Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Daniel

Daniel

[Ang Aking Hukom ay Diyos].

1. Ikalawang anak ni David, na ipinanganak sa kaniya ni Abigail sa Hebron. (1Cr 3:1) Tinatawag siyang Kileab sa 2 Samuel 3:3. Nang mapatay ang panganay, si Amnon, maaaring nadama niya na siya ang nakahanay na humalili kay David, ngunit walang binabanggit na tinangka niyang agawin ang pagkahari, na nagpapahiwatig na alinman sa iginalang niya ang bigay-Diyos na atas ni Solomon o na nauna siyang mamatay sa kaniyang ama.

2. Isang namumukod-tanging propeta ni Jehova mula sa tribo ni Juda. Ang manunulat ng aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Kaunting-kaunti lamang ang nalalaman tungkol sa maagang bahagi ng kaniyang buhay, ngunit sinabi niyang dinala siya sa Babilonya, malamang na bilang isang tin-edyer na prinsipe, kasama ng iba pang mga maharlikang supling at taong mahal. (Dan 1:3-6) Ito ay noong ikatlong taon ni Jehoiakim (bilang sakop na hari sa ilalim ng Babilonya), na nagsimula noong tagsibol ng 618 B.C.E. (Dan 1:1) Pagkatapos ng kahiya-hiyang kamatayan ni Jehoiakim, ang kaniyang anak na si Jehoiakin ay namahala nang mga ilang buwan bago ito sumuko. Noong maagang bahagi ng 617 B.C.E., si Jehoiakin at ang iba pang “mga pangunahing tao,” kasama ang kabataang si Daniel (2Ha 24:15), ay dinala ni Nabucodonosor sa pagkabihag.

Sa Ilalim ng Pamamahala ng Babilonya. Habang ang marami sa mga tapon ay nasa tabi ng ilog ng Kebar sa labas ng lunsod ng Babilonya, si Daniel at ang kaniyang tatlong kasamahan ay napili upang tumanggap ng pantanging pagsasanay sa sulat at wika ng mga Caldeo upang maihanda sila para sa paglilingkod sa pamahalaan. Alinsunod sa kaugalian, binigyan sila ng mga pangalang Babilonyo, anupat ang kay Daniel ay Beltesasar, na isinunod sa pangalan ng diyos ni Nabucodonosor. (Dan 1:7; 4:8; tingnan ang BELTESASAR.) Palibhasa’y ayaw niyang dumhan ang kaniyang sarili ng mga pagkaing itinakda, yamang maaaring kasama rito ang ilang pagkain na ipinagbabawal sa Kautusang Mosaiko o nadungisan ng mga paganong ritwal, hiniling niya na mga gulay at tubig lamang ang ilaan sa kanila. Binigyan sila ng Diyos na Jehova ng “kaalaman at kaunawaan sa lahat ng sulat at karunungan; at si Daniel man ay nagkaroon ng unawa sa lahat ng uri ng pangitain at panaginip.” (Dan 1:17) Nang suriin sila ng hari sa pagwawakas ng tatlong taon, sila ay nasumpungang ‘mas magaling nang sampung ulit kaysa sa lahat ng mga mahikong saserdote at mga salamangkero na nasa kaniyang buong kaharian.’​—Dan 1:20.

Si Daniel ay nanatili sa paglilingkod sa korte hanggang sa pagbagsak ng Babilonya. Sa Daniel kabanata 1, talata 19, binabanggit na ang kaniyang tatlong kasamahan din ay ‘nanatiling nakatayo sa harap ng hari’ (ng Babilonya). Hindi binabanggit kung buháy pa sila at hawak pa nila ang posisyong ito noong bumagsak ang Babilonya, ngunit totoo ito sa kaso ni Daniel. Pagkatapos, naglingkod siya sa korte ng Persia hanggang noong ikatlong taon ni Ciro o lampas pa rito.​—Dan 10:1.

Mga panaginip ni Nabucodonosor. Noong ikalawang taon ni Nabucodonosor (malamang na nagsimula sa pagbagsak ng Jerusalem noong 607 B.C.E.), nagkaroon siya ng isang panaginip na ‘lumigalig sa kaniyang espiritu.’ Palibhasa’y hindi iyon maisiwalat ng lahat ng marurunong na tao, pumaroon si Daniel sa harap ng hari at hindi lamang niya sinabi sa hari ang panaginip, sa pamamagitan ng pagsisiwalat mula sa Diyos, kundi binigyang-kahulugan pa niya iyon, sa gayon ay nailigtas niya ang kaniyang sarili at ang iba pang marurunong na tao upang hindi sila maipapatay. Ito ang nag-udyok kay Nabucodonosor na si Daniel ay gawing “tagapamahala sa buong nasasakupang distrito ng Babilonya at punong prepekto sa lahat ng marurunong na tao ng Babilonya.” (Dan 2:48) Ang kaniyang tatlong kasamahan ay tumanggap ng matataas na posisyon sa labas ng korte, samantalang si Daniel naman ay naglingkod sa korte ng hari.

