Biyenan
[sa Ingles, father-in-law].
Sa Hebreong Kasulatan, ang salitang cham ay tumutukoy sa ama ng asawang lalaki (Gen 38:13, 25; 1Sa 4:19, 21), at ang anyong pambabae nito, cha·mohthʹ, ay tumutukoy naman sa ina ng asawang lalaki (ang biyenang babae ng asawang babae).—Ru 1:14; Mik 7:6.
Ang pandiwang Hebreo na cha·thanʹ ay nangangahulugang ‘makipag-alyansa ukol sa pag-aasawa.’ (Deu 7:3; 1Sa 18:20-27; 1Ha 3:1; 2Cr 18:1) Ang biyenang lalaki sa panig ng asawang babae, ang ama ng asawang babae, ay tinutukoy ng isang panlalaking pandiwaring anyo ng cha·thanʹ. Ang pambabaing pandiwaring anyo nito ay tumutukoy naman sa biyenang babae.—Deu 27:23.
Dahil sa ang magkatipan noon ay itinuturing na talî na sa isa’t isa bagaman hindi pa sila kasal, ang babae ay tinutukoy bilang asawa ng lalaki. (Huk 14:20) Kaya naman ang lalaki ay tinatawag na “manugang” (anupat isang pangngalan na hinango mula sa cha·thanʹ ang ginagamit) lubusan mang naisagawa ang alyansa ukol sa pag-aasawa (Huk 19:5; 1Sa 22:14; Ne 6:18; 13:28) o naisaplano pa lamang, gaya sa kaso ng “mga manugang na lalaki” ni Lot. (Gen 19:12, 14; ihambing ang Huk 15:6.) Ang mga anak na babae ni Lot ay ipinangako pa lamang na ipakakasal; dahil kung hindi gayon ay malamang na kasama sana sila ng kani-kanilang asawa at hindi nakatira sa bahay ng kanilang ama. Ang dalawang lalaki ay magiging mga manugang pa lamang (mga katipan ng mga anak ni Lot ngunit hindi pa kasal sa mga ito), anupat hindi pa aktuwal na mga manugang, at ito ang ipinahihiwatig ng pananalitang Hebreo na maaaring isaling: “Mga manugang [ni Lot] na kukuha [o, nagbabalak kumuha] sa kaniyang mga anak.”—Gen 19:14, NW; Ro; ihambing ang JB; Mo; RS.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pen·the·rosʹ ay isinaling “biyenan” (Ju 18:13); ang anyong pambabae, pen·the·raʹ, ay isinaling “biyenang babae.”—Mat 8:14; 10:35; Mar 1:30; Luc 4:38; 12:53; tingnan ang MANUGANG NA BABAE.