Cala
Isang lunsod na itinatag ni Nimrod sa Asirya at dati’y bahagi ng “dakilang lunsod” na binubuo ng Nineve, Cala, Resen, at Rehobot-Ir. Lumilitaw na ang tatlong huling nabanggit na lugar ay mga karatig-pook ng Nineve. (Gen 10:9-12) Sa mga tekstong cuneiform ng Asirya, ang Cala ay lumilitaw bilang Kalhu, at noong kapanahunan ng Imperyo ng Asirya, naging isa ito sa tatlong pangunahing lunsod ng kaharian, kasama ng Nineve at Asur. Ang Cala ay nasa HS panig ng salubungan ng Malaking Ilog Zab at ng Tigris, mga 35 km (22 mi) sa TTS ng Nineve. Ang makabagong pangalan ng lugar ay Nimrud, sa gayo’y napanatili ang pangalan ng sinaunang tagapagtatag ng lunsod.
Noong ikasiyam na siglo B.C.E., inangkin ni Ashurnasirpal II na muli niyang itinayo ang lunsod mula sa bulok na kalagayan nito at ginawa niya itong kabisera, anupat nagtayo siya ng pagkalaki-laking mga pader na nakukutaan ng maraming tore, isang palasyo ng hari, at mga templo; kabilang sa mga ito ang isang toreng ziggurat na mga 38 m (125 piye) ang taas. Ipinakikita ng pagsasaliksik na ang lunsod ay may lawak na 358 ektarya (885 akre) at bukod sa mga palasyo, mga templo, at mga bahay ay mayroon din itong mga hardin at mga taniman, na natutubigan ng isang kanal na hinukay mula sa Ilog Zab. Sa piging na inihanda ni Ashurnasirpal noong matapos ang kaniyang bagong kabisera, sinasabing inanyayahan ang lahat ng tumatahan sa lunsod at mga dumadalaw na dignitaryo, anupat lahat-lahat ay 69,574 na katao.
Nang hukayin ang Cala, nakuha sa mga guho nito ang ilan sa pinakamaiinam na halimbawa ng sining ng Asirya, lakip na ang mga dambuhalang leon na may mga pakpak at ulo ng tao, mga toro na may mga pakpak, maraming pagkalalakíng bahorelyebe sa mga pader ng palasyo, at pagkarami-raming inukit na kagamitang yari sa garing. Nahukay rin ang isang estatuwa ni Ashurnasirpal na maayos pa ang kundisyon, gayundin ang batong tinatawag na Black Obelisk ni Salmaneser III, na nagsasabing nagbayad ng tributo sa Asirya si Haring Jehu ng Israel.—Tingnan ang SALMANESER Blg. 1.
Nang dakong huli, ang Cala ay dumanas ng pagkatiwangwang kasama ng iba pang maharlikang mga lunsod ng kaharian noong bumagsak ang Imperyo ng Asirya.