Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binubong Dagat (Dagat na Tanso)

Binubong Dagat (Dagat na Tanso)

Nang itayo ang templo noong panahon ng paghahari ni Solomon, ang nabubuhat na hugasan na yari sa tanso at dating ginagamit sa tabernakulo ay hinalinhan ng isang “binubong [samakatuwid nga, hinulma o ibinuhos na] dagat.” (Exo 30:17-21; 1Ha 7:23, 40, 44) Ginawa ito ni Hiram, isang Hebreong taga-Fenicia, at maliwanag na tinawag itong “dagat” dahil napakarami ng tubig na mailalaman nito. Ang sisidlang ito, na yari rin sa tanso, ay “sampung siko [4.5 m; 14.6 piye] mula sa isang labi nito hanggang sa kabilang labi nito, pabilog sa buong palibot; at ang taas nito ay limang siko [mga 2.2 m; 7.3 piye], at nangailangan ng isang pising tatlumpung siko [13.4 m; 44 na piye] upang mapaikutan ito sa buong palibot.”​—1Ha 7:23.

Sirkumperensiya. Maliwanag na ang sirkumperensiyang 30 siko ay isang pagtaya lamang, sapagkat ang eksaktong sukat nito ay 31.4 siko. May kinalaman dito, sinipi ni Christopher Wordsworth ang kapansin-pansing obserbasyon ng isa na nagngangalang Rennie: “Hanggang noong panahon ni Archimedes [ikatlong siglo B.C.E.], ang sirkumperensiya ng isang bilog ay laging sinusukat sa pamamagitan ng tuwid na mga linya gamit ang radius nito; at natural lamang na ilarawan ni Hiram ang dagat bilang tatlumpung siko sa palibot, anupat sinukat niya iyon, gaya ng kaugalian noon, gamit ang radius, o kalahati ng diyametro niyaon, na limang siko, anupat kung anim na beses na gagamitin ang sukat na ito paikot sa perimetro, o ‘labi,’ ang magiging kabuuan ay tatlumpung siko gaya ng nabanggit. Maliwanag na ang tanging layunin ng talata ay ang ibigay ang mga dimensiyon ng Dagat, sa pananalitang mauunawaan ng lahat, anupat sinusukat ang sirkumperensiya niyaon ayon sa paraang ginagamit noon ng lahat ng dalubhasang manggagawa, tulad ni Hiram, kapag sumusukat sila ng mga bilog. Sabihin pa, tiyak na alam na alam niya na bagaman ang poligong eksagon na nalikha ng radius ay tatlumpung siko, ang aktuwal na pakurbang sirkumperensiya ay mas malaki nang bahagya.” (Notes on the King James Version, London, 1887) Kaya naman, lumilitaw na ang ratio na tatlo sa isa (samakatuwid nga, ang sirkumperensiya ay tatlong ulit ng diyametro) ang isang nakagawiang paraan noon ng pagbibigay ng sukat, anupat isang pagtaya lamang.

Yari sa Tanso. Ang dagat na tanso ay may “mga palamuting hugis-upo” at ang pinakapaanan nito ay 12 wangis ng mga toro, na nakaharap sa hilaga, timog, silangan, at kanluran anupat nakapangkat nang tigtatatlo. Ang labi ng dagat ay parang isang bulaklak na liryo. Ang malaking sisidlang ito ay may kapal na “sinlapad-ng-kamay [7.4 sentimetro; 2.9 pulgada].” (1Ha 7:24-26) Ang napakaraming tanso na ito ay nagmula sa mga suplay na nakuha ni Haring David sa kaniyang mga pananakop sa Sirya. (1Cr 18:6-8) Hinulma ito sa pook ng Jordan gamit ang isang moldeng luwad at talagang isang kahanga-hangang gawa.​—1Ha 7:44-46.

Kapasidad. Sinasabi ng ulat sa 1 Hari 7:26 na “dalawang libong takal na bat ang mailalaman” ng dagat samantalang sinasabi ng katulad na ulat sa 2 Cronica 4:5 na “tatlong libong takal na bat ang mailalaman nito.” Inaangkin ng ilan na ang pagkakaibang ito ay resulta ng pagkakamali ng eskriba sa ulat ng Mga Cronica. Gayunman, bagaman iisang pandiwang Hebreo na nangangahulugang “maglaman” ang ginamit sa dalawang kasong ito, maaaring ipahintulot ang kaunting pagkakaiba sa pagsasalin nito. Kaya naman isinalin ng ilang bersiyon ang 1 Hari 7:26 upang kabasahan na ang sisidlan ay “naglaman” o “maglalaman” ng 2,000 takal na bat, at isinalin nila ang 2 Cronica 4:5 upang kabasahan na “makapaglalaman” iyon ng 3,000 takal na bat. (AT, JB) Dahil dito, maaaring unawain na ang isinasaad ng ulat ng Mga Hari ay ang dami ng tubig na karaniwang inilalagay sa sisidlang iyon samantalang ang ibinibigay naman ng ulat ng Mga Cronica ay ang aktuwal na kapasidad ng sisidlan kung pupunuin iyon hanggang labi.

