Darik
Isang Persianong baryang ginto na tumitimbang nang 8.4 g (0.27 onsa t) at sa kasalukuyan ay nagkakahalaga ng $94.50. Ang harap na panig ng isang darik na ginamit sa loob ng dalawang siglo pasimula noong huling bahagi ng ikaanim na siglo B.C.E. ay may wangis ng isang hari na nakaluhod ang isang tuhod samantalang hawak ang isang sibat sa kanang kamay at isang busog sa kaliwa. Sa kabilang panig naman ay makikita ang biluhabang marka na itinatak sa barya nang timbrihan ito. Sa 1 Cronica 29:7, ang isa sa mga halaga ng kontribusyon para sa templo noong naghahari si David ay may yunit na darik, bagaman hindi kilala noong panahon ni David ang Persianong darik. Maliwanag na itinala ng manunulat ng Cronica ang orihinal na halaga gamit ang mga terminong pangkaraniwan at pamilyar sa kaniyang mga mambabasa.—Ezr 8:27.
[Larawan sa pahina 557]
Gintong darik