Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bubuyog

Bubuyog

[sa Heb., devoh·rahʹ].

Kapag binabanggit sa Bibliya, maliwanag na ang pangunahing tinutukoy ay mga pukyutang ligáw. Ipinahihiwatig ng paglalarawan sa Canaan bilang “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan” na napakaraming bubuyog sa lupaing iyon mula pa noong unang mga panahon. (Exo 3:8) Dahil sa mainit na klima at saganang mga bulaklak, ang lupaing ito ay angkop pa rin na pamugaran ng napakaraming bubuyog, at ang pag-aalaga ng mga bubuyog ay napakapopular doon sa makabagong panahon. Sa mahigit na 20,000 uri ng bubuyog, ang uri na pinakakaraniwan sa Israel sa ngayon ay ang maitim na bubuyog na tinatawag na Apis mellifica syriaca.

Ang pulot-pukyutang kinain ni Jonatan noong panahon ng isang kampanyang pangmilitar ay nakuha sa kakahuyan, anupat malamang na ang pugad ng mga bubuyog ay nasa isang hungkag na punungkahoy. (1Sa 14:25-27) Ang mga pukyutang ligáw ng Libis ng Jordan ang pinagmulan ng isa sa mga pangunahing pagkain ni Juan na Tagapagbautismo. (Mat 3:4) Namumugad ang mga bubuyog hindi lamang sa mga punungkahoy kundi pati sa iba pang mga guwang, gaya ng mga awang sa mga batuhan at mga pader.​—Deu 32:13; Aw 81:16.

May katanungang bumabangon tungkol sa ulat ng Hukom 14:5-9, na nagsasabing pagkatapos patayin ni Samson ang isang leon, siya ay bumalik at nakasumpong ng “isang kulupon ng mga bubuyog sa loob ng bangkay ng leon, at pulot-pukyutan.” Ang totoo, ang karamihan sa mga bubuyog ay umiiwas sa mga bangkay at nabubulok na mga bagay. Gayunman, dapat pansinin na sinasabi ng ulat na si Samson ay bumalik “pagkalipas ng sandaling panahon” o, sa Hebreo, literal na nangangahulugang “pagkaraan ng mga araw,” isang parirala na maaaring tumukoy sa isang yugto na isang taon pa nga ang haba. (Ihambing ang 1Sa 1:3 [Ang pananalitang “taun-taon” sa Hebreo ay literal na nangangahulugang “araw-araw.”]; ihambing ang Ne 13:6.) Ang haba ng panahong lumipas ay sapat na upang maubos ng mga ibon o mga hayop na kumakain ng bangkay at maging ng mga insekto ang malaking bahagi ng laman ng leon at upang matuyo ng nakapapasong init ng araw ang anumang natira. Masasabi rin na mahaba-habang panahon na ang lumipas dahil hindi lamang nakabuo ng pugad sa loob ng bangkay ng leon ang kulupon ng mga bubuyog kundi nakagawa na rin sila ng maraming pulot-pukyutan.

Ang mabangis na pagsalakay ng isang niligalig na kuyog ng mga bubuyog ay ginagamit upang ilarawan ang ginawang paghabol ng mga Amorita sa mga hukbong Israelita upang itaboy ang mga ito mula sa kanilang bulubunduking teritoryo. (Deu 1:44) Nang ihambing ng salmista ang mga kaaway na bansa sa isang kulupon ng sumasalakay na mga bubuyog, sinabi niya na ang mga ito ay napigilan lamang niya dahil sa kaniyang pananampalataya sa pangalan ni Jehova.​—Aw 118:10-12.

Malinaw na inihula ng propetang si Isaias ang pagsalakay sa Lupang Pangako ng mga hukbo ng Ehipto at Asirya, anupat inihalintulad ang kanilang mga hukbo sa mga kulupon ng mga langaw at mga bubuyog na makasagisag na sisipulan ng Diyos na Jehova upang pumaroon at dumapo sa mga agusang libis at mga awang ng malalaking bato. (Isa 7:18, 19) Ang ‘pagsipol’ ay hindi naman tumutukoy sa isang aktuwal na kaugalian ng mga nag-aalaga ng mga bubuyog kundi nagpapahiwatig lamang na ibabaling ni Jehova ang pansin ng agresibong mga bansa tungo sa lupain ng kaniyang katipang bayan.

Dalawang babae sa Bibliya ang may pangalang Debora (nangangahulugang “Bubuyog”)​—ang yayang babae ni Rebeka (Gen 35:8) at ang propetisa na nakipagtulungan kay Hukom Barak upang talunin ang Canaanitang si Haring Jabin.​—Huk 4:4.