Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Corinto, Mga Liham sa Mga Taga-

Corinto, Mga Liham sa Mga Taga-

Dalawang kinasihang kanonikal na liham na isinulat ng apostol na si Pablo sa mga Kristiyano sa Gresya noong unang siglo C.E. Ang mga liham na ito ay ikapito at ikawalong aklat sa karamihan ng Tagalog na mga bersiyon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ipinakilala ni Pablo ang kaniyang sarili bilang ang manunulat ng dalawang liham, anupat ipinatungkol ang Unang Corinto sa “kongregasyon ng Diyos na nasa Corinto,” at ang Ikalawang Corinto naman sa “kongregasyon ng Diyos na nasa Corinto, kasama ang lahat ng mga banal na nasa buong Acaya.”​—1Co 1:1, 2; 2Co 1:1.

Ang pagiging manunulat ni Pablo ng Una at Ikalawang Corinto ay hindi makukuwestiyon. Bukod sa sariling patotoo ng apostol, ang autentisidad ng dalawang liham at ang pagtanggap sa mga ito ng karamihan ay pinagtitibay ng panlabas na patotoo. Ang dalawang liham ay kinikilalang isinulat ni Pablo at sinipi ng mga manunulat noong una hanggang ikatlong siglo. Gayundin, itinala ng tinatawag na “The Canon of Athanasius” (367 C.E.) ang “dalawa para sa mga taga-Corinto” bilang kasama sa “labing-apat na liham ni Pablo na apostol.” Ang talaang ito ang unang halimbawa ng katalogo ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan gaya ng taglay natin sa ngayon, anupat nauna nang 30 taon sa talaang inilathala ng Konsilyo, o Sinodo, ng Cartago, Aprika, noong 397 C.E.

Ministeryo ni Pablo sa Corinto. Dumating si Pablo sa Corinto noong mga 50 C.E. Sa pasimula, nagbibigay siya ng pahayag sa sinagoga sa bawat Sabbath “at nanghihikayat sa mga Judio at mga Griego.” (Gaw 18:1-4) Gayunman, matapos siyang mapaharap sa pagsalansang at mapang-abusong pananalita sa gitna niyaong mga nasa sinagoga, ibinaling ng apostol ang kaniyang pansin sa “mga tao ng mga bansa,” ang mga Gentil sa Corinto. Ang mga pakikipagtipon ni Pablo sa kanila ay inilipat sa isang bahay na katabi ng sinagoga, at marami ang “nagsimulang maniwala at mabautismuhan.” Yamang sinabihan ng Panginoon sa isang pangitain na, “Marami akong mga tao sa lunsod na ito,” ang apostol ay nanatili roon nang isang taon at anim na buwan habang “itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.” (Gaw 18:5-11) Palibhasa’y malaki ang naitulong ni Pablo sa pagtatatag ng isang kongregasyong Kristiyano sa Corinto, maaari niyang sabihin sa kanila: “Mayroon man kayong sampung libong tagapagturo kay Kristo, tiyak na wala kayong maraming ama; sapagkat kay Kristo Jesus ay ako ang naging inyong ama sa pamamagitan ng mabuting balita.”​—1Co 4:15.

Talamak noon ang imoralidad sa Corinto, at nang maglaon ay nakaapekto ito maging sa kongregasyong Kristiyano sa lunsod na iyon. Kinailangan ni Pablo na sawayin ang kongregasyon sa isang liham sa dahilang may bumangon sa gitna nila na isang kaso ng “gayong pakikiapid [na] wala kahit sa gitna man ng mga bansa,” sapagkat isang lalaki ang kumuha sa asawa ng kaniyang ama. (1Co 5:1-5) Sa pamamagitan ng isang ilustrasyon na mauunawaan nila, pinatibay-loob din niya sila na manatiling tapat. Alam niya na pamilyar sila sa atletikong mga paligsahan sa Palarong Isthmian na idinaraos malapit sa Corinto. Kaya sumulat siya: “Hindi ba ninyo alam na ang mga mananakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makakamit ninyo ito. Bukod diyan, ang bawat tao na nakikibahagi sa isang paligsahan ay nagpipigil ng sarili sa lahat ng bagay. Ngayon sila, sabihin pa, ay gumagawa nito upang tumanggap sila ng isang koronang nasisira, ngunit tayo naman ay ng isa na walang kasiraan.”​—1Co 9:24, 25.

