Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bilangguan

Bilangguan

Isang dakong kulungan ng isa na lilitisin o ng isa na nasumpungang nagkasala ng paglabag sa batas. Ganito ang mga kahulugan ng iba’t ibang pananalita sa orihinal na wika na tumutukoy sa isang bilangguan, o piitan: “bahay na pabilog” (Gen 39:20; ihambing ang tlb sa Rbi8), “bahay ng imbakang-tubig” (Exo 12:29, tlb sa Rbi8), “bahay-kulungan” (Gen 42:19; 1Ha 22:27; Jer 52:11), “bahay ng mga bilanggo o ng mga nakagapos” (Huk 16:21; Ec 4:14), “bahay ng mga pangawan” (2Cr 16:10), “dako ng mga gapos” (Mat 11:2), “dako ng pagbabantay” (Mat 14:10), at “dakong kulungan o dako ng pag-oobserba” (Gaw 5:18).

Sa gitna ng iba’t ibang sinaunang mga tao, kabilang na ang mga Ehipsiyo, mga Filisteo, mga Asiryano, mga Babilonyo, at mga Persiano, ang pagbibilanggo ay isang paraan ng legal na pagpaparusa. (Gen 39:20; Huk 16:25; 2Ha 17:4; Ezr 7:26; Jer 52:31-33) Ang mga bilanggo ay maaaring igapos ng mga pangaw at puwersahang pagtrabahuhin ng mabibigat na gawain, gaya ng paggiling. (Huk 16:21; 2Ha 17:4; Aw 105:17, 18; Jer 52:11) Sa Ehipto, maaaring ilagay ang isang pinagkakatiwalaang bilanggo (gaya ni Jose) upang mangasiwa sa ibang mga preso at atasang magsilbi sa mga bilanggo na dating may prominenteng posisyon bago sila nakulong.​—Gen 39:21–40:4.

Sa paanuman ay may mga bilangguan na mula pa noong ika-18 siglo B.C.E., sapagkat noon may-kamaliang ikinulong si Jose sa piitan na karugtong ng “bahay ng pinuno ng tagapagbantay.” (Gen 39:20; 40:3; 41:10) Lumilitaw na ang Ehipsiyong piitang ito ay may bartolina, o lungaw na kahugis ng isang imbakang-tubig, kung saan inilalagay ang ilang bilanggo.​—Gen 40:15; 41:14; ihambing ang Isa 24:22.

Walang probisyon sa Kautusang Mosaiko para gumamit ng mga bilangguan bilang isang paraan ng pagpaparusa. Yamang ang katarungan ay dapat ilapat nang mabilis (Jos 7:20, 22-25), mababasa natin sa Pentateuch na inilalagay lamang sa kulungan ang mga indibiduwal sa mga kasong nangangailangan ng paglilinaw ng Diyos. (Lev 24:12; Bil 15:34) Gayunman, nang maglaon ay gumamit ang mga Israelita ng mga bilangguan. Halimbawa, ikinulong ang propetang si Jeremias sa “bahay-pangawan, sa bahay ni Jehonatan na kalihim.” Ang dakong kulungang ito ay may “mga nakaarkong silid,” marahil ay mga selda sa bartolina. Napakasama ng mga kalagayan doon anupat nangamba si Jeremias na baka mamatay siya roon. (Jer 37:15-20) Dahil dito, inilipat siya sa “Looban ng Bantay,” anupat doon ay binibigyan siya ng pang-araw-araw na panustos na tinapay, maaari siyang tumanggap ng mga panauhin at nakagawa siya ng mga transaksiyong pangnegosyo.​—Jer 32:2, 8, 12; 37:21; tingnan din ang 1Ha 22:27; 2Cr 16:10; Heb 11:36.

Noong unang siglo C.E., ayon sa kaugaliang Romano, ang mga tagapagbilanggo o mga bantay ang personal na nananagot para sa mga bilanggo. (Gaw 12:19) Kaya naman ang tagapagbilanggo sa Filipos, sa pag-aakalang nakatakas ang kaniyang mga bilanggo, ay handa nang magpatiwakal. (Gaw 16:27) Para sa seguridad, kadalasang naglalagay ng mga bantay sa mga pinto ng bilangguan, at maaaring ilagay sa mga pangawan ang mga paa ng mga bilanggo o itanikala ang kanilang mga kamay sa kamay ng mga nagbabantay sa kanila. (Gaw 5:23; 12:6-10; 16:22-24) May ilang bilanggo na pinahintulutang tumanggap ng mga panauhin.​—Mat 25:36; Gaw 23:35; 24:23, 27; 28:16-31; tingnan ang GAPOS, BUKLOD, BIGKIS; TAGAPAGBILANGGO.

Gaya nga ng inihula ni Kristo Jesus, marami sa kaniyang mga tagasunod ang dumanas ng pagkabilanggo. (Luc 21:12; Gaw 26:10; Ro 16:7; Col 4:10; Heb 10:34; 13:3) Habang nasa pagkatapon sa isla ng Patmos, isinulat ng apostol na si Juan na ang pagkabilanggo ay patuloy na magiging isang paraan ng pag-usig sa mga Kristiyano.​—Apo 2:10.

Makasagisag na Paggamit. Sa makasagisag na diwa, ang “bilangguan” ay maaaring tumukoy sa isang lupain ng pagkatapon (gaya ng Babilonya) o sa isang kalagayan ng espirituwal na pagkaalipin o pagkakulong. (Isa 42:6, 7; 48:20; 49:5, 8, 9; 61:1; Mat 12:15-21; Luc 4:17-21; 2Co 6:1, 2) Bagaman ang mga espiritung nilalang na naging masuwayin noong mga araw ni Noe ay walang pisikal na mga katawan na maaaring pigilan ng literal na mga gapos, nilimitahan naman ang kanilang gawain at nasa isang kalagayan na sila ng pusikit na kadiliman may kaugnayan sa Diyos na Jehova, anupat para silang nasa bilangguan. (1Pe 3:19; Jud 6; tingnan ang TARTARO.) Gayundin, ang kalaliman na doon ikukulong si Satanas sa loob ng isang libong taon ay isang “bilangguan,” isang dako ng tulad-kamatayang pagkagapos o pagkakulong.​—Apo 20:1-3, 7.