Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Cusita

Cusita

[Ng (Mula sa) Cus (Etiopia)].

Ang terminong “Cusita” ay maaaring tumutukoy sa mga tumatahan sa lupain ng Cus sa Aprika o sa ilang pagkakataon ay maaaring kumakapit ito sa mga taong naninirahan sa Peninsula ng Arabia. Maliwanag na ang huling nabanggit na pagkakakilanlan ay kumakapit sa asawa ni Moises na si Zipora. (Exo 18:1-5; Bil 12:1) Si Zipora ay isang Kenita na hindi matiyak ang pinagmulang angkan. (Gen 15:18, 19; Huk 4:11) Ang pananalita sa 2 Cronica 21:16 na “nasa panig ng mga Etiope [mga Cusita]” na kumakapit sa ilang Arabe ay maaari ring mangahulugang “nasa ilalim ng kontrol ng mga Etiope,” at maaaring magpahiwatig ito ng isang saligan upang ikapit ang pangalang “Cusita” sa mga taong hindi nagmula kay Cus. Ang ilan sa mga anak ni Cus ay pinaniniwalaang namayan sa Peninsula ng Arabia.​—Tingnan ang HAVILA Blg. 3; SABTA.

Gayunman, ang “Cusita” ay pangunahin nang tumutukoy sa mga Aprikanong naninirahan sa rehiyon na tinatawag na Etiopia noong sinaunang panahon. Bukod pa kay “Zera na Etiope [Cusita]” at kay “Tirhaka na hari ng Etiopia” (2Cr 14:9; 2Ha 19:9), ang iba pang mga Cusita na binanggit sa Bibliya ay si Ebed-melec (Jer 38:7-12; 39:16-18), ang bating na Etiope na nakumberte sa Kristiyanismo, at ang reyna na pinaglingkuran nito, si Candace. (Gaw 8:26, 27) Pinili ni Heneral Joab ang isang mananakbong Cusita na di-binanggit ang pangalan (tinawag na Cusi sa KJ) sa halip na isang Israelita upang maghatid kay David ng balita tungkol sa pagkatalo at pagkamatay ng anak nitong si Absalom.​—2Sa 18:19-32; tingnan ang CUS Blg. 2.