David na kaniyang ama.” (Luc 1:31-33; Gal 3:16) Sa kaniyang kamatayan dahil sa pagsugat ng makalupang binhi ng “serpiyente,” ang “Anak [na ito] ng Kataas-taasan” ay nakapaglaan ng pambayad na halaga na maipantutubos sa mga karapatan sa buhay na nawala sa mga supling ni Adan, sa gayo’y inilaan ang tanging paraan upang matamo ng sangkatauhan ang buhay na walang hanggan. Pagkatapos ay itinaas siya sa kaitaasan, para doon hintayin ang takdang panahon upang ihagis sa lupa ang “orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas,” na sa dakong huli ay pupuksain magpakailanman. Sa gayon, sa pangwakas na mga kabanata ng Apocalipsis, ang kamangha-manghang tema na ipinatalastas sa Genesis at ipinagpatuloy at pinalawak sa sumunod na mga bahagi ng Bibliya ay binigyan ng isang maluwalhating kasukdulan samantalang nililinaw ang dakilang layunin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang kaharian.​—Apo 11:15; 12:1-12, 17; 19:11-16; 20:1-3, 7-10; 21:1-5; 22:3-5.

Sa pamamagitan ng Kahariang iyon sa ilalim ni Kristo na Ipinangakong Binhi, ipagbabangong-puri ang soberanya ni Jehova at pababanalin ang kaniyang pangalan. Bilang pagsuporta sa temang ito, dinadakila ng Bibliya ang personal na pangalan ng Diyos nang higit kaysa sa alinmang aklat; ang pangalang iyon ay lumilitaw nang 6,979 na beses sa Hebreong Kasulatan ng Bagong Sanlibutang Salin. Bukod pa iyan sa paggamit ng mas maikling anyo na “Jah” at sa napakaraming kaso na itinambal iyon sa ibang salita upang makabuo ng ibang mga pangalan tulad ng “Jehosua,” nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” (Tingnan ang JEHOVA [Kahalagahan ng Pangalan ng Diyos].) Kung hindi dahil sa Bibliya, hindi natin malalaman ang pangalan ng Maylalang, ang napakahalagang usaping nagsasangkot sa kaniyang soberanya na ibinangon ng paghihimagsik sa Eden, o ang layunin ng Diyos na pabanalin ang kaniyang pangalan at ipagbangong-puri ang kaniyang soberanya sa harap ng buong sangnilalang.

Sa aklatang ito ng 66 na maliliit na aklat, ang tema ng Kaharian at ng pangalan ni Jehova ay nakapaloob sa maraming paksa na tinatalakay rito. Bagaman may binabanggit ito tungkol sa ilang larangan ng kaalaman gaya ng agrikultura, arkitektura, astronomiya, kemistri, komersiyo, inhinyeriya, etnolohiya, pamahalaan, kalinisan at kalusugan, musika, panulaan, pilolohiya, at tactical warfare, ang mga iyon ay pahapyaw lamang na binanggit sa pagpapalawak ng tema nito. Gayunpaman, naglalaman ito ng napakaraming impormasyon na magagamit ng mga arkeologo at mga paleograpo.

Bilang isang tumpak na akda ng kasaysayan at isa na malawakang naglalahad ng nakalipas na mga pangyayari, ang Bibliya ay lubhang nakahihigit sa lahat ng iba pang aklat. Gayunman, mas malaki ang kahalagahan nito may kaugnayan sa mga hula, anupat patiuna nitong sinasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap na tanging ang Haring Walang Hanggan ang makapagsisiwalat nang may katumpakan. Ang sunud-sunod na mga kapangyarihang pandaigdig sa paglipas ng mga siglo, maging ang pagbangon at lubos na pagkawasak ng makabagong-panahong mga institusyon, ay matagal na panahon nang inihula sa Bibliya.

