Boaz, I
[posible, Sa Lakas].
Isang may-ari ng lupain sa Betlehem sa Juda, “isang lalaking makapangyarihan sa yaman” noong mga ika-14 na siglo B.C.E. (Ru 2:1) Si Boaz ay anak nina Salma (Salmon) at Rahab, at siya ang ama ni Obed. (Mat 1:5) Isa siyang kawing sa linya ng pamilya ng Mesiyas, ang ikapito sa linya ng angkan mula kay Juda. (1Cr 2:3-11; Luc 3:32, 33) Ang mga pangyayaring umakay tungo sa lubhang di-pangkaraniwang mga kaganapang ito, na naging dahilan upang mapabilang si Boaz sa talaangkanan ni Jesus, ay iningatan para sa atin sa aklat ng Ruth.
Si Boaz ay may malapit na kamag-anak na nagngangalang Elimelec. Si Elimelec, kasama ng dalawang anak na lalaki nito, ay namatay na walang naiwang mga tagapagmanang lalaki. Ang isa sa mga balo ng dalawang anak, si Ruth, ay pumisan sa balo ni Elimelec na si Noemi. Panahon noon ng pag-aani, at “sa di-sinasadya” ay naghimalay si Ruth sa bukid na pag-aari ni Boaz. (Ru 2:3) Si Boaz nga ay isang tunay na Judeano, isang taimtim na mananamba ni Jehova. Hindi lamang niya binati ang kaniyang mga mang-aani ng “Sumainyo nawa si Jehova,” kundi, nang mamasdan ang pagkamatapat ni Ruth kay Noemi, sinabi rin niya rito, “Gantihan nawa ni Jehova ang iyong paggawi, at magkaroon nawa ng sakdal na kabayaran para sa iyo mula kay Jehova.” (Ru 2:4, 12) Nang ibalita ito ni Ruth sa kaniyang biyenan, bumulalas si Noemi: “Pagpalain siya ni Jehova . . . Siya ay isa sa ating mga manunubos.” (Ru 2:20) Karagdagan pa, nang magwakas ang pag-aani, ipinaliwanag ni Noemi kay Ruth ang kaugaliang paraan kung paano itatawag-pansin kay Boaz ang bagay na ito. Habang natutulog si Boaz sa kaniyang giikan, nagising siya at nasumpungan si Ruth na nakahiga sa kaniyang paanan na inalisan ng takip, anupat hiniling nito na tubusin niya ang mga ari-arian ni Elimelec sa pamamagitan ng pag-aasawa bilang bayaw. Si Ruth ang magiging kahalili ni Noemi, na lampas na sa edad ng pag-aanak. Hindi nag-aksaya ng panahon si Boaz. Kinaumagahan ay ipinatawag niya ang isa pang mas malapit na kamag-anak, ngunit ang taong ito, na tinukoy lamang sa Bibliya na si Kuwan, ay tumangging tumupad sa kaayusang iyon ng Diyos. Ngunit kaagad itong ginawa ni Boaz at kinuha niya si Ruth bilang kaniyang asawa, taglay ang pagpapala ng taong-bayan. Nagsilang si Ruth sa kaniya ng isang anak na lalaki na pinanganlang Obed, ang lolo ni Haring David.—Ru 3:1–4:17.
Sa buong ulat, mula sa kaniyang unang mabait na pagbati sa mga manggagawa hanggang sa pagtanggap niya sa pananagutang panatilihin ang pangalan ng pamilya ni Elimelec, si Boaz ay napatunayang isang taong namumukod-tangi—isang taong agad kumikilos at may awtoridad gayunma’y nagtataglay ng ganap na pagpipigil-sa-sarili, pananampalataya, at katapatan, anupat bukas-palad at mabait, malinis sa moral, at lubos na masunurin sa mga utos ni Jehova sa lahat ng bagay.