Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dalmanuta

Dalmanuta

Isang lugar na pinaroonan ni Jesus sakay ng bangka kasama ang kaniyang mga alagad pagkatapos niyang makahimalang pakainin ang 4,000 lalaki malapit sa Dagat ng Galilea. (Mar 8:1-10) Bagaman iba’t ibang lugar ang iminumungkahi bilang lokasyon ng Dalmanuta, ang pangalang ito ay hindi binabanggit sa ibang bahagi ng Bibliya o sa di-Biblikal na mga rekord, kaya hindi pa rin alam kung saan ang eksaktong lokasyon nito. Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang Dalmanuta ay resulta ng pagbabagong ginawa ng eskriba, yamang ang nasa kahalintulad na salaysay sa Mateo 15:29-39 ay “Magadan” at ang ilang sinaunang manuskrito ng ulat ni Marcos ay gumagamit din ng “Magadan” o “Magdala” sa halip na Dalmanuta. Gayunman, yamang Dalmanuta ang nasa pinakamahuhusay na manuskritong Griego, sa halip na ituring na ang terminong ito ay isang pagkakamali sa teksto, waring ang pinakamabuti ay panatilihin ang salin na Dalmanuta. Posibleng ang Dalmanuta ay ibang pangalan lamang para sa Magadan, o maaaring isa itong kalapit na lugar na ang pangalan, bagaman hindi gaanong ginamit o hindi kilalang-kilala, ay napanatili pa rin para sa atin sa Ebanghelyo ni Marcos.