Sa napakapraktikal na paraan, pinalalaya ng katotohanan ng Salita ng Diyos ang mga tao mula sa kawalang-alam, mga pamahiin, mga pilosopiya ng tao, at walang-kabuluhang mga tradisyon ng mga tao. (Ju 8:32) “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Heb 4:12) Kung wala ang Bibliya, hindi natin makikilala si Jehova, hindi natin malalaman ang kamangha-manghang mga kapakinabangang dulot ng haing pantubos ni Kristo, at hindi natin mauunawaan ang mga kahilingang dapat maabot upang matamo ang buhay na walang hanggan sa matuwid na Kaharian ng Diyos o sa ilalim ng pamamahala nito.

Ang Bibliya ay isa ring napakapraktikal na aklat sapagkat nagbibigay ito ng mahusay na payo sa mga Kristiyano kung paano mamumuhay ngayon, kung paano isasagawa ang kanilang ministeryo, at kung paano makapagbabata sa sistemang ito ng mga bagay na salansang sa Diyos at mapagpalugod sa sarili. Sinabihan ang mga Kristiyano na ‘huwag nang magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay’ sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang pag-iisip mula sa makasanlibutang kaisipan, at magagawa nila ito sa pamamagitan ng pagtataglay ng katulad na pangkaisipang saloobin ng kapakumbabaan “na nasa kay Kristo Jesus din” at sa pamamagitan ng paghuhubad ng lumang personalidad at pagbibihis ng bagong personalidad. (Ro 12:2; Fil 2:5-8; Efe 4:23, 24; Col 3:5-10) Nangangahulugan ito ng pagpapamalas ng mga bunga ng espiritu ng Diyos, “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili”​—mga paksa na madalas talakayin sa buong Bibliya.​—Gal 5:22, 23; Col 3:12-14.

Autentisidad. Tinutuligsa ng maraming grupo ang pagiging tunay ng nilalaman ng Bibliya, ngunit walang isa man sa mga pagtuligsang ito ang nakapagpahina nang kahit kaunti sa pagkamapananaligan ng Bibliya.

Ang kasaysayan sa Bibliya. Matatag ang panghahawakan nito sa katotohanan saanmang aspekto ito subukin. Ang kasaysayang nakaulat dito ay tumpak at mapananaligan. Halimbawa, hindi mapabubulaanan ang sinasabi nito tungkol sa pagbagsak ng Babilonya sa mga Medo at mga Persiano (Jer 51:11, 12, 28; Dan 5:28), ni ang sinasabi nito tungkol sa mga taong gaya ng Babilonyong si Nabucodonosor (Jer 27:20; Dan 1:1); ng Ehipsiyong si Haring Sisak (1Ha 14:25; 2Cr 12:2); ng mga Asiryanong sina Tiglat-pileser III at Senakerib (2Ha 15:29; 16:7; 18:13); ng mga Romanong emperador na sina Augusto, Tiberio, at Claudio (Luc 2:1; 3:1; Gaw 18:2); ng mga Romanong gaya nina Pilato, Felix, at Festo (Gaw 4:27; 23:26; 24:27); ni ang sinasabi nito tungkol sa templo ni Artemis sa Efeso at tungkol sa Areopago sa Atenas (Gaw 19:35; 17:19-34). Ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga ito o sa iba pang mga lugar, mga tao, o mga pangyayari ay tumpak sa bawat detalye. Sinabi ng arkeologong si W. F. Albright: “Ngayon ay may laganap na panunumbalik sa pagpapahalaga sa kawastuan ng relihiyosong kasaysayan ng Israel, kapuwa sa panlahatang lawak at sa tiyak na mga detalye.”—Tingnan ang ARKEOLOHIYA.

Mga lahi at mga wika. Totoo rin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga lahi at mga wika ng sangkatauhan. Ang lahat ng grupo ng mga tao, anuman ang kanilang katayuan, kultura, kulay, o wika, ay kabilang sa iisang pamilya ng tao. Ang pagkakahati-hati ng pamilya ng tao sa tatlong lahi​—Japetiko, Hamitiko, at Semitiko​—na pawang nagmula kay Adan sa pamamagitan ni Noe, ay hindi matututulan. (Gen 9:18, 19; Gaw 17:26) Sinabi ni Sir Henry Rawlinson: “Kung ang pagbabatayan lamang natin ay ang salubungan ng mga landas ng wika, at hindi sasangguni sa lahat ng pagtukoy sa rekord ng Kasulatan, aakayin pa rin tayo nito sa kapatagan ng Sinar, bilang ang pinagmulan ng iba’t ibang landas ng wika.”​—The Historical Evidences of the Truth of the Scripture Records, ni G. Rawlinson, 1862, p. 287; Gen 11:2-9.

