Ciprus
Isang pulo sa HS sulok ng Dagat Mediteraneo, mga 70 km (43 mi) mula sa baybayin ng Cilicia sa Asia Minor at mga 100 km (62 mi) mula sa baybayin ng Sirya. Ang Ciprus ang ikatlong pinakamalaking pulo sa Mediteraneo, kasunod ng Sicilia at Sardinia. Ang pangunahing kalupaan ng Ciprus ay may haba na mga 160 km (100 mi), ngunit isang makitid na sanga ng lupain ang nakausli nang 72 km (45 mi) pa sa HS sulok nito. Ang pulong ito ay 97 km (60 mi) sa pinakamalapad na bahagi nito. Ang Kabundukan ng Troodos sa TK ang may pinakamataas na taluktok—ang Bundok Olympus, na may taas na 1,951 m (6,401 piye). Isa pang kabundukan ang nasa kahabaan ng hilagaang baybayin, at nasa pagitan ng dalawang kabundukang ito ang gitnang kapatagan. Kapag taglamig ay nagkakaroon ng niyebe ang mga taluktok ng mga bundok, samantalang kapag tag-araw naman ay mainit at tuyo ang panahon sa mga kapatagan. Mula pa noong sinaunang mga panahon,
ang pulo ay bantog na dahil sa saganang tanso na minimina rito, at ang pangalan ng pulo ay naging singkahulugan ng metal na ito. (Ang salitang Ingles na “copper” ay hinalaw sa Griegong Kyʹpros.)Ang katibayan ng kasaysayan ay pangunahin nang tumuturo sa Ciprus bilang ang “Kitim” ng Hebreong Kasulatan. (Isa 23:1, 12; Dan 11:30) Ang pulo ay nakilala hindi lamang dahil sa tanso nito kundi dahil din sa maiinam na kahoy nito, partikular na ang tablang sipres, na lumilitaw na iniluwas sa Tiro sa baybayin ng Fenicia upang gamitin sa paggawa ng mga barko.—Eze 27:2, 6.
Dahil iniuugnay ito sa Kitim ng Bibliya, maaasahan na sa paanuman, ang orihinal na populasyon ng Ciprus ay kakikitaan ng kaugnayan sa Gresya. (Tingnan ang Gen 10:4; si Javan ang pinagmulan ng mga Ioniano o sinaunang mga Griego.) At, gaya ng ipinakikita sa artikulong KITIM, talagang nagkaroon ng ganitong kaugnayan.
Ang mga hari ng mga estadong-lunsod ng Ciprus ay nakipag-alyansa kay Alejandrong Dakila pagkatapos ng kaniyang tagumpay sa Pagbabaka sa Issus noong 333 B.C.E. Pagkamatay ni Alejandro, ang Ptolemaikong dinastiya ng Ehipto ang humawak ng kontrol dito, at ang Ciprus, sa kalakhang bahagi, ay nanatiling sakop ng Ehipto hanggang noong 58 B.C.E., nang kunin naman ito ng Roma. Bagaman hindi sila espesipikong itinala, malamang na may mga Judio mula sa Ciprus na naroon sa Jerusalem para sa kapistahan ng Pentecostes noong 33 C.E. Ang Levitang si Jose, na mas kilala bilang si Bernabe, ay ipinanganak sa Ciprus.—Gaw 4:36.
Kristiyanismo. Bilang resulta ng pag-uusig sa mga Kristiyano kasunod ng pagpatay kay Esteban bilang martir, ang mga alagad ay nangalat, at ang ilan sa kanila ay pumaroon sa Ciprus, kung saan nagpatotoo sila sa mga Judiong tumatahan doon. May ilang Kristiyanong taga-Ciprus na pumaroon sa lunsod ng Antioquia, na katapat ng Ciprus sa baybayin ng Sirya, at matagumpay na nangaral sa mga taong tulad nila na nagsasalita ng Griego. (Gaw 11:19, 20) Nang sina Pablo at Bernabe, kasama si Juan Marcos, ay isugo mula sa Antioquia sa kanilang unang paglalakbay bilang mga misyonero (mga 47-48 C.E.), ang unang teritoryo nila ay sa pulong tahanan ni Bernabe, ang Ciprus. Pagdating nila sa Salamis, isang mahalagang lunsod ng komersiyo sa S baybayin ng Ciprus, nakasumpong sila roon ng higit sa isang sinagoga, anupat nagpapahiwatig na malaki-laki ang populasyong Judio nito. Nang maipahayag na nila roon ang salita ng Diyos, naglakbay sila sa buong pulo hanggang sa Pafos sa K baybayin, na noon ay ang Romanong kabiserang pamprobinsiya. Dito nila nakilala ang interesadong proconsul, si Sergio Paulo, at nakaharap ang sumasalansang na manggagaway, si Elimas (Bar-Jesus).—Gaw 13:1-12.
Tumpak ang pagtukoy ng istoryador na si Lucas na may isang proconsul sa Ciprus. Ang Ciprus ay inilipat sa kontrol ng Senadong Romano noong 22 B.C.E., kung kaya magmula noon, ang inatasang gobernador ng pulo ay nagkaroon ng titulo na, hindi emisaryo, kundi proconsul, isang diputadong gobernador na gumaganap bilang kinatawan ng Senado.
Mula sa daungan ng Pafos, si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan ay naglayag patungong Pamfilia sa baybayin ng Asia Minor. (Gaw 13:13) Pagkaraan ng mga dalawang taon, bumalik si Bernabe sa kaniyang sariling lupain kasama si Juan Marcos upang patuloy pang gumawa ng alagad, samantalang sinimulan naman ni Pablo ang kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero sa Asia Minor (mga 49 C.E.). (Gaw 15:36-41) Sa pagtatapos ng ikatlong paglalakbay ni Pablo (mga 56 C.E.), noong naglalayag siya mula sa Patara sa TK baybayin ng Asia Minor patungong Fenicia, natanaw ng apostol ang Ciprus ngunit kaniyang ‘iniwan ito sa gawing kaliwa,’ anupat maliwanag na dumaan sa TK dulo ng pulo habang ang barko ay patungo sa Tiro. (Gaw 21:1-3) Di-nagtagal pagkatapos nito, pagdating niya sa Jerusalem, si Pablo ay pinatuloy sa tahanan ni Minason, na isa ring katutubo ng Ciprus tulad ni Bernabe. (Gaw 21:15, 16) Nang magbiyahe si Pablo patungong Roma, ang barkong sinakyan niya ay naglayag “na nanganganlong sa Ciprus, sapagkat ang hangin ay pasalungat.” Yamang ang mas malalakas na hangin sa panahong iyon ng taon ay nagmumula sa K at HK, na hindi mabuti para sa pagtawid sa laot ng dagat, maliwanag na kinailangan ng barko na lumigid sa S dulo ng Ciprus at pagkatapos ay maglayag sa kahabaan ng baybayin ng Asia Minor, kung saan ang mga hangin mula sa katihan ay makakatulong dito sa pakanlurang paglalayag nito.—Gaw 27:4, 5, 9, 12.
[Mapa sa pahina 492]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
CILICIA
CIPRUS
Pafos
Salamis
Malaking Dagat
SIRYA
Antioquia