Bugtong
Isang kasabihan na palaisipan. Ang salitang Hebreo para sa bugtong ay maaari ring isalin bilang ‘malabong pananalita’ o “palaisipang tanong.” (Ihambing ang Dan 8:23, tlb sa Rbi8.) Ipinakikitang naiiba ang mga bugtong sa ordinaryong pananalita na madaling maintindihan. (Bil 12:8) Kung minsan ang salitang ito ay ginagamit bilang isang pananalitang katulad ng “kasabihan,” yamang ang isang bugtong ay maaaring isang kapahayagan na punô ng kahulugan ngunit inihaharap sa malabong pananalita. (Aw 49:4) Ang gayunding salitang Hebreo na isinasaling “mga bugtong” ay isinasalin din sa ibang konteksto bilang “mga palaisipang tanong.” (2Cr 9:1) Ang pagkatha ng isang bugtong, na kadalasang nagsasangkot ng isang malabo ngunit tumpak na analohiya, ay nangangailangan ng matalas na isip, at ang paglutas naman sa gayong bugtong ay nangangailangan ng kakayahang makita ang kaugnayan ng mga bagay-bagay sa isa’t isa; kaya naman tinutukoy ng Bibliya ang mga bugtong bilang mga katha ng mga taong marurunong at na ang taong may unawa ang makaaarok ng mga ito.—Kaw 1:5, 6.
Ang Bibliya mismo ay naglalaman ng mga bugtong na may kinalaman sa mga layunin ni Jehova. (Aw 78:2-4) Binubuo ang mga ito ng mga kapahayagang sa simula ay maaaring nakalilito sa mambabasa; maaaring sinadyang gawing malabo ang mga ito, anupat ginagamitan ng makahulugang mga paghahambing na nilayong hindi maunawaan ng mga tao noong panahong unang isulat ang mga ito. Halimbawa, sa Zacarias 3:8, makahulang tinutukoy ni Jehova ang “aking lingkod na si Sibol,” ngunit hindi niya ipinaliliwanag doon na iyon ay isang sibol, o isang supling, na mula sa maharlikang linya ni David at na sa katunayan ang isang iyon ay ang sariling Anak ng Diyos na nasa langit noon at ipanganganak ng isang birheng inapo ni Haring David. Sinasabi naman ng Apocalipsis 13:18 na “ang bilang ng mabangis na hayop” ay “anim na raan at animnapu’t anim,” ngunit hindi ipinaliliwanag doon ang kahalagahan ng bilang na iyon.
Kung minsan ang mga bugtong ay ginagamit hindi upang lituhin ang mga nakikinig, kundi maliwanag na upang pumukaw ng interes at gawing mas matingkad ang itinatawid na mensahe. Ganito ang kaso ng bugtong tungkol sa dalawang agila at sa punong ubas, na iniharap ng propetang si Ezekiel sa sambahayan ng Israel. (Eze 17:1-8) Karaka-raka matapos niyang iharap ang bugtong, tinagubilinan ni Jehova si Ezekiel na tanungin ang bayan kung nauunawaan nila iyon at pagkatapos ay ipaliwanag iyon sa kanila.
May mga bugtong na inilalahad naman para hulaan ng mga tao, at kadalasan ay inihaharap ang mga iyon sa paraang patula, gaya sa kaso ng bugtong na iniharap ni Samson sa mga Filisteo. Nang sabihin niya: “Mula sa kumakain ay may lumabas na makakain, at mula sa malakas ay may lumabas na matamis,” sinadya niyang gumamit ng mga paghahambing na hindi agad-agad na mauunawaan. (Huk 14:12-18) Ibinatay niya ang kaniyang bugtong sa kaniyang personal na karanasan hindi pa natatagalan bago nito nang kayurin niya mula sa bangkay ng leon ang pulot-pukyutang inipon doon ng isang kulupon ng mga bubuyog.—Huk 14:8, 9.