Pagiging praktikal. Ang mga turo, mga halimbawa, at mga doktrina ng Bibliya ay napakapraktikal para sa makabagong panahon. Dahil sa matuwid na mga simulain at matataas na pamantayang moral na nakasaad sa aklat na ito, ito’y lubhang nakahihigit sa lahat ng iba pang aklat. Hindi lamang sinasagot ng Bibliya ang mahahalagang tanong kundi naglalaan din ito ng maraming praktikal na mungkahi na kung susundin ay makatutulong nang malaki sa pisikal at mental na kalusugan ng mga tao sa lupa. Ang Bibliya ay nagtatakda ng mga simulain ng tama at mali na nagsisilbing panuntunan para sa makatarungang mga transaksiyon sa negosyo (Mat 7:12; Lev 19:35, 36; Kaw 20:10; 22:22, 23), kasipagan (Efe 4:28; Col 3:23; 1Te 4:11, 12; 2Te 3:10-12), malinis na paggawi sa moral (Gal 5:19-23; 1Te 4:3-8; Exo 20:14-17; Lev 20:10-16), nakapagpapatibay na samahan (1Co 15:33; Heb 10:24, 25; Kaw 5:3-11; 13:20), mabuting ugnayang pampamilya (Efe 5:21-33; 6:1-4; Col 3:18-21; Deu 6:4-9; Kaw 13:24). Gaya nga ng sinabi ng bantog na edukador na si William Lyon Phelps: “Ako’y naniniwala na ang kaalaman sa Bibliya na walang kurso sa kolehiyo ay higit na mahalaga kaysa sa isang kurso sa kolehiyo na walang Bibliya.” (The New Dictionary of Thoughts, p. 46) Sumulat si John Quincy Adams tungkol sa Bibliya: “Sa lahat ng aklat sa daigdig, ito ang pangunahing nakatutulong upang ang mga tao ay maging mabuti, marunong, at maligaya.”​—Letters of John Quincy Adams to His Son, 1849, p. 9.

Tumpak ayon sa siyensiya. Hindi mapupulaan ang pagiging tumpak ng Bibliya may kaugnayan sa siyensiya. Inilalarawan man nito ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari nang ihanda ang lupa upang panahanan ng tao (Gen 1:1-31), tinutukoy ang lupa bilang bilog at nakabitin sa “wala” (Job 26:7; Isa 40:22), inuuri ang kuneho bilang ngumunguya ng dating kinain (Lev 11:6), o sinasabing “ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo” (Lev 17:11-14), ang Bibliya ay kaayon ng siyensiya.

Mga kultura at mga kaugalian. Tumpak ang lahat ng sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga kultura at mga kaugalian ng mga tao. Tungkol naman sa pulitika, palaging tinutukoy ng Bibliya ang isang tagapamahala ayon sa kaniyang wastong titulo noong panahon ng pagsulat. Halimbawa, sina Herodes Antipas at Lisanias ay tinutukoy bilang mga tagapamahala ng distrito (mga tetrarka), si Herodes Agripa (II) bilang hari, at si Galio naman bilang proconsul. (Luc 3:1; Gaw 25:13; 18:12) Pangkaraniwan noong panahong Romano ang mga martsa ng tagumpay ng nanalong mga hukbo, kung saan ipinaparada nila ang kanilang mga bihag. (2Co 2:14) Ang pagkamapagpatuloy sa mga estranghero, ang paraan ng pamumuhay ng mga taga-Silangan, ang paraan ng pagbili ng pag-aari, ang legal na mga pamamaraan sa paggawa ng mga kontrata, at ang pagtutuli na ginagawa ng mga Hebreo at ng iba pang grupo ng mga tao ay binabanggit sa Bibliya, at tumpak ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa lahat ng detalyeng ito.​—Gen 18:1-8; 23:7-18; 17:10-14; Jer 9:25, 26.

