Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bituin

Bituin

Ang salitang Hebreo na koh·khavʹ, gayundin ang Griegong a·sterʹ at aʹstron, ay ikinakapit sa pangkalahatang diwa sa anumang bagay na nagliliwanag sa kalawakan, maliban sa araw at buwan, na ginagamitan naman ng ibang mga pangalan.

Ang Lawak ng Uniberso. Ang galaksi na kinaroroonan ng Lupa, karaniwang tinatawag na Milky Way, ay pinaniniwalaang may lapad na mga 100,000 light-year at kinapapalooban ng mahigit sa 100,000,000,000 bituin tulad ng ating araw. Ang distansiya mula sa Lupa ng pinakamalapit na bituin, isa sa grupo ng Alpha Centauri, ay mahigit sa 40,000,000,000,000 km (25,000,000,000,000 mi). Gayunma’y maituturing na maliit lamang ang pagkalaki-laking agwat na ito dahil tinatayang may 100,000,000,000 galaksi sa buong kalawakan ng uniberso. Mga 10,000,000,000 sa mga ito ay abot-tanaw ng makabagong mga teleskopyo.

Ang pagkalaki-laking bilang ng nilalang na mga bituin ay lubhang nagpapatindi sa puwersa at kahulugan ng pananalita ng Maylalang sa Isaias 40:26: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.” (Ihambing ang Aw 147:4.) Ang mapagpitagang salmista ay naudyukang magsabi: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao anupat pinangangalagaan mo siya?”​—Aw 8:3, 4.

Edad. Ang mga sinag mula sa malalayong bituin at galaksi na milyun-milyong light-year ang distansiya ay nakaaabot na ngayon sa higanteng mga teleskopyo anupat ipinakikita nito na ang mga bituing ito ay nilalang milyun-milyong taon na ang nakalilipas, yamang kung hindi ay hindi pa makararating sa ating planeta ang mga sinag na ito. Maliwanag na ang gayong paglalang ay kalakip sa panimulang pananalita sa Genesis 1:1: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” Hindi ito sinasalungat ng talata 16 sa pagsasabi na noong ikaapat na “araw,” o yugto, ng paglalang, “pinasimulang gawin ng Diyos . . . ang mga bituin.” Ang salitang “gawin” (sa Heb., ʽa·sahʹ) ay hindi singkahulugan ng salitang “lalangin” (sa Heb., ba·raʼʹ).​—Tingnan ang PAGLALANG, NILALANG.

Bilang ng mga Bituin. Sa pakikipag-usap sa tao, ginamit ng Diyos ang mga bituin upang tumukoy sa napakalaking bilang, kahambing ng mga butil ng buhangin sa baybay-dagat. (Gen 22:17; 15:5; Exo 32:13; ihambing ang Ne 9:23; Na 3:15, 16; Heb 11:12.) Yamang ilang libong bituin lamang ang makikita ng mga mata kung walang teleskopyo, noong nakaraan ay minamalas ng marami na hindi angkop ang paghahambing na ito. Ngunit sa ngayon, ipinakikita ng katibayan na ang bilang ng mga bituin ay talagang maihahambing sa lahat ng mga butil ng buhangin sa buong lupa.

Kapansin-pansin na, bagaman binanggit ni Moises na talagang natupad sa Israel ang Abrahamikong pangakong ito, hindi kailanman inilakip sa mga sensus hinggil sa populasyon, gaya ng nakaulat sa Bibliya, ang kabuuang bilang ng populasyon ng bansa. (Deu 1:10; 10:22; 28:62) Nang dakong huli, espesipikong binanggit na hindi tinuos ni David ang bilang niyaong “mula sa dalawampung taon ang edad at pababa, sapagkat si Jehova ay nangako na pararamihin ang Israel na gaya ng mga bituin sa langit.” (1Cr 27:23) Ipinakikita ng gayong konsepto ng pagiging di-mabilang ng mga bagay na ito sa kalangitan na ang mga sulat ng Bibliya ay natatangi kung ihahambing sa mga pangmalas ng sinaunang mga tao noong panahong iyon.

