Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Daliri sa Paa

Daliri sa Paa

Isa sa mga sangkap sa dulo ng paa ng tao. Kung minsan, ang mga salitang Hebreo at Aramaiko na ginagamit sa Bibliya para sa daliri sa kamay ay tumutukoy rin sa daliri sa paa. (2Sa 21:20; 1Cr 20:6; Dan 2:41, 42) Sa ibang teksto, ang salitang Hebreo para sa “hinlalaki ng kamay” ay ginagamit din para sa “hinlalaki ng paa.”​—Exo 29:20; Lev 8:23, 24; 14:14, 17, 25, 28.

Palibhasa’y mahalaga sa katawan para sa katatagan at direksiyon habang naglalakad, ang mga daliri sa paa ay tinutukoy sa Kasulatan sa literal at sa makasagisag na mga kahulugan. Isang kaugalian na ginagawa paminsan-minsan upang baldahin ang isang nabihag na kaaway at mawalan ito ng kakayahan sa pakikipagbaka ay ang pagputol sa mga hinlalaki ng kaniyang mga kamay at mga paa.​—Huk 1:6, 7.

Noong italaga ang pagkasaserdote sa Israel, kumuha si Moises ng dugo ng barakong tupa ng pagtatalaga at inilagay niya ito sa kanang tainga, sa hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ni Aaron at ng bawat isa sa kaniyang mga anak. (Lev 8:23, 24) Ang dugo ng hain na nasa prominenteng sangkap ng kanang paa ay nangangahulugan na dapat nilang ituon ang kanilang landasin sa mga tungkulin ng mga saserdote sa paghahain at dapat silang lumakad dito nang walang maliw sa abot ng kanilang makakaya. Tinupad ni Jesu-Kristo na dakilang Mataas na Saserdote ang makahulang tipo na ito noong narito siya sa lupa (Mat 16:21-23), at ang kaniyang mga katulong na saserdote, ang kaniyang mga kapatid na inianak sa espiritu, ay dapat na maingat na sumunod sa kaniyang mga yapak.​—Heb 7:26; 1Pe 2:5, 8; Apo 20:6.