Pagkatahasan. Ang mga manunulat ng Bibliya ay nagpamalas ng pagkatahasan na hindi makikita sa ibang sinaunang manunulat. Sa pasimula pa lamang, prangkahang iniulat ni Moises ang kaniyang sariling mga pagkakasala at pati ang mga pagkakasala at kamalian ng kaniyang bayan, isang kaugaliang sinunod ng iba pang mga Hebreong manunulat. (Exo 14:11, 12; 32:1-6; Bil 14:1-9; 20:9-12; 27:12-14; Deu 4:21) Ang mga kasalanan ng prominenteng mga tao gaya nina David at Solomon ay hindi pinagtakpan kundi iniulat pa nga. (2Sa 11:2-27; 1Ha 11:1-13) Inilahad ni Jonas ang kaniyang sariling pagsuway. (Jon 1:1-3; 4:1) Ganito ring pagkatuwiran at pagkatahasan ang ipinamalas ng iba pang mga propeta. Kung paanong kinakitaan ng tapat na pag-uulat ang Hebreong Kasulatan, gayunding saloobin ang ipinamalas ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Binanggit ni Pablo ang kaniyang dating makasalanang landasin sa buhay; ang hindi pananatili ni Marcos sa gawaing pagmimisyonero; at pati ang mga kamalian ng apostol na si Pedro. (Gaw 22:19, 20; 15:37-39; Gal 2:11-14) Pinatitibay ng gayong prangkahan at tahasang pag-uulat ang ating pagtitiwala na ang Bibliya ay tapat at totoo.

Integridad. Pinatutunayan ng mga katibayan ang integridad ng Bibliya. Ang salaysay ng Bibliya ay may malapit na kaugnayan sa kasaysayan noong mga panahon ng pagsulat nito. Nagbibigay ito ng tuwiran at makatotohanang tagubilin sa pinakasimpleng paraan. Ang kataimtiman at pagkamatapat ng mga manunulat nito, ang matinding sigasig nila sa katotohanan, at ang pagiging napakaingat nila upang maiulat nang tumpak ang mga detalye ang siyang aasahan natin sa Salita ng katotohanan ng Diyos .​—Ju 17:17.

Mga hula. Kung mayroon mang isang aspekto na mag-isang makapagpapatunay na ang Bibliya ay kinasihang Salita ni Jehova, iyon ay ang mga hula nito. Napakaraming matatagal nang hula sa Bibliya ang natupad na. Para sa talaan ng ilan sa mga ito, tingnan ang aklat na “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” p. 343-346.

Preserbasyon. Wala nang orihinal na mga sulat ng Banal na Kasulatan ang umiiral sa ngayon. Gayunman, tiniyak ni Jehova na may mga kopyang hahalili sa nalulumang mga orihinal. Gayundin, mula noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya at pagkatapos nito, dahil sa dumaraming komunidad ng mga Judio sa labas ng Palestina, kinailangan ang mas maraming kopya ng Kasulatan. Ang pangangailangang ito ay natugunan ng propesyonal na mga tagakopya na nagpakaingat upang matiyak na tumpak ang kanilang sulat-kamay na mga manuskrito. Ang isa sa kanila ay si Ezra, “isang dalubhasang tagakopya ng kautusan ni Moises, na ibinigay ni Jehova na Diyos ng Israel.”​—Ezr 7:6.

Sa loob ng daan-daang taon, nagpatuloy ang paggawa ng sulat-kamay na mga kopya ng Kasulatan, anupat noong panahong iyon ay idinagdag pa rito ang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang Banal na mga Akdang ito ay nagkaroon din ng mga salin o mga bersiyon sa ibang mga wika. Sa katunayan, natatangi ang Hebreong Kasulatan bilang ang kauna-unahang importanteng aklat na isinalin sa ibang wika. Libu-libo pa sa mga manuskrito at mga bersiyong ito ng Bibliya ang umiiral sa ngayon.​—Tingnan ang BERSIYON, MGA; MANUSKRITO NG BIBLIYA, MGA.

