Cesar
Isang Romanong apelyido na naging titulo. Noong 46 B.C.E., si Gayo Julio Cesar ay hinirang bilang diktador ng Roma sa loob ng sampung taon, ngunit pinaslang siya noong 44 B.C.E. Cesar ang apelyido ng kaniyang pamilya (Gayo ang kaniyang personal na pangalan at Julio naman ang pangalan ng kaniyang lipi o sambahayan). Ang apelyidong ito ay isinalin sa kaniyang inampong anak na lalaki at kahalili na si Gayo Julio Cesar Octaviano (Octavian). Itinatag ni Octavian ang kaniyang pamamahala sa imperyo noong 31 B.C.E., at noong 27 B.C.E., iginawad sa kaniya ng Senadong Romano ang titulong Augusto, anupat nakilala siya bilang Cesar Augusto.—Luc 2:1-7.
Mula noon, apat na sumunod na Romanong emperador (sina Tiberio, Gayo [Caligula], Claudio, at Nero) ang umangkin sa pangalang Cesar dahil sila ay alinman sa aktuwal na kamag-anak o inampon. Kaya naman, ang apelyidong ito ay iniugnay sa posisyon ng soberanong tagapamahala anupat kahit nagwakas na ang dinastiya ng mga Cesar, patuloy na ginamit ang pangalang ito bilang isang maharlikang titulo na katumbas niyaong sa emperador; dito rin nagmula ang mga titulong kaiser (Aleman) at czar (Ruso).
Nakatala sa kalakip na tsart ang mga Cesar na namahala noong panahong isinusulat ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, pati na ang mga taon ng kanilang pamamahala at ang mahahalagang pangyayari sa Bibliya na naganap noong mga panahong iyon. Sa mga ito, tatlong pangalan lamang ang binabanggit ng Bibliya: si Augusto, si Tiberio, at si Claudio. Para sa mas kumpletong pagtalakay, tingnan ang mga artikulo sa ilalim ng kanilang pangalan.
Ang Diyos at si Cesar. Ang tanging iniulat na pagtukoy ni Jesus kay Cesar ay nang ibigay niya ang simulaing: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mat 22:17-21; Mar 12:14-17; Luc 20:22-25) Binigkas niya ang pananalitang ito bilang sagot sa tanong hinggil sa pagbabayad ng mga Judio ng “pangulong buwis” sa estado ng Roma. Samakatuwid, ang tanong na ito ay may kinalaman sa isang tatag na batas o karaniwang kaugalian kung kaya maliwanag na kapuwa ang tanong at ang sagot ay hindi lamang kapit kay Tiberio, na siyang namamahala noon. (Ihambing ang Mat 17:25.) Ang “Cesar” ay nangangahulugan ng, o sumasagisag sa, awtoridad na sibil, samakatuwid nga, ang estado, na kinakatawanan ng hinirang na mga opisyal nito, na tinawag ni Pablo na “nakatataas na mga awtoridad” at tinukoy naman ni Pedro bilang “hari” at “mga gobernador” nito.—Ro 13:1-7; Tit 3:1; 1Pe 2:13-17; tingnan ang NAKATATAAS NA MGA AWTORIDAD.
Kung gayon, maliwanag na ang “mga bagay” ni Cesar ay ang kaukulang kabayaran sa mga serbisyong ginagawa ng sekular na pamahalaan at kapalit ng mga serbisyong ito ay nagpapataw naman ng mga buwis o tributo ang pamahalaan. Bagaman Mat 22:19.
ang estado ng Roma ay isang imperyo, naglaan ito ng maraming serbisyo para sa mga bayang sakop nito, lakip na rito ang pagpapagawa ng mga lansangang-bayan, at isang uri ng serbisyo sa koreo, gayundin ang pagpapanatili ng kaayusang pambayan at paglalaan ng proteksiyon laban sa mga kriminal. Binabayaran ng taong-bayan ang mga serbisyong ito sa pamamagitan ng mga buwis. Ipinakikita ito ng pagtukoy ni Jesus sa barya ni Cesar bilang “barya ng pangulong buwis.”—Hindi dapat pahintulutan ng isang Kristiyano na makahadlang sa paglilingkod niya sa Diyos ang awtoridad ni “Cesar” na maningil ng kabayaran maging sa mga Kristiyano, at ipinakikita ito ng pananalita ni Jesus na ‘ang mga bagay na sa Diyos ay dapat ibayad sa Diyos.’ (Mat 22:21) Ipinakita ng mga apostol ni Jesus na naunawaan nila na ang kanilang tungkulin sa mga taong may awtoridad ay limitado, o relatibo, at hindi lubusan, sapagkat nang dalhin sila sa harap ng mataas na hukumang Judio, mariin nilang ipinahayag: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao,” samakatuwid nga, kapag ang mga batas o mga kahilingan ng tao ay kasalungat niyaong sa Diyos.—Gaw 5:29.
