Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binti

Binti

Ang biyas ng tao o hayop na ginagamit bilang suporta sa katawan at para sa paglalakad. Noong italaga ang pagkasaserdote, ang kanang binti ng “barakong tupa ng pagtatalaga” ay kasama sa “handog na ikinakaway.” (Lev 8:22, 25-27) Sa ilang hain, ang kanang binti sa hulihan, maliwanag na ang piling itaas na bahagi nito, ay ibinibigay rin sa nanunungkulang saserdote bilang isang sagradong bahagi. (Lev 7:32-34; 10:12, 14, 15) Sa Bilang 6:19 at Deuteronomio 18:3, binabanggit din na ang binti sa unahan, ang “balikat” o “paypay” (sa literal, “bisig”), ay takdang bahagi ng mga saserdote.

Ang mga insekto na may “mga panluksong binti” (sa Heb., kera·ʽaʹyim) ang tanging may-pakpak at nagkukulupong mga nilalang na itinakda ng Kautusan bilang malinis na pagkain. (Lev 11:21) Sa ibang talata, ang terminong Hebreo ring ito ay tumutukoy sa ibabang bahagi ng binti ng mga hayop, na nasa pagitan ng tuhod at sakong. Kapag ginamit sa ganitong diwa, kadalasang tumutukoy ito sa mga binti ng mga hayop na inihahanda para sa paghahain. (Lev 1:9, 13; 4:11, 12; 8:21; 9:14) Sa Amos 3:12, ginagamit ng propeta ni Jehova ang paglalarawan sa isang pastol na umaagaw sa dalawang binti ng hayop mula sa bibig ng leon (maliwanag na upang huwag siyang papanagutin dahil sa pagkawala ng isang hayop mula sa kaniyang kawan). Dito ay malinaw na inilalarawan ng propeta ang pagkapuksa na sasapit sa Samaria, partikular na sa mga lider nito. Napakakaunti lamang ng makatatakas sa tulad-leong pananakmal ng mga kaaway ng Samaria.

Sa hula ay sinabi ni Jehova sa Babilonya: “Hubarin mo ang mahabang saya. Ilantad mo ang binti. Tawirin mo ang mga ilog.” (Isa 47:1, 2) Sa halip na maging isang reyna na palaging pinagsisilbihan, sa makasagisag na paraan ay kinailangan niyang ilantad ang kaniyang mga binti hanggang sa balakang sapagkat bilang isang bihag ay lulusong siyang nakatapak at tatawid sa mga ilog kung saan siya kakaladkarin ng kaniyang mga manlulupig.

Ginamit din ang mga binti sa makasagisag na paraan upang kumatawan sa kalakasan o sa tulin at kapangyarihan ng tao. Mababasa natin sa Awit 147:10 tungkol kay Jehova: “Hindi siya nalulugod sa kalakasan ng kabayo, ni nakasusumpong man siya ng kaluguran sa mga binti ng tao.” Sa Kawikaan 26:7, ang mga binting pilay ay ginagamit na sagisag ng kawalang-silbi o kawalang-kakayahan.

Waring naging kaugaliang Romano na baliin ang mga binti ng mga kriminal na hinatulang mamatay sa tulos upang mamatay kaagad ang mga ito at matapos na ang kanilang paghihirap. Bilang tugon sa kahilingan ng mga Judio, binali ng mga kawal ang mga binti ng mga lalaking nakabayubay sa mga tulos sa tabi ni Jesu-Kristo ngunit nang makita nilang patay na si Jesus, hindi na nila binali ang kaniyang mga binti. Dahil dito, natupad ang hula sa Awit 34:20.​—Ju 19:31-36; ihambing ang Exo 12:46; Bil 9:12.