Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bundok

Bundok

Isang kalupaang nakaumbok at mas mataas kaysa sa mga burol sa lugar na iyon. Ang kaibahan ng mga burol sa mga bundok ay depende sa kapaligiran. Sa isang lugar kung saan mabababa ang burol, maaaring ilang daang piye lamang ang kataasan ng isang bundok kung ihahambing sa nakapalibot na lupain, samantalang sa mas bulubunduking mga pook, ang mas mabababang taluktok ay maaari ring tawaging mga burol, kahit pa mas matataas ang mga ito kaysa sa isang nakabukod na bundok tulad ng Bundok Tabor na 562 m (1,844 na piye) ang taas.​—Huk 4:6.

Ang salitang Hebreo na har ay maaaring tumukoy sa indibiduwal na mga bundok, kasama na rito ang Bundok Sinai, Bundok Gerizim, Bundok Ebal, Bundok Gilboa, at Bundok Sion. (Exo 19:11; Deu 11:29; 1Sa 31:8; Isa 4:5) Maaari rin itong tumukoy sa mga hanay ng mga bundok tulad niyaong sa Ararat (Gen 8:4) at sa buong matataas na pook tulad ng mga bulubunduking pook ng Efraim (Jos 17:15), Neptali (Jos 20:7), at Gilead (Deu 3:12), gayundin sa mga pook na noong sinauna ay pinanirahanan ng mga Amorita at ng mga Ammonita. (Deu 1:7, 20; 2:37) Ang salitang Aramaiko na tur (Dan 2:35) ay tumutukoy sa isang bundok, gaya rin ng salitang Griego na oʹros.​—Tingnan ang mga artikulo tungkol sa indibiduwal na mga bundok ayon sa pangalan.

Mga Bundok ng Palestina. Sa kabuuan, ang Palestina ay isang napakabulubunduking lupain, bagaman ilang taluktok lamang nito ang katangi-tangi. Nasa kanluran ng Ilog Jordan ang mga bundok ng Juda sa timog, kasama na rito ang Bundok Moria, Bundok Sion, at ang Bundok ng mga Olibo. (2Cr 3:1; Aw 48:2; Mar 13:3) Ang gitnang seksiyon ng kabundukang ito ay umaabot hanggang sa Bundok Gilboa sa HS (1Sa 31:1) at ito ang kinaroroonan ng mga bundok ng Efraim at ng Samaria, kung saan matatagpuan ang makasaysayang mga taluktok ng Gerizim at ng Ebal. (Jos 19:50; Deu 11:29) Sa dakong HHK, ang Kabundukan ng Carmel ay nakaungos tungo sa Dagat Mediteraneo.​—Jer 46:18.

Inihihiwalay ng Libis ng Jezreel (Esdraelon) ang pangunahing kabundukan mula sa isa pang kabundukan na nasa mas dako pang H. Kabilang sa huling nabanggit na kabundukan ang Bundok Tabor (Huk 4:6) at ang baybaying Kabundukan ng Lebanon.​—Huk 3:3; 1Ha 5:6.

Nasa silangan ng Rift Valley ang mga talampas ng Edom at ng Moab (2Cr 20:10) at ang matataas na dalisdis sa kahabaan ng silanganing panig ng Dagat na Patay, pati ang Bundok Nebo kung saan tinanaw ni Moises ang Lupang Pangako, gayundin ang talampas sa S ng Libis ng Jordan, na sa katamtaman ay may taas na mga 600 m (2,000 piye). (Deu 3:10; 34:1-3; Jos 13:8, 9; 20:8) Ang bulubunduking pook na ito ay nagpapatuloy nang pahilaga at dumurugtong sa Kabundukan ng Anti-Lebanon, na kinaroroonan naman ng maringal na Bundok Hermon, ang pinakamataas na taluktok sa buong rehiyon ng Palestina.​—Sol 4:8.

