Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dagang-lupa

Dagang-lupa

[sa Heb., choʹledh; sa Ingles, mole rat].

Isang rodent na may haba na 15 hanggang 30 sentimetro (6 hanggang 12 pulgada). Ang dagang-lupa (Spalax ehrenbergi) ay may maiikling binti, walang buntot, at walang leeg, anupat ito’y parang biluhabang kumpol ng malambot at makapal na balahibo, karaniwan ay kulay abuhing kayumanggi na manilaw-nilaw. Ang ulo nito ay madaling makilala dahil sa ngusong walang balahibo at dalawang pares ng malalaki at nakausling mga ngipin. Sa ilalim ng Kautusan, ang dagang-lupa ay marumi anupat hindi dapat kainin.​—Lev 11:29.

Bagaman isinalin ng maraming salin ang choʹledh bilang “weasel” (AS, KJ, RS), may saligan upang paboran ang “mole rat” o “dagang-lupa.” Sa Arabe, isang wikang kaugnay ng Hebreo, ay may kahawig na kahawig na salita, khuld, na nangangahulugang “dagang-lupa.” Gayundin, ang choʹledh ay maaaring kaugnay ng isang terminong Hebreo pagkalipas ng panahon ng Bibliya na nangangahulugang “hukayin” o “palalimin.” Tutugma ito sa ugali ng dagang-lupa na maghukay.

Ang mga dagang-lupa ay nakatira sa ilalim ng lupa at humuhukay roon ng kanilang mga tulugan at malalaking imbakan. Mga halaman ang kinakain ng mga hayop na ito, pangunahin na ang mga ugat at mga bulbo. Sa gayon ay naiiba ang mga ito sa tunay na mga dagang-lupa o mole, na kumakain ng mga insekto at bulati at hindi itinuturing na katutubo sa Palestina.