Bozra
[Dakong Di-malapitan].
1. Isang prominenteng lunsod ng Edom, ang tahanan ng ama ni Jobab, isang Edomitang hari noong ikalawang milenyo B.C.E. (Gen 36:31, 33; 1Cr 1:44) Ang pagiging prominente nito ay makikita sa bagay na tinukoy ito ng mga propetang sina Isaias, Jeremias, at Amos, sa ilalim ng pagkasi, bilang kumakatawan sa buong Edom, na nakatakda sa pagkatiwangwang.—Isa 34:5, 6; 63:1-4; Jer 49:12, 13, 17, 22; Am 1:11, 12.
Ang Bozra ay iniuugnay sa makabagong Buzera, nasa mga 50 km (30 mi) sa HHS ng Petra at malapit sa sinaunang lansangan na tinatawag na Lansangang-Bayan ng Hari. Sa gayon, ito ay halos nasa gitna ng kahariang Edomita at nakabantay sa mga pasukan tungo sa mga minahan ng tanso sa Araba. Ipinakikita ng sinaunang mga guho sa Buzera na ang Bozra ay dating nakukutaang lunsod na itinayo sa makitid na tagaytay na nakausli mula sa Jebel esh-Sheraʼ at may malalalim na wadi sa magkabilang panig.
Ang salin ng Mikas 2:12 sa King James Version ay nagtataglay ng pangalang “Bozra,” ngunit minamalas ng karamihan sa makabagong mga salin na tumutukoy ito, hindi sa isang bayan, kundi sa isang kulungan o kural para sa mga tupa.
2. Sa paghula laban sa Moab, tinutukoy ng Jeremias 48:24 ang Bozra bilang isa sa mga lunsod “ng lupain ng Moab.” Kasama ito sa iba pang mga lunsod ng talampas o “lupain ng kapatagan” (Jer 48:21), at ang paggamit sa pananalitang Hebreong ito may kaugnayan sa Bezer (Deu 4:43) ay naging dahilan upang ipalagay ng ilang iskolar na ang mga ito ay malamang na iisang lugar.—Tingnan ang BEZER Blg. 2.