Kahalagahan ng mga Bundok. Ang mga bundok ay nakaaapekto sa klima at ulan; sinasahod ng mga ito ang tubig at pinaaagos pababa sa mga ilog o iniipon iyon sa mga imbakan ng tubig sa ilalim ng lupa at ang mga ito naman ang naglalaan ng tubig sa mga bukal na nasa mga libis sa ibaba. (Deu 8:7) Ang mga dalisdis ng mga ito ay tumutustos sa mga punungkahoy (2Cr 2:16, 18), mga ubasan, at iba’t ibang pananim. (Aw 72:16; Kaw 27:25; Isa 7:23-25; Jer 31:5) Nagsisilbi namang mga giikan ang mas matataas na bahagi ng mga ito. (Isa 17:13) Naglaan ang mga bundok ng likas na proteksiyon laban sa mga hukbong sumasalakay (Aw 125:2); ang mga ito ay naging kanlungan at mga imbakang dako sa panahon ng panganib (Gen 19:17, 30; Huk 6:2; Mat 24:16; ihambing ang Apo 6:15) at silungan para sa mga hayop-gubat. (Aw 50:10, 11; 104:18; Isa 18:6) Ang mga ito ay naging lokasyon ng mga lunsod. (Mat 5:14) Dahil sa pagmimina, nakahukay ng kapaki-pakinabang na mga inambato mula sa mga ito. (Deu 8:9) Gayundin, sa mga bundok tinitibag ang mahahalagang bato para sa pagtatayo.​—1Ha 5:15-17.

Pag-aari ni Jehova. Ang lahat ng mga bundok ay pagmamay-ari ng Diyos na Jehova dahil siya ang Tagapag-anyo ng mga ito. (Aw 95:4; Am 4:13) Gayunman, ang mga salitang “bundok ni Jehova” o ‘ng Diyos’ ay kadalasang kumakapit sa pantanging paraan doon sa mga bundok kung saan ipinamalas ni Jehova ang kaniyang presensiya. Kabilang sa mga ito ang Bundok Sinai o Horeb (Exo 3:1; Bil 10:33) at ang bundok na iniuugnay sa santuwaryo ni Jehova.​—Aw 24:3.

Makasagisag at Makahulang Paggamit. Kung minsan, ang terminong “bundok” ay tumutukoy sa lupa, pananim, at mga punungkahoy na nasa bundok. (Ihambing ang Aw 83:14.) Sinabi ng salmista tungkol kay Jehova: “Hinihipo niya ang mga bundok, at ang mga ito ay umuusok.” (Aw 104:32; 144:5, 6) Maaaring tinutukoy nito ang bagay na kayang pagliyabin ng kidlat ang mga kagubatan sa bundok, sa gayon ay pinag-uusok ang bundok. Waring ang mga epekto naman ng isang matinding bagyo ang inilalarawan nang banggitin ng Bibliya na ang mga bundok ay ‘natutunaw’ o ‘umaagos.’ (Huk 5:5; Aw 97:5) Dahil sa malakas na ulan, ang lupa ay inaagnas ng mga batis at ng mga rumaragasang agusan, anupat para bang tinutunaw iyon. Sa katulad na paraan, ang kapahayagan ng galit ni Jehova laban sa mga bansa ay inihulang magbubunga ng lansakang pagpatay anupat matutunaw ang mga bundok dahil sa dugo ng mga napatay, samakatuwid nga, aagnasin nito ang lupa. (Isa 34:1-3) Ang ‘pagtulo ng matamis na alak’ mula sa mga bundok ay nangangahulugang mamumunga nang sagana ang mga ubasan na nasa mga dalisdis ng mga ito.​—Joe 3:18; Am 9:13.

Sa Bundok Sinai, ang pagsisiwalat ng presensiya ni Jehova ay may kasamang pisikal na mga palatandaan gaya ng kidlat, usok, at apoy. Nayanig din ang bundok. (Exo 19:16-18; 20:18; Deu 9:15) Waring ito at ang iba pang pisikal na mga penomeno ang pinagbatayan ng makasagisag na mga pananalita na matatagpuan sa iba pang bahagi ng Bibliya. (Ihambing ang Isa 64:1-3.) Maliwanag na ang pagyanig ng Bundok Sinai ang tinutukoy ng paglalarawan ng ‘mga bundok na nagluluksuhang tulad ng mga barakong tupa.’ (Aw 114:4, 6) Marahil ang ‘pagpapalagablab sa mga pundasyon ng mga bundok’ ay nagpapahiwatig ng aktibidad ng bulkan (Deu 32:22), at ang ‘pagkaligalig ng mga pundasyon ng mga bundok’ ay tumutukoy sa pag-uga ng mga ito, posibleng dahil sa lindol.​—Aw 18:7.

