Cos
Ang kabiserang lunsod na nasa HS dulo ng isang pulo na may gayunding pangalan. Malapit ito sa TK baybayin ng Asia Minor. Dahil sa bentaha ng posisyon nito, ang Cos ay maagang nagkaroon ng malaking kahalagahan sa komersiyo at paglalayag.
Bagaman lumilitaw na naglayag ang apostol na si Pablo sa gilid ng lunsod na ito nang maglakbay siya mula sa Efeso patungong Cesarea sa pagtatapos ng kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero noong mga 52 C.E. (Gaw 18:21, 22), noong papatapos na ang ikatlong paglalakbay niya, pagkaraan ng mga apat na taon, saka lamang binanggit sa Mga Gawa ang pangalan ng lunsod na ito. Pagkatapos na “makahiwalay” si Pablo mula sa mga tagapangasiwang taga-Efeso na kinausap niya sa Mileto (Gaw 20:17, 36-38), ang barkong sinakyan niya at ni Lucas ay “naglakbay nang tuluy-tuloy,” samakatuwid nga, naglayag ito nang paayon sa hangin, hindi paliku-liko, at sa ilalim ng banayad na hangin, hanggang sa ito ay “dumating sa Cos,” isang paglalakbay na mga 75 km (47 mi) sa dako pa roon ng baybayin. Tinataya ng ilang komentarista na, sa karaniwang mas malalakas na HK hangin ng Aegeano, ang gayong distansiya ay malalakbay nang mga anim na oras, anupat ipahihintulot nito, gaya ng sinabi ni Lucas, na ang barkong sinakyan ni Pablo ay makarating sa Cos sa araw ring iyon ng pag-alis nito mula sa Mileto. Malamang na ang barkong ito ay nagpalipas ng gabi na nakaangkla malapit sa S baybayin ng Cos at dumating sa Rodas “nang sumunod na araw,” pagkatapos nitong lumisan sa umaga para sa paglalakbay na mga 120 km (75 mi).—Gaw 21:1.
Sinasabing ang pulo ng Cos ay matagal nang isang sentro ng mga Judio sa Aegeano. Ito noon ay isang malayang estado ng Roma sa probinsiya ng Asia at, ayon kay Tacitus, pinagkalooban ito ni Claudio ng laya mula sa pagbabayad ng buwis noong 53 C.E.