Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dagat na Pula

Dagat na Pula

Ang katubigan sa pagitan ng hilagang-silangang Aprika at ng Peninsula ng Arabia. Kasama rito ang dalawang sangang-dagat na kilala bilang Gulpo ng Suez at Gulpo ng ʽAqaba. Ang Dagat na Pula, ayon sa paggamit ngayon sa terminong ito, ay may haba na mga 2,250 km (1,400 mi), may sukat na mga 354 na km (220 mi) sa pinakamalapad na bahagi nito at may katamtamang lalim na humigit-kumulang 610 m (2,000 piye). Bahagi ito ng malaking geologic fault (bitak sa lupa) na tinatawag na Rift Valley. Palibhasa’y mabilis ang ebaporasyon dito, napakaalat ng tubig ng dagat na ito. Dahil sa malalakas na hangin, mabilis na pagbabago ng direksiyon ng hangin, at malalaking bahura, mapanganib para sa mga bangka na maglayag sa Dagat na Pula. Sa kahabaan ng silanganing baybayin ay may matataas na kabundukan, samantalang mababatong talampas at mabababang burol naman ang nasa kanluraning baybayin.

May makatuwirang dahilan upang unawain na ang mga pananalita sa orihinal na wika na isinalin bilang “Dagat na Pula” ay tumutukoy sa Dagat na Pula sa pangkalahatan o sa alinman sa dalawang sanga nito sa hilaga. (Exo 10:19; 13:18; Bil 33:10, 11; Huk 11:16; Gaw 7:36) Tubig ng Dagat na Pula ang makahimalang hinati ni Jehova upang makaraan ang mga Israelita sa tuyong lupa, ngunit nilunod niya ang tumutugis na si Paraon at ang mga hukbong militar nito. (Exo 14:21–15:22; Deu 11:4; Jos 2:10; 4:23; 24:6; Ne 9:9; Aw 106:7, 9, 22; 136:13, 15) Ang mga talata ng Bibliya na naglalahad ng insidenteng ito ay gumagamit ng pananalitang Hebreo na yam (dagat) o yam-suphʹ (dagat ng mga tambo o mga hungko). Salig sa literal na kahulugan ng yam-suphʹ, ipinangangatuwiran ng ilang iskolar na ang tinawid lamang ng mga Israelita ay isang latian, gaya ng rehiyon ng Bitter Lakes, at hindi ang Dagat na Pula (pangunahin na ang kanlurang sanga nito, ang Gulpo ng Suez, na pinaniniwalaan ng iba na malamang na pinangyarihan ng pagtawid). Gayunman, dapat pansinin na natabunan ng tubig ang mga hukbong militar ni Paraon. (Exo 14:28, 29) Imposibleng mangyari ito sa isang latian lamang. Gayundin, batay sa Gawa 7:36 at Hebreo 11:29, hindi iyon isang latian lamang, sapagkat nang banggitin ng mga tekstong ito ang insidente ring iyon ginamit ng mga ito ang pananalitang Griego na e·ry·thraʹ thaʹlas·sa, na nangangahulugang “Dagat na Pula.” (Tingnan ang PAG-ALIS.) Ginamit ng istoryador na si Herodotus (ikalimang siglo B.C.E.) ang gayunding pananalitang Griego upang tukuyin, hindi ang isang latian o isang maliit na katubigan, kundi ang “Karagatang Indian, kung saan [naroroon] ang Dagat na Pula.”​—A Greek-English Lexicon, nina H. G. Liddell at R. Scott, nirebisa ni H. Jones, Oxford, 1968, p. 693; tingnan ang PIHAHIROT.

Sa isang kapahayagan ng kapahamakan para sa Edom, ang hiyawan dahil sa pagkapahamak ng Edom ay inilarawang naririnig sa Dagat na Pula. (Jer 49:21) Makatuwiran namang sabihin ito, yamang ang timugang hangganan ng teritoryong Edomita ay ang Dagat na Pula (1Ha 9:26), samakatuwid nga, ang hilagang-silangang sanga ng dagat, ang Gulpo ng ʽAqaba. Hanggang sa lugar na ito rin ang hangganan ng Israel.​—Exo 23:31.