Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Cilicia

Cilicia

Isang medyo maliit at makitid na rehiyon sa TS Asia Minor. Nasa T nito ang Dagat Mediteraneo, nasa K naman ang Pamfilia. Sa H nito ay ang Licaonia at Capadocia, na inihihiwalay ng kabundukan ng Taurus. Sa dakong S naman, nasa pagitan nito at ng Sirya ang Kabundukan ng Amanus (sa ngayon ay Nur), na isang timugang sanga ng Kabundukan ng Taurus. Halos ito ang nagsilbing mga hangganan ng sinaunang Cilicia.

Ang rehiyong ito ay nahahati sa dalawang likas na seksiyon: ang kanluraning seksiyon, na tinatawag na Cilicia Tracheia (Baku-bakong Cilicia) at ang silanganing seksiyon, na tinatawag na Cilicia Pedias (Kapatagang Cilicia). Ang Cilicia Tracheia ay isang ilang at matalampas na rehiyon sa Kabundukan ng Taurus, na mayaman sa kagubatan. Dahil sa paliku-likong baybayin nito, na may mababatong lungos, maraming dako at katubigan doon na madadaungan. Noon pa man, dito nagtatago ang mga magnanakaw at mga piratang sumasalakay sa mga barkong nasa baybayin. Saklaw naman ng Cilicia Pedias ang malawak na baybaying kapatagan, na natutubigang mainam at napakataba. Noong mga panahong Romano, matatagpuan sa kapatagang ito ang maraming lunsod na may awtonomiya, at pinakaprominente sa mga ito ang Tarso, kung saan isinilang si Saul (Pablo).​—Gaw 21:39; 22:3; 23:34.

Maliban sa trigo, lino, at mga prutas, produkto rin ng Cilicia ang balahibo ng kambing, na tinatawag na cilicium noong mga panahong Romano. Yamang malawakan itong ginagamit sa paggawa ng mga tolda noon, posibleng dahil dito kung kaya natuto si Pablo ng ganitong hanapbuhay sa murang edad.

Estratehiko ang lokasyon ng Cilicia kung tungkol sa militar at sa komersiyo. Ang pangunahing ruta ng kalakalan mula sa Sirya ay dumaraan sa Syrian Gates, isang mataas na daanan sa Kabundukan ng Amanus (sa ngayon ay Nur) na mga 30 km (20 mi) sa H ng Antioquia, pagkatapos ay tumatawid ito sa Cilicia patungong Tarso paahon sa Kabundukan ng Taurus hanggang sa Cilician Gates, ang makikitid na bangin, o guwang, na dinaraanan patungo sa gitna at kanluraning Asia Minor.

Sa ilalim ng sinaunang Imperyo ng Roma, ang probinsiya ng Cilicia ay hinati, anupat ang isang bahagi ng kanluraning seksiyon ay ibinigay sa lokal na mga dinastiya, samantalang ang natitirang bahagi ay maliwanag na ibinigay sa pangangasiwa ng karatig na mga kahariang sakop ng mga dinastiyang iyon. Noon na lamang panahon ni Vespasian (72 C.E.) muling nagsanib ang silanganin at kanluraning mga seksiyon ng Cilicia at naging iisang probinsiya. Kaya, nang magsimula ang panahon ng mga apostol, napakalapít ng ugnayan ng Cilicia at ng Sirya, at mahihiwatigan ito sa Gawa 15:23, 41 at Galacia 1:21. Ayon sa ilang mananaliksik, maaaring ang “Cilicia” sa mga tekstong ito ay tumutukoy sa Cilicia Pedias. Sa Gawa 27:5, sinasabi na si Pablo ay naglayag “sa laot ng dagat sa tapat ng Cilicia at Pamfilia” noong patungo siya sa Roma upang litisin. Lumilitaw na ang Ciliciang ito ay tumutukoy sa buong rehiyon ng silanganin at kanluraning Cilicia.

Bago mamatay si Esteban, kasama sa mga nakikipagtalo sa kaniya ang mga Judiong mula sa Cilicia. (Gaw 6:9) Pagsapit ng mga 49 C.E., mayroon nang mga kongregasyon sa Cilicia na sinulatan ng Kristiyanong sanggunian sa Jerusalem. (Gaw 15:23) Sa ruta ng ikalawa at ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, tiyak na madaraanan niya ang Cilicia at ang Cilician Gates.