Mahusay na Pagkakaayos. Karagdagan pa, ang mahusay na pagkakaayos ng mga bagay na ito sa kalangitan ay idiniriin sa iba’t ibang teksto, anupat may tinutukoy na mga “mga batas,” “mga tuntunin,” at “mga landas” (“mga landasin,” RS). (Jer 31:35-37; Huk 5:20; ihambing ang Jud 13.) Ang napakatitinding puwersa na nagtatakda ng relatibong mga posisyon ng ilang bituin ayon sa mga pisikal na batas ay ipinahihiwatig ng mga tanong ng Diyos kay Job: “Maitatali mo bang mahigpit ang mga bigkis ng konstelasyon ng Kima, o makakalag mo ba ang mga panali ng konstelasyon ng Kesil? Mailalabas mo ba ang konstelasyon ng Mazarot sa takdang panahon niyaon? At kung tungkol sa konstelasyon ng Ash kasama ng mga anak nito, mapapatnubayan mo ba ang mga iyon? Nalalaman mo ba ang mga batas ng langit, o maitatatag mo ba ang awtoridad nito sa lupa?” (Job 38:31-33; tingnan ang ASH, KONSTELASYON NG; KESIL, KONSTELASYON NG; KIMA, KONSTELASYON NG; MAZAROT, KONSTELASYON NG.) Kaya naman, sinasabi ng New Bible Dictionary: “Kung gayon, ipinapahayag namin na laging inihaharap ng Bibliya ang isang uniberso na lubusang makatuwiran, at pagkalawak-lawak, kabaligtaran ng karaniwang pangmalas noon sa daigdig, na ang uniberso ay hindi makatuwiran, at kasinliit lamang ng mapatutunayan ng simpleng mga pandama.”​—Inedit ni J. Douglas, 1985, p. 1144.

Ang pananalita ng apostol na si Pablo may kinalaman sa pagkakasari-sari ng indibiduwal na mga bituin ay higit pang mauunawaan sa liwanag ng makabagong astronomiya, na nagpapakita ng pagkakaiba-iba ng kulay, laki, dami ng liwanag na nalilikha, temperatura, at maging ng relatibong densidad ng mga bituin.​—1Co 15:40, 41.

Pagsamba sa mga Bituin. Bagaman laganap ang pagsamba sa mga bituin sa gitna ng sinaunang mga bansa sa Gitnang Silangan, ang maka-Kasulatang pangmalas na pinanghahawakan ng tapat na mga lingkod ng Diyos ay na ang gayong mga bituin ay materyal na mga bagay lamang na nasa ilalim ng mga batas at pagkontrol ng Diyos, anupat hindi nagpupuno sa tao kundi nagsisilbing mga tanglaw at mga tagapagpahiwatig ng panahon. (Gen 1:14-18; Aw 136:3, 7-9; 148:3) Nang babalaan ni Moises ang Israel laban sa paggawa ng anumang kawangis ng tunay na Diyos na si Jehova, inutusan niya sila na huwag magpadaya sa pagsamba sa araw, buwan, at mga bituin, “na binahagi ni Jehova na iyong Diyos sa lahat ng mga bayan sa silong ng buong langit.” (Deu 4:15-20; ihambing ang 2Ha 17:16; 21:5; 23:5; Zef 1:4, 5.) Iniugnay ng mga bansang pagano ang kanilang partikular na mga diyos sa ilang bituin at sa gayon ay nagkaroon sila ng makabayang pangmalas sa gayong mga bituin. Ang mga pangalang Sakut at Kaiwan, binanggit sa Amos 5:26 bilang mga diyos na sinamba ng apostatang Israel, ay itinuturing na mga pangalang Babilonyo para sa planetang Saturn, tinawag na Repan nang sipiin ni Esteban ang tekstong ito. (Gaw 7:42, 43) Ang pagsamba sa bituin ay lalo nang prominente sa Babilonya ngunit napatunayang walang kabuluhan noong panahong puksain siya.​—Isa 47:12-15.

