Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Cinido

Cinido

Isang lunsod na nasa Peninsula ng Resadiye, na lumalawig mula sa TK sulok ng Asia Minor tungo sa Dagat Aegeano, sa pagitan ng mga pulo ng Rodas at Cos.

Malamang na dumaan ang apostol na si Pablo sa lunsod na ito nang pabalik siya mula sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero, noong mga 52 C.E. (Gaw 18:21, 22), at noon ding papatapos na ang kaniyang ikatlong paglalakbay, noong mga 56 C.E., nang dumating sa Rodas at Cos ang barkong sinasakyan niya (Gaw 21:1), bagaman hindi binanggit ang Cinido sa alinman sa mga pagkakataong ito. Gayunman, espesipiko itong binanggit sa Gawa 27 may kaugnayan sa pagbibiyahe ni Pablo noong mga 58 C.E. upang humarap kay Emperador Nero sa Roma. Pagkaalis sa Mira, dumating sa Cinido ang barkong sinasakyan ni Pablo at ng iba pang mga bilanggo. (Gaw 27:5-7) Kung tama ang direksiyon ng hangin, ang paglalakbay na ito na mga 240 km (150 mi) ay maaaring tumagal nang isang araw lamang, ngunit dahil sa pasalungat na hangin na binanggit sa ulat, “maraming araw” ang ginamit sa partikular na paglalakbay na ito. Ang “barko na nagmula sa Alejandria” na sinasakyan nila ay may lulang mga butil, marahil ay isa ito sa maraming barko na regular na nagdadala ng mga produktong agrikultural mula sa Ehipto patungong Roma at na maaaring dati ay naglalayag sa isang mas direktang ruta mula sa Alejandria at tumatawid sa Dagat Mediteraneo patungong Roma. (Gaw 27:38) Gayunman, maaaring ang malakas na hanging binanggit sa mga talata 4 at 7 ang naging dahilan kung kaya napilitan ang barko na magbago ng landas at dumaong sa Mira. Ang isang malaking sasakyan na mahirap ugitan at punô ng binutil ay babagal dahil sa hampas ng hangin at hindi kataka-takang sa wakas ay darating sa Cinido “nang may kahirapan.” Ang mga paghuhukay rito kamakailan lamang ay nagsiwalat ng maraming bagay tungkol sa lugar na ito. Inilalarawan ng The Interpreter’s Dictionary of the Bible, Suplementong Tomo, p. 169 ang lokalidad na ito: “Isang mababa at makitid na ismo . . . ang nagdurugtong sa pinakalupain ng peninsula ng Cinido at sa isang mataas na dako ng lupain kung saan nakakubli sa magkabilang panig ng ismo ang dalawang mainam na daungan. Malamang na ang mas malaking daungan sa T ay ang komersiyal na daungan kung saan ang mga barko na patungong kanluran o hilaga, gaya niyaong sinakyan ni Pablo (Gawa 27:7), ay maaaring magpahupa ng masamang panahon bago magpatuloy sa kanilang paglalakbay sa kabilang ibayo ng mahanging tangos. Sa mga pampang ay may mapagpupugalan ng barko; mga bahay-imbakan . . . , mga pamilihan; maliliit na dulaan; at isang templo ni Dionisus.”​—Inedit ni K. Crim, 1976.

Matapos banggitin ang tungkol sa pagdating sa Cinido, sinasabi ng rekord na “sapagkat hindi kami tinulutan ng hangin na magpatuloy, naglayag kami na nanganganlong sa Creta sa Salmone.” (Gaw 27:7) Waring hindi nila kayang “magpatuloy” sa kanilang binabalak na ruta ng pagtawid sa Dagat Aegeano, anupat lalampas sa timugang dulo ng Gresya at magpapatuloy sa Roma, yamang dahil sa pasalungat na hangin ay napilitan silang sundan ang patimog na ruta patungong Creta at maglayag sa proteksiyon ng mga baybayin nito laban sa hangin. Gaya ng ipinakikita ng Gawa 27:9, taglagas noon ng taóng iyon, at walang alinlangang nadama ng mga nagpapatakbo ng sasakyan ang pangangailangang magmadali sa paglalakbay hangga’t maaari bago maging mas mapanganib ang paglalayag dahil sa lagay ng panahon.