Ang unang inimprentang Bibliya, ang Gutenberg Bible, ay inilimbag noong 1456. Sa ngayon, ang bilang ng naipamahaging Bibliya (buo man o ilang bahagi lamang) ay umabot na sa mahigit limang bilyong kopya sa mahigit na 3,000 wika. Naisagawa ito sa kabila ng matinding pagsalansang mula sa maraming grupo. Sa katunayan, mas maraming naging kaaway ang Bibliya kaysa sa alinmang aklat; ipinagbawal pa nga ng mga papa at mga konsilyo ang pagbabasa ng Bibliya sa ilalim ng parusang ekskomunikasyon. Libu-libong umiibig sa Bibliya ang namatay, at libu-libong kopya ng Bibliya ang sinunog. Ang isa sa mga naging biktima dahil sa pagsisikap na maipreserba ang Bibliya ay ang tagapagsalin na si William Tyndale, na nagsabi noong minsang makipagtalo siya sa isang klerigo: “Kung pahahabain pa ng Diyos ang buhay ko nang maraming taon, gagawin ko ang makakaya ko upang mahigitan ng batang nag-aararo ang nalalaman mo sa Kasulatan.”​—Actes and Monuments, ni John Foxe, London, 1563, p. 514.

Ang lahat ng kapurihan at pasasalamat dahil sa patuloy na pag-iral ng Bibliya sa kabila ng gayong matinding pagsalansang ay nauukol kay Jehova, ang Tagapag-ingat ng kaniyang Salita. Kaya naman higit na nagiging makahulugan ang sinipi ng apostol na si Pedro mula sa propetang si Isaias: “Ang lahat ng laman ay tulad ng damo, at ang lahat ng kaluwalhatian nito ay tulad ng bulaklak ng damo; ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay nalalagas, ngunit ang pananalita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman.” (1Pe 1:24, 25; Isa 40:6-8) Kaya, sa ika-21 siglong ito, dapat tayong ‘magbigay-pansin dito na gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim.’ (2Pe 1:19; Aw 119:105) Ang tao na ang “kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi” at nagsasagawa ng mga bagay na nababasa niya ang siyang uunlad at magiging maligaya. (Aw 1:1, 2; Jos 1:8) Para sa kaniya, ang mga kautusan, paalaala, utos, at hudisyal na pasiya ni Jehova na nasa Bibliya ay “mas matamis kaysa sa pulot-pukyutan,” at ang karunungang natatamo mula roon ay “higit na nanasain kaysa sa ginto, oo, kaysa sa maraming dalisay na ginto,” sapagkat nangangahulugan ito ng kaniya mismong buhay.​—Aw 19:7-10; Kaw 3:13, 16-18; tingnan ang KANON.

[Tsart sa pahina 408]

TALAAN NG MGA AKLAT NG BIBLIYA AYON SA PAGKAKASUNUD-SUNOD NG PAGKAKASULAT

(Ang pagkakasunud-sunod ng pagkakasulat ng mga aklat ng Bibliya ay tinantiya lamang; ang ilan sa mga petsa [at mga lugar kung saan isinulat ang mga ito] ay hindi tiyak. Ang simbolong p. ay nangangahulugang “pagkatapos”; b., “bago”; at c., “circa” o “humigit-kumulang.”)

Hebreong Kasulatan (B.C.E.)

Aklat

Manunulat

Kailan Natapos

Panahong Saklaw

Saan Isinulat

Genesis

Moises

1513

“Nang pasimula” hanggang 1657

Sa Ilang

Exodo

Moises

1512

1657-1512

Sa Ilang

Levitico

Moises

1512

1 buwan (1512)

Sa Ilang

Job

Moises

c. 1473

Mahigit 140 taon sa pagitan ng 1657 at 1473

Sa Ilang

Bilang

Moises

1473

1512-1473

Sa Ilang/Kapatagan ng Moab

Deuteronomio

Moises

1473

2 buwan (1473)

Kapatagan ng Moab

Josue

Josue

c. 1450

1473–c. 1450

Canaan

Hukom

Samuel

c. 1100

c. 1450–c. 1120

Israel

Ruth

Samuel

c. 1090

11 taóng pamamahala ng mga Hukom

Israel

1 Samuel

Samuel; Gad; Natan

c. 1078

c. 1180-1078

Israel

2 Samuel

Gad; Natan

c. 1040

1077–c. 1040

Israel

Awit ni Solomon

Solomon

c. 1020

Jerusalem

Eclesiastes

Solomon

b. 1000

Jerusalem

Jonas

Jonas

c. 844

Joel

Joel

c. 820 (?)

