Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dagon

Dagon

Isang diyos ng mga Filisteo. Ang pagkakaroon ng mga lunsod na tinatawag na “Bet-dagon” (malamang na isinunod sa pangalan ng diyos na si Dagon) sa mga teritoryo ng Juda at Aser ay nagpapahiwatig na matibay nang nakatatag sa Canaan ang pagsamba sa bathalang ito noong panahong sakupin ng Israel ang Lupang Pangako. (Jos 15:41; 19:27) Pinaniniwalaang sa mga Canaanita nakuha ng mga Filisteo ang pagsamba kay Dagon.

Iba-iba ang opinyon hinggil sa pinagmulan ng pangalang Dagon. Iniuugnay ito ng ilang iskolar sa salitang Hebreo na dagh (isda), samantalang mas pabor naman ang iba na iugnay ito sa salitang Hebreo na da·ghanʹ (butil). Tungkol sa nakasubasob na si Dagon, binanggit sa 1 Samuel 5:4 na, “Ang bahaging isda lamang [sa literal, “Si Dagon lamang”] ang naiwan sa kaniya,” anupat naputol ang kaniyang ulo at ang mga palad ng kaniyang mga kamay. Ang salitang Hebreo na literal na nangangahulugang “Dagon” sa tekstong ito ay isinasalin ng ilang tagapagsalin sa iba’t ibang paraan bilang “katawan” (AS-Tg, BSP, MB, NPV), “katawan ni Dagon” (NE), at “si Dagon mismo” (Ro), samantalang isinasalin naman ito ng iba bilang “parteng isda” (Le), “kaputol na bahaging isda” (Da), “malaisdang bahagi” (Yg), o “bahaging isda” (NW).

Binabanggit si Dagon nang ilang beses sa mga salaysay ng Bibliya. Sa pamamagitan ng pagtutulak ni Samson sa dalawang suhay na haligi sa pinakagitna ng bahay na ginagamit sa pagsamba kay Dagon sa Gaza, pinabagsak niya ang bahay na iyon, sa gayo’y napatay niya ang mga Filisteong nagkakatipon doon. (Huk 16:21-30) Inilagay naman ng mga Filisteo sa bahay ni Dagon sa Asdod ang sagradong kaban ni Jehova bilang kanilang tropeo sa digmaan. Ang imahen ni Dagon ay dalawang beses na bumagsak nang pasubsob sa harap ng Kaban. Noong ikalawang pagkakataon, ang idolo mismo ay nabasag. Marahil upang hindi nila madungisan ang dakong kinabagsakan ng mga piraso ng kanilang diyos, mula noon ay maingat na iniwasan ng mga saserdote at ng iba pang mga pumapasok sa templo ni Dagon sa Asdod ang pagtuntong sa pintuan nito. (1Sa 5:2-5) Nang dumanas ang mga Filisteo ng makikirot na epekto ng almoranas at nang sirain ng mga herboa ang kanilang lupain, natanto nila na ang kamay ng Diyos ng Israel ay “naging matigas” laban sa kanila at sa kanilang diyos na si Dagon. (1Sa 5:6, 7; 6:5) Nang masumpungan ng mga Filisteo ang bangkay ni Haring Saul sa gitna ng mga napatay sa Gilboa, pinutol nila ang kaniyang ulo. Pagkatapos nilang ibalita ito sa mga bahay ng kanilang mga idolo at sa kanilang mga kababayan, ibinitin nila ang bungo ni Saul sa bahay ni Dagon.​—1Sa 31:8-10; 1Cr 10:8-10.

Maaaring dinadala ng mga Filisteo sa pagbabaka ang mga idolo ng kanilang diyos na si Dagon.​—2Sa 5:21.