May katibayan na ang takal na bat noong sinauna ay katumbas ng mga 22 L (5.8 gal), kaya naman, kung ang dagat ay kinakargahan ng hanggang dalawang katlo ng kapasidad nito, ang karaniwang laman nito ay mga 44,000 L (11,620 gal) ng tubig. Upang magkaroon ito ng gayong kapasidad, malamang na hindi tuwid ang tagiliran nito, kundi sa halip, malamang na ang tagiliran sa ibaba ng labi ay pakurba, anupat ang sisidlan ay hugis-singkamas. Ang isang sisidlan na may gayong hugis at may mga dimensiyong gaya ng nabanggit na ay makapaglalaman ng hanggang 66,000 L (17,430 gal). Ayon sa paglalarawan ni Josephus, Judiong istoryador noong unang siglo C.E., ang dagat ay “kahugis ng hemisperyo.” Sinasabi rin niya na ang dagat ay nasa pagitan ng altar ng handog na sinusunog at ng gusali ng templo, anupat bahagyang nasa dakong timog.​—Jewish Antiquities, VIII, 79 (iii, 5); VIII, 86 (iii, 6).

Bukod pa sa dagat na tanso, mayroon ding sampung mas maliliit na tansong hugasan na nakapatong sa mga karwahe, at maliwanag na sinasalinan ang mga ito mula sa dagat na tanso. (1Ha 7:38, 39) Ayon sa tradisyong rabiniko, ang dagat ay may mga gripo. Ang sampung hugasan ay ginagamit sa paghuhugas ng ilang hain at malamang na para sa iba pang mga gawaing paglilinis, ngunit “ang dagat ay para sa mga saserdote upang doon sila maghugas.” (2Cr 4:6) May mga rabbing nagsasabi na lubusang inilulubog ng mga saserdote ang kanilang sarili sa tubig ng dagat na tanso, samantalang sinasabi ni Josephus na iyon ay “para paghugasan ng mga saserdote ng kanilang mga kamay at mga paa.” (Jewish Antiquities, VIII, 87 [iii, 6]) Anuman ang sinunod nilang pamamaraan, ang dagat na tanso ay iniuugnay sa paglilinis ng mga saserdote.

Sa Hula. Makatutulong ito upang maunawaan ang mga pagtukoy ng aklat ng Apocalipsis sa “malasalaming dagat” na nakita sa harap ng trono ng Diyos sa pangitain ng apostol na si Juan. (Apo 4:6; 15:2) Iyon ay “tulad ng kristal,” anupat marahil ay malinaw ang tagiliran (ihambing ang Apo 21:18, 21) kung kaya nakikita ang laman niyaon. Ang mga nakatayo sa tabi niyaon, mga indibiduwal na nagtagumpay sa “mabangis na hayop” at sa “larawan” nito, ay katumbas ng “mga tinawag at pinili at tapat” na inilarawan sa Apocalipsis 17:14; 20:4-6. Ang mga ito’y maglilingkod bilang “mga saserdote ng Diyos at ng Kristo” at bilang mga hari na kasama ni Kristo sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Pamamahala. (Ihambing ang 1Pe 2:9.) Ang puwesto ng uring-saserdoteng ito sa tabi ng “malasalaming dagat” sa harap ng trono ng Diyos ay nagpapaalaala sa pagtukoy ng apostol sa kongregasyong Kristiyano bilang ‘nilinis sa paghuhugas ng tubig sa pamamagitan ng salita.’ (Efe 5:25-27) Binanggit din ni Jesus ang tungkol sa nakapagpapalinis na kapangyarihan ng salita ng Diyos na kaniyang ipinahayag. (Ju 15:3) Tiyak na ang ‘paghalo ng apoy’ (Apo 15:2) sa tubig na laman ng dagat ay may kaugnayan sa mga kahatulan ng Diyos, yamang ang apoy ay malimit gamitin sa ganitong diwa at yamang ang Diyos mismo ay inilalarawan bilang isang “apoy na tumutupok” sa mga nagtatakwil sa kaniyang kalooban.​—Heb 12:25, 29.

Kung gayon, ang sagisag ng “malasalaming dagat” sa pangitain ni Juan ay nagbibigay-linaw sa kinasihang paliwanag ni Pablo na ang makalupang tabernakulo at templo, pati na ang mga kasangkapan ng mga ito at ang makasaserdoteng mga tungkulin, ay nagsilbing mga parisan ng makalangit na mga bagay. (Ihambing ang Heb 8:4, 5; 9:9, 11, 23, 24; 10:1.) Hinggil sa kahulugan ng wangis ng mga toro na kinapapatungan ng dagat na tanso ng templo ni Solomon, tingnan ang TORO.