Hindi matiyak kung bakit hindi nasangkot si Daniel sa usapin ng katapatan na napaharap sa kaniyang mga kasamahan, sina Sadrac, Mesac, at Abednego, nang utusan ang mga ito na sambahin ang ginintuang imahen na itinayo sa Kapatagan ng Dura. (Dan 3) Walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa bagay na ito. Ang landasin ni Daniel sa pasimula gayundin ang kaniyang pagkamatapat sa Diyos nang dakong huli maging sa bingit ng kamatayan, gaya ng inilarawan sa kabanata 6, ay lubos na nagbibigay-katiyakan sa atin na kung naroon siya at anuman ang naging mga kalagayan, si Daniel ay hindi makikipagkompromiso sa pamamagitan ng pagyukod sa harap ng imahen. Gayundin, ipinahahayag ng Salita ni Jehova ang Kaniyang pagsang-ayon kay Daniel bilang isa na ganap na matapat, anupat itinala ito kasama nina Noe at Job.​—Eze 14:14, 20; Mat 24:15; Heb 11:32, 33.

Nang maglaon ay binigyang-kahulugan ni Daniel ang panaginip ni Nabucodonosor may kinalaman sa pagkalaki-laking punungkahoy na pinutol at saka hinayaang muling sumibol, anupat sinabing kumakatawan iyon sa dakilang monarka mismo ng Babilonya (sa unang katuparan ng hula). (Dan 4:20-22) Si Nabucodonosor ay mababaliw sa loob ng pitong taon at pagkatapos ay mababalik sa kaniya ang kaniyang katinuan at ang kaniyang kaharian. Pinatotohanan ni Nabucodonosor na natupad sa kaniya ang panaginip na nanggaling sa Diyos, sapagkat minarapat niyang ihayag ang pangyayari sa buong kaharian.​—Dan 4:1, 2.

Mga pangitain. Noong una at ikatlong mga taon ni Belsasar, tumanggap si Daniel ng dalawang pangitain (Dan kab 7, 8) na doon ay kinakatawan ng iba’t ibang hayop ang sunud-sunod na mga kapangyarihang pandaigdig, anupat umaabot sa panahon na ang mga ito ay puwersahang lalansagin at ang makalangit na pamamahala ay ibibigay sa “isang gaya ng anak ng tao.” (Dan 7:11-14) Hindi matiyak kung si Daniel ay aktuwal na nasa Susan nang tanggapin niya ang pangitaing nakaulat sa kabanata 8 o kung nakita niya roon ang kaniyang sarili sa pangitain. Lumilitaw na sa loob ng maraming taon pagkamatay ni Nabucodonosor, bihira na lamang gamitin si Daniel bilang tagapayo, kung ginamit man siya, anupat kinailangan pa siyang banggitin ng reyna (malamang na ang inang reyna) kay Belsasar nang walang sinuman sa marurunong na tao ang makapagbigay-kahulugan sa nakatatakot na sulat-kamay sa pader ng palasyo noong panahon ng magulo at mapamusong na kapistahan ni Belsasar. Gaya ng ipinangako, “inihayag nila may kinalaman [kay Daniel] na siya ang magiging ikatlong tagapamahala sa kaharian,” anupat si Nabonido ang unang tagapamahala at ang kaniyang anak na si Belsasar ang ikalawa. Nang gabi ring iyon ay bumagsak ang lunsod sa mga Medo at mga Persiano, at si Belsasar ay pinatay.​—Dan 5:1, 10-31.

Sa Ilalim ng Pamamahala ng Medo-Persia. Noong panahon ng paghahari ni Dario na Medo, si Daniel ang isa sa tatlong matataas na opisyal na inatasang mangasiwa sa 120 satrapa na mamamahala sa kaharian. Palibhasa’y napakahusay sa paglilingkod sa pamahalaan dahil sa tulong ng Diyos, binalak ng hari na itaas si Daniel sa buong kaharian. Gayunman, udyok ng inggit at paninibugho, nagpakana ang iba pang mga opisyal na ipapatay siya. Hinikayat nilang magpalabas ang hari ng isang kautusan na may kaugnayan sa pagsamba ni Daniel sa Diyos, sapagkat maliban dito ay wala silang makitang anumang pagkakamali sa kaniya. Atubiling kumilos ang hari upang ipatupad ang kautusan, na ayon sa kaugalian ay hindi maaaring baguhin, at ipinahagis niya si Daniel sa yungib ng mga leon. Dahil sa matatag na katapatan at pananampalataya ni Daniel, isinugo ni Jehova ang Kaniyang anghel upang iligtas ito mula sa bibig ng mga leon. Pagkatapos ay hinatulan ni Dario ang mga nagsabuwatan at iniutos niyang ipapatay sila sa mismong mga leong iyon.​—Dan 6.

