Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bildad

Bildad

Isa sa tatlong kasamahan ni Job, tinatawag na Shuhita; isang inapo ni Shuah, na anak ni Abraham kay Ketura. (Job 2:11; Gen 25:2; 1Cr 1:32) Bilang ikalawang tagapagsalita sa tatlong yugto ng debate, kadalasan nang sinususugan ni Bildad ang pangkalahatang tema na inilatag ni Elipaz; ang kaniyang mga pahayag ay mas maiikli at higit na nakasasakit, bagaman hindi kasintindi niyaong kay Zopar. Si Bildad ang unang nag-akusa na gumawa ng masama ang mga anak ni Job at sa gayon ay karapat-dapat ang mga ito sa kapahamakang sumapit sa kanila. Taglay ang maling pangangatuwiran, ginamit niya ang ilustrasyong ito: Kung paanong natutuyo at namamatay ang papiro at mga tambo kung walang tubig, gayundin ang “lahat niyaong lumilimot sa Diyos”​—isang pangungusap na totoo sa ganang sarili, ngunit maling-mali sa pagpapahiwatig na kumakapit ito sa may-takot sa Diyos na si Job. (Job 8) Tulad ni Elipaz, may-kabulaanang itinuring ni Bildad na ang mga kapighatian ni Job ay yaong mga sumasapit sa balakyot: ‘hindi magkakaroon ng kaapu-apuhan ni ng supling man’ ang kawawang si Job, ang pahiwatig ni Bildad. (Job 18) Sa kaniyang ikatlong pahayag, na maikli ngunit doon ay sinabi ni Bildad na ang tao ay “isang uod” at “isang bulati” kaya naman marumi sa harap ng Diyos, nagwakas ang mga salitang ‘pang-aliw’ ng tatlong kasamahan ni Job. (Job 25) Nang bandang huli, si Bildad, kasama ng dalawa, ay tinagubilinan ng Diyos na maghandog ng haing sinusunog at hilingin kay Job na idalangin sila.​—Job 42:7-9.