Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Cesarea

Cesarea

[Ni (Kay) Cesar].

Isang mahalagang daungang lunsod na itinayo ni Herodes na Dakila sa baybaying dagat ng Mediteraneo noong huling bahagi ng unang siglo B.C.E. Ang orihinal na lokasyon nito ay kilala noon bilang Tore ni Straton o Strato, anupat ipinapalagay na isinunod sa pangalan ng isang tagapamahalang Sidonio. Ang sinaunang pangalan nito ay naingatan sa pangalang Arabe na Qaisariye (na sa ngayon ay tinatawag na Horvat Qesari sa Hebreo). Ito’y mga 40 km (25 mi) sa T ng Bundok Carmel at mga 87 km (54 na mi) sa HHK ng Jerusalem.

Ang Judiong istoryador na si Josephus ang pangunahing mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa pagtatayo ng lunsod at sa maagang kasaysayan nito. Ang lugar na ito, pati na ang Samaria at iba pang bayan, ay ipinagkaloob ni Cesar Augusto kay Herodes na Dakila. Pagkatapos na muling maitayo ni Herodes ang Samaria, na pinangalanan niyang Sebaste, pinagtuunan naman niya ng pansin ang baybaying dagat at nagtayo siya ng isang maringal na daungan at lunsod sa Tore ni Strato. Ang pagtatayo ay inabot nang 10 hanggang 12 taon, at pinasinayaan ito noong mga 10 B.C.E. (ayon sa ilang iskolar). Ang mga proyektong ito ay pinangalanan ni Herodes bilang parangal kay Cesar Augusto​—ang lunsod ay tinawag na Cesarea, samantalang ang daungang-dagat nito ay tinawag na Sebastos (na Griego para sa Augusto). Napakaganda ng materyales at ng pagkakatayo ng lunsod, at mayroon itong isang templo, isang dulaan, at isang malaking ampiteatro na doo’y kasya ang napakaraming tao. Isang paagusan ang nagdadala ng sariwang tubig sa Cesarea, at isang sistema ng mga kanal sa ilalim ng lunsod ang naglalabas ng tubig at dumi patungo sa dagat. Gayunman, ang pinakamahalagang proyekto ay ang pagtatayo ng artipisyal na daungan ng lunsod.

Pagkatapos mapaalis sa puwesto si Arquelao na anak ni Herodes na Dakila, Cesarea ang naging opisyal na tirahan ng mga Romanong prokurador na namahala sa Judea. Sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa ng mga Apostol, ang lunsod ay itinatampok kapuwa bilang isang daungang-dagat at bilang sentro ng pamahalaan.

Si Felipe, pagkatapos ng matagumpay na paglilingkod bilang misyonero sa Samaria, ay nakibahagi sa ‘pagpapahayag ng mabuting balita’ sa mga teritoryong nasa baybayin pasimula sa lunsod ng Asdod at sa lahat ng mga lunsod hanggang sa Cesarea, na mga 90 km (56 na mi) sa dakong H. (Gaw 8:5-8, 40) Di-nagtagal pagkatapos nito, si Pablo ay nakumberte. Dahil sa tangkang pagpatay sa kaniya nang magsimula siyang mangaral sa Jerusalem, inihatid siya ng mga alagad sa daungang-dagat ng Cesarea at pinayaon siya patungo sa kaniyang sariling bayan, ang Tarso.​—Gaw 9:28-30.

Yamang sa Cesarea pangunahing nakahimpil ang mga hukbong militar ng Roma, natural lamang na doon manirahan ang senturyon na si Cornelio. Bagaman maraming Judiong nakatira roon, ipinapalagay na ang kalakhang bahagi ng populasyon ng lunsod ay mga Gentil. Kaya noong taóng 36 C.E., inakay ng Diyos si Pedro sa lugar na ito upang magpatotoo sa di-tuling si Cornelio, sa mga kamag-anak nito, at sa malalapit na mga kaibigan nito at upang bautismuhan sila bilang kauna-unahang di-tuling mga Gentil na tinanggap sa kongregasyong Kristiyano.​—Gaw 10:1-48.

Sa Cesarea nagtungo si Herodes Agripa I pagkatapos ng kaniyang bigong pagpapabilanggo kay Pedro, at dito niya tinanggap ang mga delegasyon mula sa Tiro at Sidon at di-nagtagal pagkatapos nito ay namatay siya (44 C.E.) bilang kapahayagan ng paghatol ng Diyos. (Gaw 12:18-23) Sa pagtatapos ng kaniyang ikalawa at ikatlong paglalakbay bilang misyonero, dumaan si Pablo sa Cesarea noong pabalik siya sa Palestina. (Gaw 18:21, 22; 21:7, 8) Noong ikalawang pagdalaw niya rito, si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay nakituloy kay Felipe na ebanghelisador, na posibleng namirmihan sa Cesarea nang matapos ang naunang paglalakbay nito ukol sa pangangaral. Sinamahan ng ilan sa lokal na mga alagad ang apostol mula sa daungang-dagat na iyon hanggang sa Jerusalem, bagaman nasa Cesarea pa lamang si Pablo ay binabalaan na siya ng propetang si Agabo tungkol sa panganib na nakaabang sa kaniya.​—Gaw 21:10-16.

Dahil sa tangkang pagpatay sa kaniya sa Jerusalem, ang inarestong si Pablo ay dinala sa Cesarea sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay at iniharap kay Gobernador Felix upang litisin. (Gaw 23:23, 24) Kung sa Jerusalem ay matindi ang pagtatangi sa relihiyon at magulo ang mga kalagayan, maayos naman ang mga kalagayan sa Cesarea. Ang malaking pagkakaibang ito ay itinuturing na dahil sa malakas na impluwensiya ng Roma sa Cesarea at dahil naririto rin ang pangunahing garison ng mga hukbong Romano. Inubliga ni Gobernador Festo, na humalili kay Felix, ang mga Judiong kalaban ni Pablo sa Jerusalem na bumaba sa Cesarea upang doon isampa ang kanilang mga paratang laban kay Pablo, samantalang si Pablo, sa halip na magpalitis sa Jerusalem, ay umapela kay Cesar. (Gaw 25:1-12) Habang siya’y nasa Cesarea at naghihintay na mailipat sa Roma, nakapagbigay si Pablo ng mapuwersang patotoo may kinalaman sa Kristiyanismo sa harap ni Festo at ng kaniyang maharlikang mga panauhin, si Haring Agripa II at ang kapatid nito na si Bernice. (Gaw 25:13, 22-27; 26:1-32) Mula sa Cesarea ay naglayag ang bilanggong si Pablo hanggang sa makarating sa Roma.​—Gaw 27:1, 2.

Noong panahon ng pamamahala ni Nero, sumiklab sa Cesarea ang malubhang alitan sa pagitan ng naninirahang mga Judio at mga Siryano, at ipinapalagay na ang mga pangyayari roon ang naging mitsa ng paghihimagsik na humantong sa pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E.

Noong 1961, natagpuan sa dulaan ng Cesarea ang isang bato na may inskripsiyong Latin at may pangalan ni Poncio Pilato, ang kauna-unahan sa gayong mga inskripsiyon na natagpuan.

[Larawan sa pahina 488]

Ang Cesarea, na pinatayuan ni Herodes na Dakila ng pangharang sa alon (na ngayon ay nakalubog na) upang makalikha ng artipisyal na daungan