Paglilitis kay Jesus. Nang litisin si Jesus sa harap ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato, ang mga lider ng relihiyon ay nagparatang sa kaniya ng mabibigat na kasalanan: ‘paggugupo sa bansang Judio at pagbabawal ng pagbabayad ng mga buwis kay Cesar at pagsasabi na siya mismo ang Kristo na isang hari.’ (Luc 23:1, 2) Sa totoo, ang tatlong magkakaugnay na paratang na ito ay nangangahulugang inaakusahan nila si Jesus ng pagtataksil sa bayan o, gaya ng tawag dito ng mga Romano, crimen laesae majestatis (sa ngayon ay tinatawag na lèse-majesté). Natanto ito ni Pilato sapagkat nang maglaon ay sinabi niya, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito bilang isa na nag-uudyok sa mga tao na maghimagsik.” (Luc 23:13, 14) Noong 48 B.C.E., dahil sa batas na tinawag na lex Julia majestatis, naging paglabag ang pagsali sa anumang gawaing laban sa soberanong kapangyarihan ng Roma. Pinalawak ang pagkakapit ng batas na ito anupat, pagsapit ng panahon ni Jesus, halos kahit anong pang-iinsulto kay Cesar o anumang gawaing nagtitinging sedisyon ay maaaring gawing saligan ng paratang na pagtataksil. Si Tiberio, ang Cesar na namamahala noon, ay masyadong sensitibo sa kritisismo o oposisyon, at nakilala ang kaniyang pamamahala dahil sa paghimok nito sa mga “impormante” na magharap ng mga akusasyon laban sa mga pinaghihinalaang traidor.
Sa buong Imperyo ng Roma, walang sinuman ang maaaring maghari nang walang pahintulot ni Cesar. Kaya naman noong tinatanong ni Pilato si Jesus, maliwanag na pinagtuunan niya ng pansin ang isyu ng pagkahari ni Jesus. (Mat 27:11; Mar 15:2; Luc 23:3; Ju 18:33-37) Sinikap ni Pilato na palayain si Jesus bilang walang-sala, ngunit sumigaw ang mga Judiong lider: “Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar. Bawat tao na ginagawang hari ang kaniyang sarili ay nagsasalita laban kay Cesar.” (Ju 19:12) Ang terminong “kaibigan ni Cesar” ay isang titulong pandangal na kadalasa’y iginagawad sa mga gobernador ng probinsiya; ngunit maliwanag na ginamit ito rito ng mga Judiong lider sa isang malawak na diwa, anupat ipinahiwatig nila na inilalantad ni Pilato ang kaniyang sarili sa paratang na pagkunsinti sa pagtataksil sa bayan. Ang pagkatakot ni Pilato sa isang mapanibughuing emperador ay nakaimpluwensiya sa kaniya upang lapatan niya ng hatol na kamatayan ang isang taong walang-sala. Samantala, ipinangalandakan ng mga saserdote ang kanilang katapatan sa emperador, sa pagsasabing, “Wala kaming hari kundi si Cesar,” sa gayo’y itinakwil nila ang anumang teokratikong pamamahala. (Ju 19:13-16; ihambing ang Isa 9:6, 7; 33:22.) Tinutulan din nila ang titulong “Hari ng mga Judio” na inilagay ni Pilato sa tulos ni Jesus, ngunit nabigo sila. (Ju 19:19-22) Kaugalian noon ng mga Romano na magpaskil ng isang karatula na nagsasabi kung anong krimen ang ginawa ng nahatulang kriminal.
