Dala-dalahan
[sa Ingles, luggage].
Ang terminong Hebreo na keliʹ, kung minsa’y isinasalin bilang “dala-dalahan” at “bagahe,” ay may malawak na pagkakapit. Posibleng ang saligang diwa ng salitang Hebreong ito ay “isang bagay na kinalalagyan; lalagyan.”—Tingnan ang ARMAS, BALUTI.
Ang isang kampo ng hukbo, mga manlalakbay, yaong mga nagtitipon sa isang kapulungang malayo sa kanilang mga tahanan, at iba pa, ay tiyak na may dala-dalahan, o bagahe, ng mga bagay na kailangan nila. (1Sa 10:21, 22; 17:22; 25:9-13) Nagtatag si David ng alituntunin sa Israel na ang mga lalaking naiwan upang magbantay sa bagahe sa panahon ng mga kampanyang pangmilitar ay dapat tumanggap ng bahagi ng mga samsam ng tagumpay na kapantay niyaong sa mga lalaking mandirigma.—1Sa 30:21-25.
Ang Ehipto ay sinabihang ihanda ang kaniyang sarili para sa pagkatapon sa pamamagitan ng paggawa ng “bagahe para sa pagkatapon,” yamang tiyak ang pagbagsak niya sa mga kamay ng Babilonya, gaya ng inihula sa pamamagitan ng propetang si Jeremias. (Jer 46:13, 19) Bilang bahagi naman ng makasagisag na pagsasadula ng napipintong pagkatapon ng Jerusalem sa Babilonya, si Ezekiel, samantalang araw na araw, ay naglabas ng “dala-dalahan para sa pagkatapon” mula sa kaniyang bahay.—Eze 12:1-4, 7-11.