Kumakatawan sa mga pamahalaan. Sa mga sagisag sa Bibliya, ang mga bundok ay maaaring kumatawan sa mga kaharian o mga nagpupunong pamahalaan. (Dan 2:35, 44, 45; ihambing ang Isa 41:15; Apo 17:9-11, 18.) Sa pamamagitan ng kaniyang mga pananakop, winasak ng Babilonya ang ibang mga lupain kung kaya siya tinatawag na “bundok na mapangwasak.” (Jer 51:24, 25) Sa isang awit na naglalahad sa mga gawain ni Jehova laban sa nagdidigmaang mga lalaki, siya ay inilalarawang “nababalutan ng liwanag, mas maringal kaysa sa mga bundok na pinangangasuhan.” (Aw 76:4) Maaaring ang “mga bundok na pinangangasuhan” ay kumakatawan sa agresibong mga kaharian. (Ihambing ang Na 2:11-13.) Sinabi ni David may kinalaman kay Jehova: “Itinayo mo ang aking bundok nang may kalakasan,” malamang na nangangahulugang itinaas ni Jehova ang kaharian ni David at itinatag Niya ito nang matibay. (Aw 30:7; ihambing ang 2Sa 5:12.) Dahil ang mga bundok ay maaaring kumatawan sa mga kaharian, tumutulong ito upang maunawaan ang kahulugan niyaong inilalarawan sa Apocalipsis 8:8 bilang “isang bagay na tulad ng isang malaking bundok na nagniningas sa apoy.” Ipinahihiwatig ng pagkakahawig nito sa isang bundok na nagniningas na nauugnay ito sa isang uri ng pamamahala na mapangwasak at tulad ng apoy.

Ipinakita ng hula ni Daniel na ang Kaharian ng Diyos, pagkatapos nitong durugin ang ibang kaharian, ay magiging isang malaking bundok at pupunuin nito ang buong lupa. (Dan 2:34, 35, 44, 45) Nangangahulugan ito na paaabutin nito sa buong lupa ang mapagpalang pamamahala nito. Sumulat ang salmista: “Ang mga bundok nawa ay magdala ng kapayapaan sa bayan, gayundin ang mga burol, sa pamamagitan ng katuwiran.” (Aw 72:3) Kasuwato ng awit na ito, ang mga pagpapalang tinutukoy may kaugnayan sa bundok ng Diyos, gaya ng piging ni Jehova para sa lahat ng mga bayan, ay tatamasahin sa lupa.​—Isa 25:6; tingnan din ang Isa 11:9; 65:25.

Iniugnay sa pagsamba. Ang Bundok Sion ay naging isang banal na bundok nang dalhin ni David ang sagradong Kaban sa toldang itinayo niya roon. (2Sa 6:12, 17) Yamang ang Kaban ay iniuugnay sa presensiya ni Jehova at maliwanag na kumilos si David sa patnubay ng Diyos (Deu 12:5), nangahulugan ito na pinili ni Jehova ang Bundok Sion bilang kaniyang tahanang dako. May kinalaman sa pagpiling ito, sumulat si David: “Ang bulubunduking pook ng Basan ay bundok ng Diyos [samakatuwid nga, nilalang ng Diyos]; ang bulubunduking pook ng Basan ay bundok ng mga taluktok. O kayong mga bundok ng mga taluktok, bakit ninyo minamasdan nang may pagkainggit ang bundok na ninanais ng Diyos na maging tahanan niya? Si Jehova mismo ay tatahan doon magpakailanman. . . . Si Jehova mismo ay dumating mula sa Sinai [kung saan niya unang isiniwalat ang kaniyang presensiya sa buong bansang Israel] patungo sa dakong banal.” (Aw 68:15-17) Ang bulubunduking pook ng Basan ay maaaring iugnay sa Bundok Hauran (Jebel ed Druz), at maaaring ang bundok na ito ang tinutukoy ng mga salitang “bundok ng Diyos” at “bundok ng mga taluktok.” Bagaman ang Bundok Hauran ay lalong higit na mataas kaysa sa Bundok Sion, pinili ni Jehova ang lokasyon na hindi gaanong kapansin-pansin upang maging kaniyang tahanang dako.

Pagkatapos na maitayo sa Bundok Moria ang templo, naging saklaw ng terminong “Sion” ang dako ng templo, at sa gayon ang Sion ay nanatiling ang banal na bundok ng Diyos. (Isa 8:18; 18:7; 24:23; Joe 3:17) Yamang ang templo ni Jehova ay nasa Jerusalem, ang mismong lunsod ay tinawag ding kaniyang “banal na bundok.” (Isa 66:20; Dan 9:16, 20) Maaaring ang pagharap sa kabundukan ng Jerusalem kapag nananalangin ang tinutukoy ng salmista nang sabihin niya: “Ititingin ko ang aking mga mata sa mga bundok. Saan magmumula ang tulong sa akin? Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova.”​—Aw 121:1, 2; ihambing ang Aw 3:4; 1Ha 8:30, 44, 45; Dan 6:10.

