Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Burol

Burol

Ang terminong Hebreo na giv·ʽahʹ at ang terminong Griego na bou·nosʹ ay tumutukoy sa isang likas at mataas na dako sa ibabaw ng lupa, mas mababa kaysa sa bundok. Kitang-kita ang pabilog na mga burol sa Judea, bagaman matatagpuan din ang ganitong mga burol sa iba pang bahagi ng Palestina.

Kung minsan, ang mga burol ay nagsisilbing mga dakong libingan at mga lugar na kublihan. (Jos 24:33; 1Sa 23:19; 26:1) Ang mga tahanan at mga bayan ay kadalasang itinatayo sa ibabaw ng mga ito, gaya ng bahay ni Abinadab kung saan itinago ang Kaban nang mga 70 taon.​—1Sa 7:1, 2.

Nang itinatampok niya ang kadakilaan ng Makapangyarihan-sa-lahat, ipinakita ng propetang si Isaias na sa diwa ay ‘kayang timbangin ni Jehova ang mga burol sa timbangan.’ (Isa 40:12) Ang mga bundok at mga burol ay inilalarawan bilang ‘walang-hanggan’ at “namamalagi nang walang takda,” ngunit sinasabing mas permanente pa kaysa sa mga ito ang maibiging-kabaitan ng Diyos at ang kaniyang tipan ng kapayapaan.​—Isa 54:10; Gen 49:26; Deu 33:15.

Bago sila magsimulang maglakbay, ang mga tagapamahalang taga-Silangan ay kadalasang nagsusugo ng mga taong maghahanda ng daan sa unahan nila sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga bato, paglalagay ng tambak sa mabababang dako, pagpapakinis sa mga dakong malubak, at, kung minsan, pagpatag pa nga sa mga burol. Sa makasagisag na diwa, pinatag ang mga burol upang ang mga Judio ay makabalik nang walang hadlang mula sa Babilonya patungong Jerusalem noong 537 B.C.E. Naging makahula rin ito hinggil sa paghahandang ginawa ni Juan na Tagapagbautismo bago lumitaw ang Mesiyas.​—Isa 40:4; Luc 3:1-6.

Kadalasan ay sa mga burol isinasagawa ng mga Israelita ang idolatrosong pagsamba, bilang pagtulad sa mga Canaanita. (Deu 12:2; 1Ha 14:23; 2Ha 17:9, 10; Isa 65:7; Jer 2:20; 17:1-3; Eze 6:13; 20:28; Os 4:13) Kaya naman ganito ang makahulang tugon sa pamamanhik sa Israel na manumbalik kay Jehova: “Narito kami! Pumarito kami sa iyo, sapagkat ikaw, O Jehova, ang aming Diyos. Tunay na ang mga burol at pati ang kaguluhan sa mga bundok ay nauukol sa kabulaanan.”​—Jer 3:22, 23.

Angkop na angkop, kung gayon, na sina Isaias at Mikas ay kapuwa humula na “ang bundok ng bahay ni Jehova” ay matibay na matatatag na mas mataas pa sa taluktok ng mga bundok at mátataás pa sa mga burol. (Isa 2:2; Mik 4:1) Kabaligtaran naman nito, yaong mga hindi gumagawa ng kalooban ni Jehova sa panahon ng kaniyang gawaing pagpuksa ay ‘magsasabi sa mga bundok, “Takpan ninyo kami!” at sa mga burol, “Mahulog kayo sa amin!”⁠’​—Os 10:8; Luc 23:30; ihambing ang Isa 2:19; Apo 6:16, 17.