Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bundok ng Kapisanan

Bundok ng Kapisanan

Isang pananalitang lumitaw sa Isaias 14:13, kung saan inilalarawan ang sinabi ng hari ng Babilonya sa kaniyang puso: “Sa itaas ng mga bituin ng Diyos ay itataas ko ang aking trono, at uupo ako sa ibabaw ng bundok ng kapisanan, sa pinakamalalayong bahagi sa hilaga.”

Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang “bundok ng kapisanan” na ito ay isang mataas na lugar sa malayong hilaga na itinuturing ng mga Babilonyo bilang tahanang dako ng kanilang mga diyos. Gayunman, ang Isaias 14:13 ay hindi isang hula tungkol sa pananalitang aktuwal na bibigkasin ng hari ng Babilonya. Sa halip, inilalarawan nito ang kaniyang magiging ambisyon at saloobin. (Ihambing ang Isa 47:10.) Ang mga salitang iyon ay bahagi ng kasabihang sasambitin ng isinauling mga Israelita laban sa hari ng Babilonya. (Isa 14:1-4) Kaya naman, upang matukoy ang “bundok ng kapisanan,” dapat itong unawain ayon sa sinasabi ng Kasulatan at hindi ayon sa paganong paniniwala ng hari ng Babilonya. Tiyak na hindi itataas ng hari ng Babilonya ang kaniyang trono nang mas mataas kaysa sa mga bituin ng diyos na kaniyang sinasamba. Isa pa, ipinakikita ng Isaias 14:14 na ang tinutukoy ay hindi isa sa mga diyos ng Babilonya kundi ang Kataas-taasan. Kaya malamang na ang “bundok ng kapisanan” ay nauugnay sa Kataas-taasang Diyos.

Noong panahon ni Isaias, tanging sa Bundok Sion nakikipagtagpo ang Diyos sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng mga kinatawan. Nang maglaon, napalakip sa pangalang “Bundok Sion” ang kinaroroonan ng templo sa Bundok Moria. (Ihambing ang Isa 8:18; 18:7; 24:23; Joe 3:17.) Angkop lamang na tawaging “bundok ng kapisanan” ang Bundok Sion sapagkat sa santuwaryong matatagpuan doon nagpupunta ang lahat ng maygulang na lalaking Israelita upang humarap kay Jehova tatlong beses sa isang taon. (Exo 23:17) May karagdagang patotoo ang Awit 48:1, 2 na nagsasabing ang Bundok Sion ay nasa gawing hilaga, na katugma naman ng lokasyon ng “bundok ng kapisanan” sa “pinakamalalayong bahagi sa hilaga.”