Bukal
[sa Ingles, fountain o spring].
Karaniwan na, isang likas na pinagmumulan ng tubig (Exo 15:27), naiiba sa mga balon at mga imbakang-tubig na kadalasan ay hinuhukay (Gen 26:15); ginamit din bilang pantukoy sa pinagmumulan ng iba pang bagay maliban sa tubig. Ang dalawang terminong Hebreo para sa “bukal” ay ʽaʹyin (sa literal, mata) at ang kaugnay na maʽ·yanʹ. Ang katumbas na terminong Griego ay pe·geʹ. Yamang kung minsan ang mga bukal (spring) ay hinahawan at pinalalalim, maaaring ito ang dahilan kung bakit may mga pagkakataon na ang “bukal” (fountain) at “balon” ay halinhinang ginagamit para sa iisang pinagmumulan ng tubig.—Gen 16:7, 14; 24:11, 13; Ju 4:6, 12; tingnan ang BALON; IMBAKANG-TUBIG.
Inilarawan ni Moises sa mga Israelita ang Lupang Pangako bilang isang lupain ng “mga bukal at matubig na mga kalaliman na bumubukal sa kapatagang libis at sa bulubunduking pook.” (Deu 8:7) Maraming bukal sa Palestina, anupat sa katamtaman ay may anim o pito sa bawat 100 km kuwadrado (40 mi kuwadrado). Dahil ang mga bundok ng Juda at Efraim ay pangunahin nang binubuo ng magagaspang na bato, ang ulan sa taglamig ay madaling makatagos sa kaila-ilaliman. Sa bandang huli, nararating ng tubig ang isang suson na di-natatagos ng tubig, dumadaloy ito roon, at pagkatapos ay muling sumisibol bilang mga bukal sa kanluraning panig ng Libis ng Jordan at sa kanluraning pampang ng Dagat na Patay, ang iba ay umaagos pa nga sa ilalim ng lupa patungo sa Dagat na Patay. Matataas ang temperatura ng marami sa mga bukal na tuwirang bumubuhos sa Dagat na Patay at sa mabababang katubigan ng Jordan. Sa kanluran ng kabundukang iyon, ang tubig ay lumalabas bilang mga bukal sa kahabaan ng silanganing bahagi ng mahaba at mabababang lupain sa baybaying dagat, bagaman ang ibang tubig naman ay dumaraan sa ilalim ng lupa patungo sa Mediteraneo. Ang ilang bukal, gaya niyaong mga nakapalibot sa Jerusalem at Hebron, ay bumubulwak sa pinakataluktok, o malapit sa pinakataluktok, ng matataas na lupain ng Palestina. Ang maraming bukal na likha ng natutunaw na niyebe sa Kabundukan ng Lebanon at sa Bundok Hermon ang naglalaan ng tubig sa mga pinagmumulan ng Litani, ng Jordan, at ng mga ilog ng Damasco.
Makikita ang kahalagahan ng mga bukal sa dami ng mga bayan na may pangalang nagsisimula sa “En,” nangangahulugang “bukal.” (Jos 15:62; 17:11; 1Ha 1:9; tingnan ang AIN.) Ang mga bayan at mga nayon ay kadalasang itinatayo noon malapit sa mga bukal, yamang ang karamihan sa “mga ilog” ng Palestina ay mga agusang libis na natutuyo sa mga buwan ng tag-araw. Bilang depensa, ang mga lunsod ay karaniwang itinatayo sa matataas na lugar, at dahil dito, ang mga bukal ay kadalasang nasa labas ng mga pader ng lunsod sa libis na nasa ibaba. Kaya naman naging napakahalaga na maipagsanggalang ang suplay ng tubig. Gumawa noon ng mga padaluyan na maghahatid ng tubig mula sa pinagmumulan nito hanggang sa mismong loob ng lunsod. Nagtayo si Haring Hezekias ng gayong padaluyan upang dalhin ang tubig ng Gihon patungo sa Lunsod ni David. (2Ha 20:20; 2Cr 32:30) Kung minsan naman, may nakakubling mga daanan o mga lagusan patungo sa pinagmumulan ng tubig, anupat tinitiyak nito na magkakaroon ng sapat na suplay ng tubig ang mga tumatahan sa lunsod sumailalim man ito sa pagkubkob. Noong salakayin ng Asirya ang Juda, sinarhan ni Hezekias ang mga bukal na nasa labas ng Jerusalem upang walang mapagkunan ng tubig ang mga mananalakay.—2Cr 32:2-4; tingnan ang HEZEKIAS Blg. 1 (Mga Gawain sa Pagtatayo at Inhinyeriya); KUTA.
Makasagisag na Paggamit. Itinatag ni Jehova ang “mga bukal ng matubig na kalaliman.” (Kaw 8:28; Gen 7:11) Ipinakikilala rin siya bilang ang Bukal ng buhay, ang Bukal ng tubig na buháy, at ang Bukal ng Israel. (Aw 36:9; Jer 2:13; Aw 68:26) Ang kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ay nagbibigay ng tubig na magiging ‘isang bukal ng tubig na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan’ sa isa na tatanggap nito. (Ju 4:14) Inihula ni Joel na pagkatapos pakitunguhan ang mga bansa gaya sa isang pisaan ng ubas sa Mababang Kapatagan ni Jehosapat, isang nakarerepreskong bukal ang lalabas mula sa bahay ni Jehova.—Joe 3:12, 13, 18.
Upang idiin ang kahalagahan ng wastong paggamit sa dila, tinanong ni Santiago ang mga Kristiyano na dapat sanang mag-alok ng tubig ng buhay: “Ang isang bukal ay hindi binabalungan ng matamis at ng mapait mula sa iisang butas, hindi ba?”—San 3:11.
Tinuyo ni Jesus ang ‘pagbukal ng dugo’ ng isang babae na dumanas ng pag-agas ng dugo sa loob ng 12 taon, anupat pinagaling siya. (Mar 5:25-29) Ang “bukal ng tubig” (water source) o “bukal,” ay isang pananalita na ginagamit din upang tumukoy sa isang bagay na pinagmumulan ng seksuwal na kasiyahan.—Kaw 5:18.