Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Caleb

Caleb

[Aso].

1. Anak ni Hezron, kapatid ni Jerameel at apo sa tuhod nina Juda at Tamar (1Cr 2:3-5, 18); tinatawag ding Kelubai (1Cr 2:9). Ang isa sa kaniyang mga inapo ay si Bezalel, ang bihasang manggagawa na inatasang mangasiwa sa pagtatayo ng tabernakulo. (1Cr 2:19, 20; Exo 35:30) Lumilitaw na ang Blg. 2 ay kaniyang inapo.

2. Anak ni Jepune na Kenizita na mula sa tribo ni Juda, tiyo ni Otniel, at malamang ay inapo ng Blg. 1. (Bil 32:12; Jos 15:17; 1Cr 4:13, 15; tingnan ang OTNIEL.) Nang siya’y 40 taóng gulang na, isa si Caleb sa 12 tiktik na isinugo ni Moises sa isang 40-araw na pagmamanman sa lupain ng Canaan, at nang makabalik, si Caleb, kasama si Josue, ay nanindigan laban sa pagsalansang ng lahat ng iba pa at nagbigay ng mabuting ulat, na sinasabi: “Umahon tayo kaagad, at magagawa nating ariin iyon.” (Bil 13:6, 30; 14:6-9) Dahil ‘sinunod niya si Jehova na kaniyang Diyos nang lubusan,’ siya lamang mula sa mga nasa hustong gulang sa salinlahing iyon, maliban kay Josue at sa ilang mga Levita, ang pumasok sa Lupang Pangako noong 1473 B.C.E. Pagkaraan ng anim na taon, nang 85 taóng gulang na siya, ipinahayag ni Caleb: “At narito, iningatan akong buháy ni Jehova, gaya ng ipinangako niya, nitong apatnapu’t limang taon mula nang bitiwan ni Jehova ang pangakong ito kay Moises noong lumalakad ang Israel sa ilang, at narito, ako sa araw na ito ay walumpu’t limang taóng gulang. Gayunma’y malakas pa ako ngayon gaya nang araw na isugo ako ni Moises. Kung ano ang lakas ko noon, gayundin ang lakas ko ngayon para sa digmaan, kapuwa sa paglabas at sa pagpasok.”​—Jos 14:6-11.

Ang lunsod ng Hebron (ang moog na tinatawag na Kiriat-arba, na hawak ng higanteng mga Anakim) gayundin ang nakapalibot na teritoryo nito, pati na ang Debir na malapit dito, ay iniatas kay Caleb bilang kaniyang pag-aari. Sa 1 Samuel 30:13, 14, kung saan binabanggit ang paglusob ng mga Amalekita “sa timog ng Caleb,” maliwanag na ang Caleb ay hindi tumutukoy sa isang lunsod kundi, sa halip, sa lugar na iniatas kay Caleb at tinawag ayon sa kaniyang pangalan; kaya ang ginawang paglusob ay ‘sa timog ng teritoryo ni Caleb.’

Nang tanggapin niya ang pag-aaring ito, ipinahayag ni Caleb: “Sa sinumang manakit sa Kiriat-seper [tinatawag ding Debir] at makabihag niyaon, walang pagsalang ibibigay ko sa kaniya si Acsa na aking anak bilang asawa.” Si Otniel na kaniyang pamangkin (ang unang hukom ng Israel pagkamatay ni Josue) ang bumihag sa lunsod at nagkamit ng gantimpala. Pagkatapos ay ibinigay ni Caleb sa kaniyang anak, ayon sa kahilingan nito, ang Mataas at ang Mababang Gulot bilang kaloob sa kasal nito, bukod pa sa “piraso ng lupain sa dakong timog.”​—Jos 15:13-19; Huk 1:11-15; 3:9-11.

Si Acsa ay nakatala bilang anak ng “Caleb na kapatid ni Jerameel” (Blg. 1) na nabuhay mga isa’t kalahating siglo bago ang “Caleb na anak ni Jepune.” (1Cr 2:42, 49) Sinasabi ng ilang komentarista na iisa lang ang Caleb. Ngunit imposible ang konklusyong ito dahil sa napakahabang panahong namagitan sa apo ni Juda na si Hezron at sa paninirahan ng Israel sa Canaan. Sinasabi ng iba na malamang na ang dalawang Caleb ay may mga anak na babae na magkapangalan din. Gayunman, sa mga talaangkanan, binabanggit lamang ang mga babae kung gumanap sila ng mahalagang papel sa kasaysayan ng bayan ng Diyos. At yamang iisang Acsa lamang ang kilalá, malamang na siya ang anak ng ikalawang Caleb, na anak ni Jepune. Inaalis pa nga ng ibang mga komentarista mula sa talatang ito (1Cr 2:49) ang pangungusap tungkol kay Acsa sa pag-aakalang idinagdag lamang iyon ng mga eskriba, ngunit wala naman silang tekstong mapagbabatayan. Gayunman, mas makatuwirang isipin na sadyang isiningit ng orihinal na manunulat ang impormasyong ito sa talata 49 para sa isang pantanging layunin, anupat ginamit niya ang “anak na babae” sa mas malawak na diwa upang tumukoy sa isang inapo at itawag-pansin na si Acsa ay hindi lamang anak na babae ng Caleb na anak ni Jepune kundi isa ring direktang inapo ng Caleb na anak ni Hezron.