Bisig
Isang biyas ng katawan ng tao. Sa Bibliya, ang mga terminong Hebreo at Griego para sa “bisig” (zerohʹaʽ; bra·khiʹon) ay kadalasang ginagamit sa makasagisag na paraan upang kumatawan sa kakayahang gumamit ng lakas o kapangyarihan. (Gen 49:24, tlb sa Rbi8; Job 22:8, tlb sa Rbi8; ihambing ang Luc 1:51.) Ang “bisig” ng Diyos na Jehova ay napakamakapangyarihan, anupat nakagagawa ito ng kamangha-manghang mga gawa ng paglalang. (Jer 27:5; 32:17) Sa pamamagitan din ng kaniyang “bisig” ay namamahala si Jehova (Isa 40:10; Eze 20:33), nagliligtas sa mga napipighati (Aw 44:3; Isa 52:10), nagliligtas sa kaniyang bayan (Exo 6:6; Isa 63:12; Gaw 13:17), sumusuporta at nangangalaga sa kanila (Deu 33:27; Isa 40:11; Os 11:3), humahatol (Isa 51:5), at nagpapangalat ng kaniyang mga kaaway (Aw 89:10; Luc 1:51). Ang pagbali sa bisig ay nangangahulugan ng pagdurog sa kalakasan ng isa. (Job 38:15; Aw 10:15; Jer 48:25) Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, na nadaramtan ng awtoridad at kapangyarihan at gumaganap bilang Hukom at Tagapuksa, ipinamamalas ni Jehova ang Kaniyang kalakasan, na kinakatawanan ng Kaniyang “bisig.”—Isa 53:1; Ju 12:37, 38.
Ang bisig na laman, kumakatawan sa lakas ng tao, ay inilalarawan sa Bibliya bilang di-mapananaligan at bumibigo sa isa na nagtitiwala rito. Nagbababala si Jehova sa kaniyang bayan na ang pagtitiwala sa bisig ng tao ay mapandaya at kapaha-pahamak. (2Cr 32:8; Jer 17:5) Babaliin niya ang bisig ng balakyot, na inilalarawang may-paniniil na nakapatong sa kanilang mga biktima.—Job 35:9; 38:15; Aw 10:15.
Sa imaheng napanaginipan ni Haring Nabucodonosor, ang dibdib at mga bisig na pilak ay kumatawan sa Medo-Persia, ang kahariang humalili sa Babilonya, ang ulong ginto, bilang kapangyarihang pandaigdig.—Dan 2:32, 39.