Pag-apela at Pagkabilanggo ni Pablo. Nang ang mga Judiong lider ng relihiyon sa Tesalonica ay bumuo ng isang pangkat ng mang-uumog upang pahintuin ang pangangaral nina Pablo at Silas, kumatha rin sila ng paratang na pagtataksil sa emperador. (Gaw 17:1-9) Nang panahong iyon, si Claudio (41-54 C.E.) ang namamahala bilang Cesar.—Gaw 11:28.
Ang iba pang mga pagbanggit ng Bibliya kay Cesar ay tumutukoy kay Nero, na namahala noong 54 hanggang 68 C.E., nang magpatiwakal siya sa edad na mga 31. Si Nero ang tinutukoy ni Pablo nang litisin siya sa Cesarea sa harap ni Festo, maliwanag na noong mga 58 C.E. Ikinaila ni Pablo na nakagawa siya ng anumang kasalanan laban kay Cesar at tumanggi siyang litisin sa Jerusalem, anupat sinabi niya: “Nakatayo ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Cesar, kung saan ako dapat hatulan. . . . Umaapela ako kay Cesar!” (Gaw 25:1, 6-11) Sa pagkakataong ito, ginamit ni Pablo ang kaniyang mga karapatan bilang isang mamamayang Romano. Ang gayong pag-apela kay Cesar ay maaaring gawin pagkatapos ipahayag ang hatol o sa panahon ng paglilitis. Yamang ipinahiwatig ni Festo na ayaw niyang siya mismo ang magpasiya sa bagay na ito at yamang hindi maaasahan na magiging makatarungan ang paglilitis sa Jerusalem, pormal na nagpetisyon si Pablo na nais niyang ang pinakamataas na hukuman ng imperyo ang humatol sa kaniya. Sa ilang kaso, lumilitaw na maaaring tanggihan ang pag-apela, gaya halimbawa sa kaso ng isang magnanakaw, pirata, o sedisyonista na nahuli sa akto. Malamang na ito ang dahilan kung kaya sumangguni muna si Festo sa “kapulungan ng mga tagapayo” bago niya tanggapin ang apela. Muling dininig ang kaso sa harap ng dumadalaw na si Herodes Agripa II upang si Festo ay magkaroon ng mas malinaw na impormasyong maisusumite kapag inilipat na niya ang kaso ni Pablo sa “Isa na Augusto,” si Nero. (Gaw 25:12-27; 26:32; 28:19) May iba pang layunin ang pag-apela ni Pablo, ito’y upang dalhin siya sa Roma, sa gayo’y natupad ang hangaring ipinahayag niya noong una. (Gaw 19:21; Ro 15:22-28) Ang makahulang pangako ni Jesus at ang mensaheng tinanggap ni Pablo nang maglaon sa pamamagitan ng anghel ay nagpapakitang pinatnubayan ng Diyos ang bagay na ito.—Gaw 23:11; 27:23, 24.
Lumilitaw na isinulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga taga-Filipos noong unang pagkabilanggo niya sa Roma (mga 60-61 C.E.). Sa pagtatapos ng liham, inilakip ni Pablo ang mga pagbati ng mga kapatid sa Roma at ‘lalo na niyaong mga nasa sambahayan ni Cesar.’ (Fil 4:21, 22) Ang terminong “sambahayan ni Cesar” ay hindi naman laging tumutukoy sa mga kapamilya ni Nero, na siyang namamahala noon, sa halip, maaaring kumakapit ito sa mga nasa serbisyo sa pamahalaan, sa mga alipin at mga nakabababang opisyal ni Cesar. Hindi binabanggit kung ang mga Kristiyanong ito mula sa sambahayan ni Cesar ay mga bunga ng pangangaral ni Pablo. Kung ang bilangguan niya ay konektado sa Tanod ng Pretorio (Fil 1:13), mangangahulugan ito na siya, at ang ginawa niyang pangangaral doon, ay malapit sa palasyo ni Nero, samakatuwid ay malapit sa karamihan ng mga miyembro ng sambahayan ni Cesar. (Gaw 28:16, 30, 31) Paano man niya nakilala ang mga Kristiyanong ito sa sambahayan ni Cesar, maliwanag na mayroon silang pantanging interes sa mga kapatid sa Filipos. Yamang ang Filipos ay isang kolonyang Romano at maraming retiradong kawal at lingkod ng pamahalaan doon, maaaring ang ilan sa mga Kristiyano roon ay kamag-anak o kaibigan niyaong mga nagpadala ng mga pagbati sa pamamagitan ni Pablo.