Ang hula ng Isaias 2:2, 3 at ng Mikas 4:1, 2 ay tumuturo sa panahon na “ang bundok ng bahay ni Jehova” ay “matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok” at ‘mátataás pa sa mga burol,’ anupat huhugos doon ang mga tao ng maraming bansa. Yamang “ang bundok ng bahay ni Jehova” ay magiging mataas pa sa mga bundok at mga burol, ipinahihiwatig nito ang itinaas na posisyon ng tunay na pagsamba, sapagkat ang mga bundok at mga burol noong sinaunang mga panahon ay nagsilbing mga dako ng idolatrosong pagsamba at ng mga santuwaryo ng huwad na mga diyos.​—Deu 12:2; Jer 3:6; Eze 18:6, 11, 15; Os 4:13.

Sa isang tipikong katuparan, sa pagitan ng 29 at 70 C.E., noong huling bahagi ng mga araw ng Judiong sistema ng mga bagay, ang pagsamba kay Jehova ay itinaas nang mas mataas pa sa matayog na katayuang iniuukol ng mga bansang pagano sa kanilang huwad na mga diyos. Ang Hari, si Jesu-Kristo, ay ‘nagbukas ng daan’ upang maitaas ang tunay na pagsamba, at sinundan siya, una ay ng isang nalabi ng bansang Israel at pagkatapos ay ng mga tao mula sa lahat ng mga bansa. (Isa 2:2; Mik 2:13; Gaw 10:34, 35) Sa isang antitipikong katuparan, sa huling bahagi ng mga araw ng sistemang ito ng mga bagay, ang pagsamba kay Jehova ay itinaas nang abot-langit. Inakay ng Hari, si Jesu-Kristo, ang nalabi ng espirituwal na Israel tungo sa dalisay na pagsamba, at sinundan sila ng isang malaking pulutong mula sa lahat ng mga bansa.​—Apo 7:9.

Mga hadlang. Kung minsan, ang mga bundok ay kumakatawan sa mga hadlang. Halimbawa, ang mga hadlang sa pagbabalik ng Israel mula sa pagkatapon sa Babilonya at ang mga hadlang na nang maglaon ay nakapigil sa pagsulong ng muling pagtatayo ng templo ay inihambing sa mga bundok. (Isa 40:1-4; Zac 4:7) Maaaring alisin ng pananampalataya ang gayong gabundok na mga hadlang at, kung kalooban ng Diyos, maging ang literal na mga bundok.​—Mat 17:20; 21:21; Mar 11:23; 1Co 13:2.

Pagiging matatag, permanente, o matayog. Kinikilalang matatag at permanente ang mga bundok. (Isa 54:10; Hab 3:6; ihambing ang Aw 46:2.) Kaya naman nang banggitin ng salmista na ang katuwiran ni Jehova ay tulad ng “mga bundok ng Diyos” (Aw 36:6), maaaring ang ibig niyang sabihin ay na di-makikilos ang katuwiran ni Jehova. O, yamang ang mga bundok ay matayog, maaaring ipinahihiwatig nito na ang katuwiran ng Diyos ay lalong higit na mataas kaysa sa katuwiran ng tao. (Ihambing ang Isa 55:8, 9.) May kaugnayan sa pagbubuhos ng ikapitong mangkok ng galit ng Diyos, sinasabi ng Apocalipsis 16:20: “Ang mga bundok ay hindi nasumpungan.” Ipinahihiwatig nito na maging ang mga bagay na kasintayog ng mga bundok ay hindi makatatakas sa pagbubuhos ng galit ng Diyos.​—Ihambing ang Jer 4:23-26.

Ang mga bundok ay nagsasaya at pumupuri kay Jehova. Kapag ibinabaling ni Jehova sa kaniyang bayan ang kaniyang mapagbiyayang pansin, nagkakaroon ito ng mabuting epekto sa lupain. Palibhasa’y nililinang at inaalagaan, ang mga dalisdis ng bundok ay hindi na mistulang pinabayaan, anupat para bang nagdadalamhati dahil itiniwangwang o sinalot. Kaya naman, sa makasagisag na paraan, ang mga bundok ay ‘humihiyaw nang may kagalakan’ at ang kanilang kagandahan at pagkamabunga ay pumupuri kay Jehova.​—Aw 98:8; 148:7-9; ihambing ang Isa 44:23; 49:13; 55:12, 13; Eze 36:1-12.