Juda

Amos

Amos

c. 804

Juda

Oseas

Oseas

p. 745

b. 804–p. 745

Samaria (Distrito)

Isaias

Isaias

p. 732

c. 778–p. 732

Jerusalem

Mikas

Mikas

b. 717

c. 777-717

Juda

Kawikaan

Solomon;Agur;Lemuel

c. 717

Jerusalem

Zefanias

Zefanias

b. 648

Juda

Nahum

Nahum

b. 632

Juda

Habakuk

Habakuk

c. 628 (?)

Juda

Panaghoy

Jeremias

607

Malapit sa Jerusalem

Obadias

Obadias

c. 607

Ezekiel

Ezekiel

c. 591

613–c. 591

Babilonya

1 at 2 Hari

Jeremias

580

c. 1040-580

Juda/Ehipto

Jeremias

Jeremias

580

647-580

Juda/Ehipto

Daniel

Daniel

c. 536

618–c. 536

Babilonya

Hagai

Hagai

520

112 araw (520)

Jerusalem

Zacarias

Zacarias

518

520-518

Jerusalem

Esther

Mardokeo

c. 475

493–c. 475

Susan, Elam

1 at 2 Cronica

Ezra

c. 460

Pagkatapos ng 1 Cronica 9:44, 1077-537

Jerusalem (?)

Ezra

Ezra

c. 460

537–c. 467

Jerusalem

Awit

David at iba pa

c. 460

Nehemias

Nehemias

p. 443

456–p. 443

Jerusalem

Malakias

Malakias

p. 443

Jerusalem

[Tsart sa pahina 410]

Kristiyanong Griegong Kasulatan (C.E.)

Aklat

anunulat

Kailan Natapos

Panahong Saklaw

Saan Isinulat

Mateo

Mateo

c. 41

2 B.C.E.–33 C.E.

Palestina

1 Tesalonica

Pablo

c. 50

Corinto

2 Tesalonica

Pablo

c. 51

Corinto

Galacia

Pablo

c. 50-52

Corinto o Antioquia ng Sirya

1 Corinto

Pablo

c. 55

Efeso

2 Corinto

Pablo

c. 55

Macedonia

Roma

Pablo

c. 56 

Corinto

Lucas

Lucas

c. 56-58

3 B.C.E.–33 C.E.

Cesarea

Efeso

Pablo

c. 60-61

Roma

Colosas

Pablo

c. 60-61

Roma

Filemon

Pablo

c. 60-61

Roma

Filipos

Pablo

c. 60-61

Roma

Hebreo

Pablo

c. 61

Roma

Gawa

Lucas

c. 61

33–c. 61 C.E.

Roma

Santiago

Santiago

b. 62

Jerusalem

Marcos

Marcos

c. 60-65

29-33 C.E.

Roma

1 Timoteo

Pablo

c. 61-64

Macedonia

Tito

Pablo

c. 61-64

Macedonia (?)

1 Pedro

Pedro

c. 62-64

Babilonya

2 Pedro

Pedro

c. 64

Babilonya (?)

2 Timoteo

Pablo

c. 65

Roma

Judas

Judas

c. 65

Palestina (?)

Apocalipsis

Juan

c. 96

Patmos

Juan

Juan

c. 98

Pagkatapos ng prologo, 29-33 C.E.

Efeso, o malapit dito

1 Juan

Juan

c. 98

Efeso, o malapit dito

2 Juan

Juan

c. 98

Efeso, o malapit dito

3 Juan

Juan

c. 98

Efeso, o malapit dito