Bilha
1. Isa sa mga alilang babae sa sambahayan ni Laban na ibinigay niya sa kaniyang anak na si Raquel upang maging alilang babae nito noong mapangasawa ito ni Jacob. (Gen 29:29) Naganap iyon sa Padan-aram, na nasa hilagaang matalampas na rehiyon ng Mesopotamia. Sa paglipas ng panahon, nang manatiling baog si Raquel, ibinigay niya si Bilha kay Jacob bilang pangalawahing asawa, upang magkaanak siya sa pamamagitan ng kaniyang alilang babae, gaya ng ginawa ni Sara. (Gen 16:2) Sa ganitong paraan ay nagkapribilehiyo si Bilha na maging ina ng dalawang anak na lalaki, sina Dan at Neptali, anupat ang mga inapo ng mga ito ang bumuo ng 2 sa 12 tribo ng Israel. (Gen 30:3-8; 35:25; 1Cr 7:13) Nang bumalik si Jacob sa lupain ng Canaan, si Bilha, kasama ang kaniyang mga anak, ay personal na ipinakilala ni Jacob sa kakambal niyang si Esau. Pagkamatay ni Raquel, ang panganay na anak ni Jacob na si Ruben ay nakiapid kay Bilha.—Gen 35:22; 49:3, 4.
2. Isang bayan ng tribo ni Simeon na nasa loob ng rehiyon ng Negeb sa Juda (1Cr 4:29), maliwanag na yaon ding Baala sa Josue 15:29.