Noong 64 C.E., sinalanta ng isang malaking sunog ang Roma, na sumira ng mga isang kapat ng lunsod. Kumalat ang usap-usapan na si Nero ang may kagagawan nito at, ayon sa Romanong istoryador na si Tacitus, sinikap ni Nero na protektahan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagbibintang nito sa mga Kristiyano. (The Annals, XV, XLIV) Sinundan ito ng lansakang pag-aresto, at ang mga Kristiyano at yaong mga pinaghihinalaan na Kristiyano ay pinahirapan, pinagpapatay, anupat ang ilan ay sinunog pa nga nang buháy sa harap ng madla. Waring ito ang naging pasimula ng isang malaking daluyong ng pag-uusig, hindi mula sa mga relihiyosong mananalansang, kundi mula sa pulitikal na mga elementong determinadong lipulin ang kongregasyong Kristiyano. Sa panahong ito, si Pablo, na maliwanag na pinalaya pagkaraan ng dalawang-taóng pagkabilanggo sa Roma (mga 59-61 C.E.), ay malamang na nabilanggo sa ikalawang pagkakataon (mga 65 C.E.). Karaniwang pinaniniwalaan 2Ti 1:16, 17; 4:6-8.
na kasunod nito ay pinatay siya sa utos ni Nero.—Ihambing angNagsimula ang paghihimagsik ng mga Judio noong 66 C.E., dalawang taon bago mamatay si Nero, at noon lamang 70 C.E. ito nasupil sa panahon ng pamamahala ni Vespasian (69-79 C.E.). Ipinapalagay na ang apostol na si Juan ay ipinatapon sa pulo ng Patmos noong panahon ng pamamahala ni Domitian (81-96 C.E.), isang malupit na kalaban ng Kristiyanismo.—Apo 1:9.
[Tsart sa pahina 486]
Pangalan Taóng Mahahalagang Pangyayari sa Bibliya
Namahala Noong Kaniyang Pamamahala
Augusto 31 B.C.E.– Kapanganakan ni Juan (na
(Octavian) 14 C.E. Tagapagbautismo); batas ukol sa
pagpaparehistro, at kapanganakan
ni Jesus sa Betlehem (Luc 2:1);
kamatayan ni Herodes na Dakila
Tiberio 14-37 C.E. Ministeryo ni Juan at ni Jesus
(Luc 3:1); ang kanilang kamatayan.
Pentecostes ng 33 C.E. at unang mga
gawain ng bagong-tatag na
kongregasyong Kristiyano. Ang
pagkakumberte ni Saul (Pablo)
Gayo 37-41 C.E.
(Caligula)
Claudio 41-54 C.E. Unang dalawang paglalakbay ni Pablo
bilang misyonero at isang bahagi ng
kaniyang ikatlong paglalakbay. Isang
malaking taggutom; mga Judio
pinalayas sa Roma (Gaw 11:28; 18:2)
Nero 54-68 C.E. Unang paglilitis kay Pablo sa Roma.
(Gaw 25:21; 26:32) Pasimula ng
matinding pag-uusig ng pamahalaan
laban sa mga Kristiyano kasunod ng
malaking sunog sa Roma; malamang,
ikalawang paglilitis kay Pablo at
pagpatay sa kaniya. Pasimula ng
paghihimagsik ng mga Judio (66 C.E.)
Galba 68-69 C.E.
Otho 69 C.E.
Vitellius 69 C.E.
Vespasian 69-79 C.E. Pagkawasak ng Jerusalem (70 C.E.)
Tito 79-81 C.E.
Domitian 81-96 C.E. Pagpapatapon sa apostol na si Juan
sa Patmos (Apo 1:9)
Nerva 96-98 C.E.
Trajan 98-117 C.E. Malamang na nakumpleto ang kanon ng
Bibliya noong unang taon ng kaniyang
pamamahala