Ang “Bituin” na Nakita Pagkapanganak kay Jesus. Ang “mga astrologo mula sa mga silanganing bahagi,” samakatuwid ay mula sa kapaligiran ng Babilonya, na ang pagdalaw kay Haring Herodes pagkapanganak kay Jesus ay naging dahilan ng lansakang pagpatay sa lahat ng mga sanggol na lalaki sa Betlehem, ay maliwanag na hindi mga lingkod o mga mananamba ng tunay na Diyos. (Mat 2:1-18; tingnan ang ASTROLOGO.) Kung tungkol sa “bituin” (sa Gr., a·sterʹ) na nakita nila, maraming mungkahi ang nagsasabi na ito ay isang kometa, isang bulalakaw, isang supernova, o, ayon sa nakararami, isang pangkat ng mga planeta. Wala sa mga bagay na iyon sa kalangitan ang makatuwirang ‘makahihinto sa itaas ng kinaroroonan ng bata,’ sa gayon ay tinutukoy ang bahay sa nayon ng Betlehem kung saan matatagpuan ang bata. Kapansin-pansin din na tanging ang mga paganong astrologong ito ang ‘nakakita’ sa bituin. Dahil hinahatulan ang pagsasagawa nila ng astrolohiya at masama ang naging mga resulta ng kanilang pagdalaw, anupat isinapanganib ang buhay ng panghinaharap na Mesiyas, maisasaalang-alang natin, at baka talagang angkop na isipin natin, na inakay sila ng isa na salungat sa mga layunin ng Diyos may kinalaman sa ipinangakong Mesiyas. Tungkol sa isa na “laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag,” na ang pagkilos ay “taglay ang bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan,” na may kakayahan na magtinging nagsasalita ang isang serpiyente, at tinukoy ni Jesus bilang ‘isang mamamatay-tao nang siya ay magsimula,’ tiyak na makatuwirang itanong natin: Hindi kaya mapangyayari rin niya na ‘makakita’ ang mga astrologo ng isang bagay na tulad-bituin na umakay muna sa kanila, hindi sa Betlehem, kundi sa Jerusalem, kung saan nakatira ang isang mortal na kaaway ng ipinangakong Mesiyas?​—2Co 11:3, 14; 2Te 2:9; Gen 3:1-4; Ju 8:44.

Makasagisag na Paggamit. Ang mga bituin ay ginagamit sa Bibliya sa makasagisag na diwa at sa mga metapora o mga simili upang kumatawan sa mga tao, gaya sa panaginip ni Jose kung saan ang kaniyang mga magulang ay kinatawanan ng araw at buwan, at ang kaniyang 11 kapatid naman ay ng 11 bituin. (Gen 37:9, 10) Iniuugnay ng Job 38:7 ang “mga bituing pang-umaga” na humiyaw nang may kagalakan dahil sa pagkakatatag ng lupa sa anghelikong “mga anak ng Diyos.” Tinukoy ng binuhay-muli at dinakilang si Jesus ang kaniyang sarili bilang “ang maningning na bituing pang-umaga” at nangakong ibibigay niya ang “bituing pang-umaga” sa kaniyang nananaig na mga tagasunod, anupat maliwanag na nagpapahiwatig iyon ng pakikibahagi sa kaniya sa kaniyang makalangit na posisyon at kaluwalhatian. (Apo 22:16; 2:26, 28; ihambing ang 2Ti 2:12; Apo 20:6.) Ang pitong “anghel” ng mga kongregasyon, na pinadalhan ng nasusulat na mga mensahe, ay isinasagisag ng pitong bituin sa kanang kamay ni Kristo. (Apo 1:16, 20; 2:1; 3:1) “Ang anghel ng kalaliman” na tinatawag na Abadon ay kinakatawanan din ng isang bituin.​—Apo 9:1, 11; tingnan ang ABADON.

