Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Buto

Buto

Ang mga buto, na binubuo ng buháy na mga himaymay, ang nagsisilbing matibay na balangkas ng katawan ng mga vertebrate (nilalang na may gulugod). Napakasalimuot ng kayarian ng buto upang lubusang maunawaan ng mga siyentipiko yamang ang tao ay “pinagsugpung-sugpong” sa pamamagitan ng isang kalansay na may mahigit sa 200 buto at mga litid na nagdurugtong sa mga ito. (Job 10:11; Ec 11:5) Libra por libra, ang buto ay mas matibay kaysa sa bakal, at ang kayarian nito ay maihahambing sa kongkretong may mga bakal sa loob. Sa katunayan, nang inilalarawan ni Jehova ang “Behemot,” sinabi niya: “Ang mga buto niya ay mga tubong tanso; ang matitibay na buto niya ay tulad ng mga tungkod na hinubog na bakal.” (Job 40:15, 18) Angkop na angkop sa hipopotamus ang paglalarawang ito, yamang ang mga buto ng maiikli at malalakas na binti nito at ng matitibay na balakang nito ay sumusuporta sa kaniyang napakabigat na timbang na mula sa 2,300 hanggang 3,600 kg (5,000 hanggang 8,000 lb).

Ang karaniwang salitang Hebreo para sa “buto” ay ʽeʹtsem (Gen 2:23); ang singkahulugan nito ay geʹrem. (Kaw 25:15) Ang terminong Griego naman para rito ay o·steʹon.​—Ju 19:36.

Si Eva, ang unang babae, ay inanyuan mula sa isang tadyang na kinuha kay Adan. Angkop ito dahil ang mga buto ang pinakapundasyon ng katawan, anupat binubuo ng buháy na mga selula, at lumilikha ng mga selula ng dugo. Talagang masasabi ni Adan tungkol kay Eva: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” Siya ang pinakamalapit na kamag-anak ni Adan. (Gen 2:22, 23) Isang katulad na pananalita ang ginagamit nang ilang ulit sa Kasulatan upang tumukoy sa pagiging malapit na magkamag-anak.​—Gen 29:14; Huk 9:2; 2Sa 5:1; 19:12; 1Cr 11:1.

Mga Pagpapatotoong Nagpapatibay ng Pananampalataya. Alam ni Jose na matatagalan pa bago iahon ng Diyos ang Israel mula sa Ehipto upang itatag ang mga ito sa Canaan. Sa pananampalataya, bilang patotoo sa Israel, iniutos niya na iahon ang kaniyang mga buto kapag lumabas na ang Israel. (Gen 50:25; Heb 11:22) Iningatan ito ng Israel sa isipan, at sinunod ni Moises ang utos na ito nang iahon niya ang Israel mula sa Ehipto. (Exo 13:19) Nang dakong huli, ang mga buto ni Jose ay inilibing sa Sikem sa parang na binili ni Jacob.​—Jos 24:32.

Isang himala ang naganap may kaugnayan kay Eliseo (nangyari pagkamatay niya) nang isang lalaki ang kaagad na nabuhay-muli nang ihagis sa dakong libingan ni Eliseo ang bangkay nito at sumagi iyon sa kaniyang mga buto. Ito ay katunayan na kapangyarihan ng Diyos, hindi ni Eliseo, ang dahilan kung bakit nakapagsagawa si Eliseo ng mga himala, at isa itong matibay na pagpapatotoo o isang tatak ng Diyos sa pagiging tunay ng kaniyang tapat na propeta.​—2Ha 13:20, 21.

Pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus, nagpakita siya sa ilan sa kaniyang mga alagad, na nag-akalang isang espiritu ang kanilang minamasdan. Upang mabigyang-katiyakan sila, sinabi ni Jesus: “Hipuin ninyo ako at tingnan, sapagkat ang isang espiritu ay walang laman at mga buto gaya ng namamasdan ninyong taglay ko.” (Luc 24:39) Palibhasa’y hindi sinabi ni Jesus na siya ay laman at dugo, sinasabi ng ilan na siya ay nasa isang “nagsaespiritung” katawan na may laman at mga buto ngunit walang dugo. Walang saligan ang argumentong ito, sapagkat nakikita naman ng mga alagad na mayroon siyang mga buto at laman, ngunit walang dugo na tumutulo noon mula sa kaniyang katawan na maitatawag-pansin niya sa kanila. Sa gayon ay naglaan si Jesus ng katibayan mula sa bibig ng 11 apostol at ng iba pa na nakikipagtipong kasama nila noong pagkakataong iyon na talagang binuhay siyang muli at na hindi bunga ng guniguni ng mga alagad ang paghahayag nila tungkol sa kaniyang pagkabuhay-muli.

Karumihan. Sa ilalim ng Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ang isang tao ay marumi sa relihiyosong paraan sa loob ng pitong araw kung humipo siya ng bangkay, ng buto ng tao, o ng dakong libingan. (Bil 19:16) Upang masugpo ang huwad na pagsamba, pinunô ni Haring Josias ng mga buto ng tao ang mga lugar na dating kinaroroonan ng mga sagradong poste ng paganong pagsamba at sinunog niya sa ibabaw ng mga altar ang mga buto na mula sa mga dakong libingan, sa gayon ay dinungisan niya ang mga altar at ginawa niyang di-karapat-dapat gamitin ang mga iyon.​—2Ha 23:14, 16, 19; 2Cr 34:5.

Makasagisag na Paggamit. Sa mga pagtukoy nito sa mga buto, itinatampok ng Bibliya kung paanong sa literal na paraan ay mahalaga ang mga ito sa pisikal na kalusugan ng indibiduwal at sa makasagisag na paraan naman ay mahalaga ang mga ito sa kaniyang espirituwal na kalusugan. Ang mga buto ang panloob na balangkas na sumusuporta sa katawan, at dahil dito ay ginagamit ang mga ito sa Bibliya bilang metapora upang kumatawan sa pagkatao ng isa, lalo na kung paanong naaapektuhan ito ng matitinding damdamin at emosyon. Sa gayon, ang mga buto ng isang natatakot na indibiduwal ay sinasabing ‘napupuspos ng panghihilakbot.’ (Job 4:14) Ang mga buto ng isa ay maaaring manginig dahil sa labis-labis na kalumbayan o ‘mag-init dahil sa pagkatuyo’ na dulot ng pagkakasakit. (Jer 23:9; Job 30:30) Ang pagkatakot kay Jehova ay ‘kaginhawahan sa mga buto.’ (Kaw 3:8) Ang isang mabuting ulat ay sinasabing “nagpapataba ng mga buto” o pinupuno nito ng utak ang mga buto, samakatuwid nga, pinalalakas ang buong katawan. (Kaw 15:30) “Ang kaiga-igayang mga pananalita ay . . . kagalingan sa mga buto.” (Kaw 16:24) Sa kabilang dako naman, ang mga negatibong emosyon ay maaaring makapinsala sa katawan ng isa. “Ang bagbag na espiritu ay tumutuyo ng mga buto.” (Kaw 17:22) Ang isang asawang babae na gumagawi nang kahiya-hiya ay sinasabing ‘parang kabulukan sa mga buto’ ng kaniyang asawa. (Kaw 12:4) Maaari ring makapinsala sa isang tao sa pisikal at sa espirituwal na paraan ang pagkikimkim ng paninibugho sa iba, kaya naman “ang paninibugho ay kabulukan ng mga buto.”​—Kaw 14:30.

Dahil sa matibay na kayarian ng mga buto, ganito ang sinasabi ng Kawikaan 25:15 may kinalaman sa kapangyarihan ng pagkamatiisin at ng mahinahong pananalita upang madaig ang mahigpit at matinding pagsalansang: “Dahil sa pagkamatiisin ay nagaganyak ang kumandante, at ang mahinahong dila ay nakababali ng buto.”

Makahulang Paggamit. Noong pasinayaan ang Paskuwa, iniutos ni Jehova na ihawin nang buo ang kordero (o kambing) at “huwag ninyong babaliin kahit isang buto niyaon.” (Exo 12:46) Natupad ito kay Jesu-Kristo, “ang Kordero ng Diyos,” na siyang antitipikong haing Pampaskuwa. (Ju 1:29; 1Co 5:7) Namatay si Jesus sa pahirapang tulos. Lumapit ang mga kawal upang baliin ang mga binti ng mga ibinayubay noong araw na iyon, gaya ng kaugalian upang mapadali ang kamatayan ng mga ito. Binali nila ang mga binti ng dalawang manggagawa ng kasamaan. Gayunman, nakita nilang patay na si Jesus, kaya hindi na nila binali ang kaniyang mga binti, ngunit inulos ng sibat ng isang kawal ang kaniyang tagiliran.​—Ju 19:31-36; Aw 34:20.

Sa Babilonya, binigyan ni Jehova si Ezekiel ng isang pangitain kung saan inihalintulad niya ang Israel sa mga tuyong buto na nasa isang kapatagang libis. Sa pangitain, gaya ng inihula ni Ezekiel sa mga buto, ang mga ito ay makahimalang nagdugtung-dugtong at nabalutan ng laman. Pagkatapos ay nanghula siya sa hangin, at pinasukan nito ng hininga ang kanilang mga katawan anupat tumayo sila na gaya ng isang malaking hukbo. Ipinaliwanag ni Jehova na ang pangitain ay kumakapit sa Israel na, palibhasa’y nilamon ng pagkatapon sa Babilonya, naging gaya ng isang bayan na ang pag-asa ay naglaho. (Eze 37:1-11) Sa katulad na paraan, inihalintulad ni Jeremias ang hari ng Asirya, na nagdala sa sampung-tribong kaharian tungo sa pagkatapon, at si Nabucodonosor na hari ng Babilonya, na tumangay naman sa Juda, sa mga leon na lumalamon sa bayan ng Diyos at ngumangatngat sa kanilang mga buto. (Jer 50:17) Pinahintulutan ito ng Diyos dahil sa pag-aapostata ng Israel. Ngunit aalalahanin sila ni Jehova at ilalagay niya sa kanila ang kaniyang espiritu, na muling bubuhay at magpapasigla sa kanila at magsasauli sa kanila upang mamayan sa Lupang Pangako.​—Eze 37:12-14.

Pagkatapos puksain ni Jehova si Gog at ang mga pulutong nito na aahon at sasalakay sa bayan ni Jehova, magkakaroon ng patuluyang pagtatrabaho “sa loob ng pitong buwan” anupat lalagyan ng pantanda ang mga kinaroroonan ng mga buto ng pulutong ni Gog at ililibing ang mga ito, upang linisin ang ibabaw ng lupa at alisin mula rito ang lahat ng karumihan at karungisan.​—Eze 39:14-16.

Lakip ang isang pagtukoy sa utak sa buto, makasagisag na inilalarawan ni Jehova ang mayayamang pagpapala na idudulot niya sa kaniyang bayan kapag pinawi na niya ang kamatayan, anupat sinasabi niyang gagawa siya para sa kanila ng isang piging ng “mga putaheng malangis na punô ng utak sa buto.”​—Isa 25:6; tingnan din ang UTAK SA BUTO.