Unang Corinto. Noong ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, nagpalipas siya ng ilang panahon sa Efeso. (Gaw 19:1) Malamang na noong huling taon ng pamamalagi niya roon, nakatanggap ang apostol ng nakababahalang balita tungkol sa mga kalagayan sa kongregasyon ng Corinto. Ibinalita kay Pablo niyaong “mga nasa sambahayan ni Cloe” na may umiiral na mga di-pagkakasundo sa gitna ng mga taga-Corinto. (1Co 1:11) Dumating din sina Estefanas, Fortunato, at Acaico mula sa Corinto at maaaring nakapagbigay sila ng ilang impormasyon tungkol sa situwasyon doon. (1Co 16:17, 18) Bukod diyan, tumanggap si Pablo ng isang liham na nagtatanong mula sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto. (1Co 7:1) Kaya naman udyok ng matinding pagkabahala sa espirituwal na kapakanan ng mga kapananampalataya niya roon, isinulat ni Pablo ang unang liham na ito sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto, noong mga 55 C.E. Matitiyak natin na sa Efeso ito isinulat dahil sa mga salita ni Pablo na nakaulat sa 1 Corinto 16:8: “Ngunit mananatili ako sa Efeso hanggang sa kapistahan ng Pentecostes.”

Sa introduksiyon sa Unang Corinto, binanggit ni Pablo ang kasamahan niyang si Sostenes na maaaring siyang sumulat ng liham ayon sa idinikta ni Pablo. Malamang na ganito nga ang nangyari, yamang sa pagtatapos nito ay mababasa natin: “Narito ang aking pagbati, ni Pablo, sa aking sariling kamay.”​—1Co 1:1; 16:21.

Ikalawang Corinto. Malamang na isinulat ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto noong huling bahagi ng tag-araw o maagang bahagi ng taglagas ng 55 C.E. Ang unang liham ay isinulat ng apostol sa Efeso, kung saan malamang na namalagi siya gaya ng isinaplano, hanggang noong Pentecostes ng taóng iyon, o mas matagal pa. (1Co 16:8) Pagkatapos ay lumisan si Pablo patungong Troas, na doo’y ikinalungkot niya na hindi niya nakita si Tito, na bago nito’y isinugo sa Corinto upang tumulong sa paglikom ng salapi para sa mga banal sa Judea. Kaya pumaroon si Pablo sa Macedonia, kung saan siya sinundan ni Tito taglay ang ulat tungkol sa pagtugon ng mga taga-Corinto sa kaniyang unang liham. (2Co 2:12, 13; 7:5-7) Nang magkagayon ay isinulat ni Pablo ang ikalawang liham sa kanila mula sa Macedonia, at maliwanag na ipinadala iyon sa pamamagitan ni Tito. Pagkaraan ng ilang buwan, natupad ang kaniyang mga pagsisikap na dumalaw sa Corinto. Samakatuwid, dalawang beses na nakadalaw si Pablo sa mga taga-Corinto. Pagkatapos ng kaniyang unang pagdalaw, kung kailan itinatag niya ang kongregasyon, nagplano siya ng ikalawang pagdalaw, na hindi natuloy. Ngunit “ang ikatlong pagkakataon” na kaniyang isinaplano o ‘ipinaghanda’ ay nagtagumpay, sapagkat nakita niya silang muli noong mga 56 C.E. (2Co 1:15; 12:14; 13:1) Sa ikalawang pagdalaw na ito sa Corinto, isinulat niya ang kaniyang liham sa mga taga-Roma.