Noong unang taon ni Dario, napag-unawa ni Daniel na malapit nang magwakas ang 70-taóng pagkatiwangwang ng Jerusalem, batay sa mga isinulat ni Jeremias. (Jer 25:11, 12) Mapagpakumbabang kinilala ni Daniel ang mga kasalanan ng kaniyang bayan at ipinanalangin kay Jehova na pasinagin ang Kaniyang mukha sa nakatiwangwang na santuwaryo sa Jerusalem. (Dan 9:1, 2, 17) Pinagkalooban siya ng isang pagsisiwalat sa pamamagitan ni Gabriel, na nagbigay sa kaniya ng hula tungkol sa 70 sanlinggo, na tumuturo sa taon ng pagdating ng Mesiyas. Nabuhay pa si Daniel upang makita ang pagbabalik ng mga Judio sa ilalim ni Zerubabel noong 537 B.C.E., ngunit hindi binanggit na sumama siya sa kanila. Noong ikatlong taon ni Ciro (536 B.C.E.), si Daniel ay binigyan ng isang pangitain sa pamamagitan ng isang anghel, na kinailangan pang makipaglaban sa prinsipe ng Persia upang makadalaw kay Daniel. Isiniwalat ng anghel kung ano ang ‘mangyayari sa bayan ni Daniel sa huling bahagi ng mga araw, sapagkat iyon ay isang pangitain na ukol pa sa mga araw na darating.’ (Dan 10:14) Pasimula sa mga hari ng Persia, iniulat niya ang kasaysayan bago pa man ito mangyari. Isiniwalat ng hula na magiging prominente sa tanawin ng daigdig ang dalawang pangunahin at magkalabang pulitikal na kapangyarihan, tinaguriang “hari ng hilaga” at “hari ng timog,” anupat magpapatuloy ang situwasyong ito hanggang sa pagtayo ni Miguel, na susundan ng isang panahon ng matinding kabagabagan.​—Dan kab 11, 12.

Maaaring hindi na rin nagtagal ang buhay ni Daniel pagkatapos ng ikatlong taon ni Ciro. Kung siya ay tin-edyer nang panahong dalhin siya sa Babilonya noong 617 B.C.E., maaaring halos 100 taóng gulang na siya nang tanggapin niya ang pangitaing iyon na nakaulat sa mga kabanata 10 hanggang 12. Ang pananalita ng anghel kay Daniel na, “Ikaw naman, yumaon ka patungo sa kawakasan; at magpapahinga ka, ngunit tatayo ka para sa iyong kahinatnan sa kawakasan ng mga araw,” ay waring nagpapahiwatig na malapit nang magwakas ang kaniyang buhay, ngunit tinitiyak naman nito na bubuhayin siyang muli.​—Dan 12:13.

Ang Pagiging Manunulat ni Daniel. Si Daniel ay binanggit ni Kristo (Mat 24:15) at tinukoy sa Hebreo 11:33. Hindi makapagharap ng nakakukumbinsing ebidensiya ang mga kritiko na isa o higit pang manunulat noong panahon ng mga Macabeo ang sumulat ng kabuuan o ng ilang bahagi ng kanonikal na aklat ng Daniel. Gayunman, ang tatlong bahaging idinagdag na tinawag na “Ang Awit ng Tatlong Batang Banal,” “Si Susana at ang Matatanda,” at “Ang Pagkapuksa ni Bel at ng Dragon” ay Apokripal at isinulat ng ibang tao nang dakong huli. Ang mga ito at ang iba pang mga akda na diumano’y isinulat ni Daniel o naghaharap ng kakatwang mga gawa o mga turo niya ay higit na maituturing na pabula at hindi mapananaligan, anupat tungkol lamang ang mga ito sa kadakilaan ni Daniel.​—Tingnan ang APOKRIPA; gayundin ang DANIEL, AKLAT NG.

3. Isang saserdote na mula sa Levitang sambahayan ni Itamar na sumama kay Ezra patungong Jerusalem noong 468 B.C.E. (Ezr 8:2) Posibleng ang saserdote ring ito o ang kaniyang inapo ang lumagda sa kontrata ng pagtatapat noong panahong si Nehemias ang gobernador (Ne 10:6), ngunit hindi siya ang propetang si Daniel, na mula sa tribo ni Juda.​—Dan 1:6.