Binili
[sa Ingles, purchase].
Isang bagay na natamo bilang resulta ng pagbibigay ng mahahalagang bagay bilang kapalit—salapi, mga ari-arian, mga serbisyo, o maging buhay.
Noon pa mang mga araw ni Abraham, ang mga tao ay pormal nang bumibili at nagbebenta ng mga paninda, mga pag-aari, o mga serbisyo, anupat gumagamit ng pambayad tulad ng salapi, kagayang-kagaya rin sa ngayon. May mga aliping lalaki si Abraham na “binili [niya] ng salapi.” (Gen 17:12, 13) Nang mamatay si Sara, isang loteng mapaglilibingan ng pamilya ang pormal na binili ni Abraham mula kay Epron, isa sa mga anak ni Het. (Gen 23:3-20; 49:29-32) Kapansin-pansin ang mga detalye ng legal na kontratang iyon na siyang unang kontrata sa kasaysayan na itinala sa Kasulatan.
Bilang taimtim na pagbibigay-galang, yumukod si Abraham nang inihaharap niya ang kaniyang alok. Hindi ang parang, kundi ang yungib ‘na nasa dulo ng parang ni Epron’ ang nais bilhin ni Abraham. Bilang tugon, ibang alok naman ang iniharap ni Epron. Hindi matiyak kung nagkukunwari lamang siyang mapagbigay, ayon sa kaugalian ng mga taga-Silangan, nang sabihin niyang ibibigay niya ang ari-ariang iyon kay Abraham (Gen 23:7-11), o gaya ng ipinapalagay ng ilan, ipinahahayag lamang niya na handa siyang ibigay iyon, samakatuwid nga, ‘bitiwan iyon’ kapalit ng isang halaga. Gayunman, nakatitiyak tayo na ipinilit niyang ilakip sa bilihan kapuwa ang yungib at ang parang. Sa wakas ay nagkasundo sila, itinakda ang halaga, at maingat na tinimbang ang salapi, “apat na raang siklong pilak na karaniwang ginagamit ng mga mangangalakal.” (mga $880) (Gen 23:16) Noong mga araw na iyon, hindi pa naghuhulma ng salaping barya kundi tinitimbang lamang iyon sa timbangan. Sa gayon, “ang parang at ang yungib na naroroon at ang lahat ng punungkahoy na nasa parang, na nasa loob ng lahat ng hangganan nito sa palibot, ay napagtibay kay Abraham bilang kaniyang nabiling pag-aari.” Naganap ang buong legal na transaksiyong ito sa harap ng dalawang partido at ng mga saksi, oo, “sa paningin ng mga anak ni Het sa gitna ng lahat niyaong mga pumapasok sa pintuang-daan ng kaniyang lunsod.” (Gen 23:17, 18) Nang maglaon, binili ni Jacob ang isang bahagi ng lupain mula sa mga Sikemita sa gayunding paraan.—Gen 33:18, 19.
Noong panahon ng pitong-taóng taggutom, si Jose, bilang punong ministro ng Ehipto, ay nagbenta ng mga butil kapalit ng salapi, at nang maubos na ang salapi, tinanggap niya bilang pambayad ang kanilang mga alagang hayop, pagkatapos ay ang lupain nila, at nang bandang huli ay ang mga tao mismo.—Gen 42:2-25; 47:13-23.
Mahigpit na ipinagbawal ng Kautusan ni Moises ang pagbili at pagtitinda kapag Sabbath, kung paanong ipinagbawal din nito ang mapandayang mga transaksiyon sa negosyo. Noong panahon ng pag-aapostata ng Israel, madalas labagin ang mga kautusang ito.—Lev 25:14-17; Ne 10:31; 13:15-18; Am 8:4-6.
Noong nais bilhin ni Haring David ang giikan ni Arauna (Ornan), buong kagandahang-loob na tinangka ng taong ito na ibigay na lamang iyon sa hari. Gayunman, nagpumilit si David na magbayad ng halagang 50 siklong pilak ($110) para sa mismong lugar ng altar pati na sa mga bagay na kakailanganin para sa paghahain. Nang maglaon, waring idinagdag ang iba pang bahagi ng nakapalibot na lupain kasama ang isang lugar na sapat ang laki upang mapagtayuan ng buong templo, anupat ang halagang ipinambili rito ay 600 siklong ginto ayon sa timbang (mga $77,070). (2Sa 24:21-24; 1Cr 21:22-25) Noon namang panahon ng mga paghahari ng mga haring sina Jehoas at Josias, bumili sila ng mga materyales at umupa ng mga trabahador para sa pagkukumpuni ng templo.—2Ha 12:9-12; 22:3-7.
Bumili si Jeremias ng isang bukid sa kaniyang sariling bayan ng Anatot, anupat inilarawan niya ang legal na transaksiyon sa ganitong paraan: “Sumulat ako ng isang kasulatan at inilakip ko ang tatak at kumuha ako ng mga saksi habang tinitimbang ko sa timbangan ang salapi.”—Jer 32:9-16, 25, 44.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, marami ring mga ari-arian at mga materyales ang tinutukoy na binili—pagkain, langis, kasuutan, perlas, bukid, parang, bahay, ginto, pamahid sa mata, kalakal, hayop, at kahit tao. (Mat 13:44-46; 25:8-10; 27:7; Mar 6:37; Ju 4:8; 13:29; Gaw 1:18; 4:34-37; 5:1-3; Apo 3:18; 13:17; 18:11-13; tingnan ang BANGKO, BANGKERO.) Sa pamamagitan ng pagkakabili sa kanila, ang nananampalatayang mga Judio ay napalaya mula sa sumpa ng Kautusan sa pamamagitan ni Kristo, na naging isang sumpa na kapalit nila nang siya, bagaman walang-sala, ay ibayubay sa tulos. (Gal 3:13; 4:5) Sa pamamagitan ng “dugo ng kaniyang sariling Anak,” binili ni Jehova ang buong “kongregasyon ng Diyos.”—Gaw 20:28.