Mga dahilan ng pagsulat. Isang positibong ulat ang inihatid ni Tito kay Pablo. Pinukaw ng unang liham ang mga taga-Corinto tungo sa kalungkutan sa makadiyos na paraan, pagsisisi, kasigasigan, pagnanais na pawalang-sala ang kanilang sarili, pagkagalit, takot, at pagtatama ng mali. Bilang tugon, sa ikalawang liham ni Pablo ay pinapurihan niya sila sa kanilang positibong pagtanggap at pagkakapit ng payo, anupat hinimok sila na ‘may-kabaitang patawarin at aliwin’ ang nagsisising lalaki na maliwanag na itiniwalag nila noon mula sa kongregasyon. (2Co 7:8-12; 2:1-11; ihambing ang 1Co 5:1-5.) Nais din ni Pablo na pasiglahin sila na ipagpatuloy pa ang gawaing pagtulong sa kanilang nagdarahop na mga kapananampalataya sa Judea. (2Co 8:1-15) Isa pa, may mga indibiduwal sa kongregasyon na patuloy na kumukuwestiyon sa posisyon at awtoridad ni Pablo bilang isang apostol, anupat kinailangan niyang ipagtanggol ang kaniyang apostolikong posisyon; ang totoo, hindi ito para sa kaniyang sarili, kundi “ito ay para sa Diyos,” samakatuwid nga, upang iligtas ang kongregasyon na pag-aari ng Diyos, kung kaya si Pablo ay nagsalita nang napakatahasan sa kaniyang liham at ‘naghambog’ tungkol sa mga kredensiyal niya bilang apostol.​—2Co 5:12, 13; 10:7-12; 11:16-20, 30-33; 12:11-13.

Kaliwanagan Tungkol sa mga Kasulatan na Isinulat Noong Una. Pinatibay ni Pablo ang kaniyang mga argumento sa pamamagitan ng paggamit ng Hebreong Kasulatan sa kaniyang kinasihang mga liham sa mga taga-Corinto. Sa paglalantad sa kamangmangan ng makasanlibutang karunungan na gaya ng ipinakikita ng mga bulaang apostol, pinatunayan niya na mahalagang matamo ang nakahihigit na karunungan ng Diyos. Itinawag-pansin niya ito sa pamamagitan ng pagbanggit sa sinabi ng salmista sa isang salinlahi maraming siglo na ang nakararaan, na “ang mga kaisipan ng mga tao . . . ay gaya ng singaw” (Aw 94:11; 1Co 3:20), at sa pamamagitan ng paghaharap sa tanong ni Isaias sa mapaghimagsik na mga Judio: “Sino ang sumukat sa espiritu ni Jehova, at . . . sino ang makapagpapabatid sa kaniya ng anuman?” (Isa 40:13; 1Co 2:16) Pinatunayan ni Pablo na ang ministrong Kristiyano ay may karapatang tumanggap ng materyal na tulong sa pamamagitan ng pagpapakita na ang Deuteronomio 25:4, “Huwag mong bubusalan ang toro habang ito ay gumigiik,” ay, sa katunayan, pangunahing isinulat para sa kapakanan ng mga ministro. (1Co 9:9, 10) Ipinakita niya na noon pa mang sinaunang panahon ay nangako na ang Diyos ng isang pagkabuhay-muli, sa pamamagitan ng pagtatawag-pansin sa mga pananalita sa Isaias 25:8 at Oseas 13:14, tungkol sa paglamon, o paglulon, sa kamatayan. (1Co 15:54, 55) Karagdagan pa, nagbigay siya ng maraming kaliwanagan tungkol sa Hapunan ng Panginoon sa pamamagitan ng kaniyang detalyadong pagtalakay sa mga salitang binigkas ni Jesus noong pagkakataong itatag Niya ang pagdiriwang na ito.​—Luc 22:19, 20; 1Co 11:23-34.

Ipinaliwanag ni Pablo kung ano ang matagal nang saloobin ng Diyos tungkol sa espirituwal na kalinisan sa pamamagitan ng pagsipi o pagtukoy sa Deuteronomio 17:7; Levitico 26:11, 12; Isaias 43:6; 52:11; at Oseas 1:10. (1Co 5:13; 2Co 6:14-18) Ipinakita niya na ang pagbibigay ng materyal na tulong ay hindi kinaligtaan ng mga lingkod ng Diyos noong sinaunang panahon at na kinalulugdan ni Jehova ang bukas-palad na Kristiyano. (Aw 112:9; 2Co 9:9) At sinabi niya na ang simulain sa Kautusan na itatag ang bawat bagay sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay kapit sa kongregasyong Kristiyano. (Deu 19:15; 2Co 13:1) Ang mga nabanggit at ang iba pang mga pagtukoy sa mga kasulatang isinulat noong una ay nagpapaliwanag sa mga tekstong ito at nagbibigay-linaw kung paano kumakapit sa atin ang mga ito.

