Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Caifas

Caifas

Si Jose Caifas ang mataas na saserdote noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa. (Luc 3:2) Siya’y manugang ng mataas na saserdoteng si Anas (Ju 18:13; tingnan ang ANAS) at si Valerius Gratus, na hinalinhan ni Poncio Pilato, ang humirang sa kaniya noong mga taóng 18 C.E., bagaman may mga nagsasabi na iyon ay noong mga taóng 26 C.E. pa. Nanungkulan siya hanggang noong mga taóng 36 C.E., anupat mas matagal kaysa sa sinuman sa mga hinalinhan niya, at dahil ito sa kaniyang husay sa diplomasya at pakikipagtulungan sa pamahalaan ng Roma. Ayon sa ulat, magkaibigang matalik si Caifas at si Pilato. Si Caifas ay isang Saduceo.​—Gaw 5:17.

Bilang pasimuno sa pakanang patayin si Jesus, si Caifas ay humula, bagaman hindi mula sa kaniyang sarili, na si Jesus ay malapit nang mamatay para sa bansa, at puspusan niyang sinuportahan ang pakanang iyan. (Ju 11:49-53; 18:12-14) Noong nililitis si Jesus sa harap ng Sanedrin, hinapak ni Caifas ang kaniyang mga kasuutan at sinabi: “Siya ay namusong!” (Mat 26:65) Nang si Jesus ay nasa harap ni Pilato, tiyak na kasama si Caifas sa mga humihiyaw: “Ibayubay siya! Ibayubay siya!” (Ju 19:6, 11); kasama siya sa mga humiling na palayain si Barabas sa halip na si Jesus (Mat 27:20, 21; Mar 15:11); kasama siya sa mga sumisigaw: “Wala kaming hari kundi si Cesar” (Ju 19:15); at isa siya sa mga tumutol sa karatulang nasa itaas ng ulo ni Jesus: “Ang Hari ng mga Judio” (Ju 19:21).

Hindi nagwakas sa kamatayan ni Jesus ang papel ni Caifas bilang isang pangunahing mang-uusig ng bagong-tatag na Kristiyanismo. Mga apostol naman ang sumunod na dinala sa harap ng relihiyosong tagapamahalang ito. Sila’y mahigpit na inutusang tumigil sa kanilang pangangaral, pinagbantaan, at pagkatapos ay pinagpapalo pa nga, ngunit walang nangyari. “Bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay,” sa kabila ng pagsalansang ni Caifas. (Gaw 4:5-7; 5:17, 18, 21, 27, 28, 40, 42) Di-nagtagal, nabahiran din ng dugo ng matuwid na si Esteban ang mga laylayan ni Caifas, na bago pa nito’y namantsahan na ng dugo ni Jesus. Binigyan din ni Caifas si Saul ng Tarso ng mga liham ng pagpapakilala upang mapaabot hanggang sa Damasco ang mapamaslang na kampanya. (Gaw 7:1, 54-60; 9:1, 2) Ngunit di-nagtagal, si Caifas ay inalis ni Vitellius, isang opisyal na Romano, mula sa katungkulan.