Sa kasabihan sa Isaias kabanata 14, ang mapaghambog at ambisyosong hari ng Babilonya (samakatuwid nga, ang Babilonyong dinastiya ng mga hari na kinatawanan ni Nabucodonosor), na tinatawag na “[isa na] nagniningning” (sa Heb., heh·lelʹ; “Lucifer,” KJ), ay inihaharap bilang naghahangad na maitaas ang kaniyang trono “sa itaas ng mga bituin ng Diyos.” (Isa 14:4, 12, 13; tingnan ang NAGNININGNING, ISA NA.) Ang metapora ng isang “bituin” ay ginagamit upang tukuyin sa makahulang paraan ang Davidikong mga hari ng Juda (Bil 24:17), at ipinakikita ng kasaysayan sa Bibliya na ang Babilonyong dinastiya ay pansamantalang umangat sa itaas ng mga Judeanong haring ito sa pamamagitan ng paglupig sa Jerusalem. Inilalarawan ng isang katulad na hula sa Daniel kabanata 8 ang maliit na “sungay” ng isang panghinaharap na kapangyarihan na yumuyurak sa ilang bituin ng “hukbo ng mga langit” at kumikilos laban sa Prinsipe ng hukbo at sa kaniyang santuwaryo (Dan 8:9-13); samantalang sa Daniel kabanata 12, sa pamamagitan ng simili, yaong mga tao na “may kaunawaan” at nagdadala sa iba tungo sa katuwiran ay inilalarawan bilang sumisikat na “tulad ng mga bituin” sa “panahon ng kawakasan.” (Dan 12:3, 9, 10) Sa kabaligtaran naman, ang mga imoral na lumilihis sa katotohanan ay inihahambing sa “mga bituin na walang takdang landasin.”​—Jud 13.

Ang pagdidilim ng mga bituin, kasama ng araw at buwan, ay isang larawang malimit gamitin sa makahulang mga babala ng kasakunaan na pinasasapit dahil sa paghatol ng Diyos. (Isa 13:10; Eze 32:7; Apo 6:12, 13; 8:12; ihambing ang Job 9:6, 7.) Sa Eclesiastes 12:1, 2, ang panlalamlam ng gayong mga tanglaw ay ginagamit din nang ilarawan ang mga taon ng panghihina ng taong matanda. Sa ibang bahagi, ang mga bituin ay sinasabing nahuhulog o inihahagis sa lupa. (Mat 24:29; Apo 8:10; 9:1; 12:4) Ang “mga tanda” sa araw, buwan, at mga bituin ay inihula bilang katibayan ng panahon ng kawakasan.​—Luc 21:25.

“Bituing Pang-araw.” Ang pananalitang “bituing pang-araw” (sa Gr., pho·sphoʹros) ay minsan lamang lumitaw, sa 2 Pedro 1:19, at ang kahulugan nito ay katulad niyaong sa “bituing pang-umaga.” Sa ilang kapanahunan sa loob ng isang taon, ang gayong mga bituin ang huling sumisikat sa silanganing kagiliran bago lumitaw ang araw at sa gayon ay mga tagapagbadya ng pagbubukang-liwayway ng isang bagong araw. Ipinahihiwatig ng naunang pagtukoy ni Pedro sa pangitain ng pagbabagong-anyo ni Jesus taglay ang maringal na kaluwalhatian na may kaugnayan ito sa pagpasok niya sa makaharing kapangyarihan bilang “ang ugat at ang supling ni David, at ang maningning na bituing pang-umaga [a·sterʹ].”​—Apo 22:16; 2:26-28.

‘Nakipaglaban ang mga Bituin kay Sisera.’ Ang ulat sa Hukom 5:20 ay naging dahilan ng talakayan dahil sa pariralang, “Mula sa langit ay nakipaglaban ang mga bituin, mula sa kanilang mga landas ay nakipaglaban sila kay Sisera.” Minamalas ng ilan na isa lamang itong matulaing pagtukoy sa pagtulong ng Diyos. (Ihambing ang Huk 4:15; Aw 18:9.) Iminumungkahi rin na ito ay ang pag-ulan ng mga meteorite, o ang pagdepende ni Sisera sa mga panghuhulang salig sa astrolohiya, na napatunayang bulaan. Yamang hindi dinetalye ng rekord ng Bibliya kung paano “nakipaglaban” ang mga bituin, waring sapat nang unawain na ang pananalita ay nagpapakita na isang makahimalang pagkilos ang ginawa ng Diyos alang-alang sa hukbo ng Israel.