[Kahon sa pahina 504]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG UNANG CORINTO

Isang liham na ipinadala ni Pablo sa kongregasyon sa Corinto bilang tugon sa tinanggap niyang nakagigitlang mga ulat tungkol sa mga di-pagkakasundo at imoralidad at, gayundin, upang sagutin ang isang tanong tungkol sa pag-aasawa

Isinulat mula sa Efeso, mga 55 C.E.

Payo na magkaisa (1:1–4:21)

Nagbubunga ng mga pagkakabaha-bahagi ang pagsunod sa mga tao

Ang pangmalas ng Diyos hinggil sa kung ano ang karunungan at kung ano ang kamangmangan ang siyang mahalaga

Ipaghambog hindi ang mga tao kundi si Jehova, na naglalaan ng lahat ng bagay sa pamamagitan ni Kristo

Maging may-gulang at espirituwal na mga tao, na kinikilala na ang Diyos ang nagpapangyari ng espirituwal na paglago at na si Kristo ang pundasyon na pinagtatayuan ng Kristiyanong mga personalidad

Huwag magmalaki ang sinuman, na iniisip na nakahihigit siya sa mga kapuwa Kristiyano

Pag-iingat sa moral na kalinisan ng kongregasyon (5:1–6:20)

Itiwalag ang sinumang mapakiapid, taong sakim, mananamba sa idolo, manlalait, lasenggo, o mangingikil

Mas mabuting magpadaya kaysa dalhin ang isang kapuwa Kristiyano sa hukuman sa harap ng mga di-sumasampalataya

Ang moral na karumihan ay nagpaparungis sa templo ng Diyos, humahadlang sa isa sa pagpasok sa Kaharian

Payo tungkol sa pag-aasawa at pagkawalang-asawa (7:1-40)

Ibigay sa asawa ang kaniyang seksuwal na kaukulan, ngunit nang may konsiderasyon

Para sa mga taong nagniningas sa pagnanasa, mas mabuti ang mag-asawa kaysa manatiling walang asawa

Huwag hiwalayan ng may-asawang Kristiyano ang di-sumasampalatayang kabiyak; baka sa dakong huli ay matulungan niya itong magtamo ng kaligtasan

Hindi kailangan ng isa na magbago ng katayuan kapag siya’y naging Kristiyano

Ang pag-aasawa ay nagdudulot ng higit na kabalisahan; ang pagkawalang-asawa ay maaaring maging bentaha sa isa na nais maglingkod sa Panginoon nang walang abala

Pagsasaalang-alang sa espirituwal na kapakanan ng iba (8:1–10:33)

Huwag tisurin ang iba sa pamamagitan ng pagkain niyaong mga inihandog sa mga idolo

Upang maiwasang mahadlangan ang sinuman mula sa pagtanggap ng mabuting balita, hindi ginamit ni Pablo ang kaniyang karapatang tumanggap ng materyal na tulong

Isapuso ang mga babalang halimbawa mula sa karanasan ng Israel sa ilang​—upang makinabang ang isa at upang hindi siya maging sanhi ng ikatitisod ng iba

Bagaman matuwid, hindi lahat ng bagay ay nakapagpapatibay

Kaayusan sa kongregasyon (11:1–14:40)

Igalang ang Kristiyanong pagkaulo; ang paggamit ng mga babae ng talukbong sa ulo

Magpakita ng paggalang sa Hapunan ng Panginoon

Gamitin ang mga kaloob ng espiritu taglay ang pagpapahalaga sa pinagmulan at layunin ng mga ito

Pag-ibig ang nakahihigit na daan

Panatilihin ang pagiging maayos sa mga pagtitipon ng kongregasyon

Ang katiyakan ng pag-asa sa pagkabuhay-muli (15:1–16:24)

Ang pagkabuhay-muli ni Kristo ay isang garantiya

Ang mga pinahirang Kristiyano ay dapat mamatay upang maibangon tungo sa imortalidad at kawalang-kasiraan

Ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan; tumayong matatag sa pananampalataya

[Kahon sa pahina 505]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG IKALAWANG CORINTO

Isang kasunod na liham may kinalaman sa pagkilos na isinagawa upang maingatang malinis ang kongregasyon; naglayon din itong antigin ang pagnanais na makatulong sa mga kapatid sa Judea at kontrahin ang impluwensiya ng mga bulaang apostol

Isinulat ni Pablo noong 55 C.E., ilang buwan bago siya dumating sa Corinto noong kaniyang ikalawa at huling pagdalaw

Ang maibiging pagkabahala ni Pablo at ang posisyon ni Pablo at ni Timoteo may kaugnayan sa kanilang mga kapatid (1:1–7:16)

Napasabingit ng kamatayan sina Pablo at Timoteo dahil sa kapighatiang dinanas nila bilang mga Kristiyano, ngunit ang pagliligtas ng Diyos sa kanila ay maaaring makaaliw sa iba

Gumawi sila nang may kabanalan at makadiyos na kataimtiman; hindi naging mga panginoon sa pananampalataya ng iba kundi mga kamanggagawa ukol sa kanilang kagalakan

Ang unang liham ay isinulat udyok ng pag-ibig at lakip ang maraming luha; ang lalaki na dating imoral ay dapat nang patawarin at aliwin

Si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan ay ginawang kuwalipikado ng Diyos bilang mga ministro ng bagong tipan; ang mga taga-Corinto ang kanilang liham ng rekomendasyon, na nakasulat sa mga puso ng mga ministrong ito

Sa pagsasagawa ng ministeryong ito, hindi nila binabantuan ang salita ng Diyos kundi ipinangangaral nila si Kristo bilang Panginoon; ang gayong mabuting balita ay natatalukbungan sa gitna lamang niyaong mga binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay

Bagaman nasa makalupang mga tolda, sina Pablo at Timoteo gayundin ang mga taga-Corinto ay mga kabahagi sa pag-asa sa walang-hanggang makalangit na mga tahanan; ngunit bawat isa ay dapat na mahayag sa harap ng luklukan ng paghatol ni Kristo

Sinumang kaisa ni Kristo ay isang bagong nilalang; lahat ng gayon ay nakikibahagi sa isang ministeryo ng pakikipagkasundo; bilang mga embahador, lahat ay nanghihimok, “Makipagkasundo kayo sa Diyos”

Si Pablo at ang mga kasamahan niya ay inirerekomenda bilang mga ministro ng Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na kanilang binatá sa kanilang ministeryo, sa pamamagitan ng pagbibigay ng katibayan na taglay nila ang espiritu ng Diyos sa kanilang buhay

Taglay ang pinalawak na puso, namanhik sila sa kanilang mga kapatid na magpalawak ng pagmamahal, umiwas sa pakikipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya, maglinis ng kanilang sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu

Lubhang naaliw si Pablo sa ulat tungkol sa kanilang mainam na tugon sa payo sa unang liham

Pagpapasigla na tulungan ang mga kapatid na dumaranas ng kapighatian sa Judea (8:1–9:15)

Bagaman napakadukha, ang mga taga-Macedonia ay nagsumamo na makabahagi

Nagpakadukha si Kristo upang ang mga taga-Corinto (at ang iba pa) ay yumaman

Pinapurihan ang mga taga-Corinto dahil sa pagiging handang mamahagi

Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso; iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay

Mga argumento upang hadlangan ang impluwensiya ng mga bulaang apostol (10:1–13:14)

Mga sagot sa mga sumasalansang na nagsasabi na si Pablo ay “mahina,” ‘nasa kanilang teritoryo,’ “nakabababa,” “di-bihasa sa pananalita,” “di-makatuwiran,” at na ipinakita niyang hindi siya apostol na katulad nila nang magpakababa siya upang gumawa ng sekular na gawain

Si Pablo ay kapantay nila kung talaangkanan ang pag-uusapan; nakahihigit siya kung tungkol sa rekord ng pag-uusig at kahirapang binatá para kay Kristo, sa maibiging pagkabahala sa mga kongregasyon, sa mga pangitain, sa mga tanda ng pagka-apostol

Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya