Debir
[Kaloob-looban; Pinakalikod].
1. Ang hari ng Eglon, na isa sa apat na maliliit na kaharian na nakipag-alyansa sa hari ng Jerusalem upang salakayin ang lunsod ng Gibeon dahil nakipagpayapaan ito kay Josue. (Jos 10:1-5) Ang pagsuko ng Gibeon kay Josue ay naging sanhi ng pagkatakot, yamang malamang na pinahina nito ang anumang pagkakaisa laban sa Israel (Jos 9:1, 2) at, kasabay nito, lumilitaw na mas madaling nakapagparoo’t parito si Josue sa hilaga at timugang mga bahagi ng Lupang Pangako, na nakatulong upang unti-unting masakop ang lupain. Nang salakayin ng mga kalaban ang Gibeon, sinaklolohan ito ng hukbo ni Josue, at sa tulong ng mga himala, nagapi niya ang hukbong militar ng mga Canaanita, anupat si Debir at ang iba pang mga hari ay napilitang manganlong sa isang yungib. Doon sila ikinulong hanggang nang ilabas sila at patayin.—Jos 10:6-27.
2. Isang maharlikang Canaanitang lunsod (Jos 10:38, 39), tinatawag ding Kiriat-seper at Kiriat-sana. (Jos 15:15, 49; Huk 1:11) Ito ay nasa teritoryong mana ng Juda ngunit naging isang Levitikong lunsod ng mga Kohatita.—Jos 21:9, 15; 1Cr 6:54, 58.
Lumilitaw na may dalawang ulat ng unang pagbihag ng Israel sa Debir bilang bahagi ng mga operasyong militar ni Josue. Sinasabi lamang ng unang ulat na ang populasyon ng Debir ay nilipol. (Jos 10:38, 39) Ang ikalawa, na nasa Josue 11:21-23, ay malamang na pag-uulit lamang sa pagbihag ding iyon (yamang binabanggit ng talata 18 na “maraming araw na nakipagdigma si Josue sa lahat ng mga haring ito”), samantalang ibinibigay ang karagdagang impormasyon na “nilipol [ni Josue] ang mga Anakim . . . mula sa Debir” at sa iba pang mga lunsod. Maaaring idinagdag ang impormasyong ito upang ipakita na maging ang matatangkad na Anakim, na naghasik ng matinding takot sa puso ng mga tiktik ng Israel mahigit 40 taon na ang nakararaan (Bil 13:28, 31-33; Deu 9:2), ay natalo ng mga Israelita.
Gayunpaman, lumilitaw na muling nanirahan ang mga Anakim sa lunsod ng Debir, marahil ay nakapasok sila mula sa baybayin ng Filistia (Jos 11:22) habang ang Israel ay pansamantalang nagkakampo sa Gilgal o nakikipagdigma sa H. (Jos 10:43–11:15) Bagaman nasupil sa unang mga kampanya ni Josue ang nagkakaisang pakikipaglaban ng mga hukbo ng kaaway sa lupain ng Canaan, anupat mabilis na nabuwag ang lahat ng malalaking moog, lumilitaw na dahil sa ganitong uri ng pakikipagdigma, ang Israel ay hindi nakapagtayo ng mga garison upang makontrol nila ang mga lugar ng lahat ng lunsod na winasak. Dahil dito, nagsagawa si Otniel ng ikalawang pagbihag o lubusang paglupig sa Debir, anupat dahil sa malaking bahaging ginampanan niya sa pananakop sa lunsod ay ibinigay sa kaniya si Acsa, ang anak ng beteranong mandirigma na si Caleb, bilang asawa.—Jos 15:13-19; Huk 1:11-15.
Hindi matiyak kung kailan mismo sa kasaysayan ng Israel naganap ang ikalawang pagbihag na ito. Ang aklat ng Mga Hukom ay nagsisimula sa pananalitang “pagkamatay ni Josue,” at ang ulat ng pagkuha ni Caleb sa Debir ay kasunod nito. (Huk 1:11-15) Sinasabi ng ilan na dahil dito, lumilitaw na nasakop ng Juda ang Debir noong panahong patay na si Josue at na ang katulad na ulat sa Josue 15:13-19 ay idinagdag nang dakong huli sa aklat na nagtataglay ng pangalan ni Josue. Gayunman, itinuturing ng iba na ang Hukom 1:1 ay isang pormal na introduksiyon lamang upang maiugnay ito sa aklat ng Josue, anupat ipinangangatuwiran na malayong maghintay pa si Caleb ng maraming taon hanggang sa mamatay si Josue bago niya palayasin ang mga Anakim mula sa pag-aaring ipinangako sa kaniya. Dahil dito, ipinapalagay nila na ang ulat sa Mga Hukom ay isang pag-uulit niyaong nasa Josue.
Iba’t iba ang opinyon ng mga iskolar ng Bibliya may kinalaman sa lokasyon ng Debir sa bulubunduking pook ng Juda. Ipinapalagay noon na ito ay ang Tell Beit Mirsim, mga 20 km (12 mi) sa KTK ng Hebron. Gayunman, ipinapalagay na ngayon na ito ay ang Khirbet Rabud, mga 13 km (8 mi) sa TK ng Hebron.
Ang sinaunang pangalan ng Debir, na Kiriat-seper (Jos 15:15; Huk 1:11), ay nangangahulugang “Bayan ng Aklat.” Dahil dito, ipinapalagay ng ilan na ang Debir ang sentro ng relihiyoso at legal na kaalaman ng mga Canaanita at na doon iniingatan noon ang mga pampublikong rehistro.
3. Isang lugar “sa mababang kapatagan ng Acor” na lumitaw sa talaan ng mga hangganan ng Juda. (Jos 15:7) Bagaman sa ngayon ay hindi alam ang eksaktong lokasyon ng Debir, naniniwala ang ilang heograpo na ang pangalan nito ay napanatili sa Thogheret ed-Debr, na nasa TK ng Jerico, at sa Wadi Debr, na mas malapit sa ipinapalagay na lokasyon ng Libis ng Acor.
4. Isang lokasyon sa hangganan ng Gad na nasa Gilead. (Jos 13:26) Itinuturing ng karamihan na ang Debir na ito ay ang Lo-debar, kung saan naninirahan si Makir (na naging mapagpatuloy kay Mepiboset at gayundin kay David). (2Sa 9:4-6; 17:27-29) Ipinapalagay ng ilan na ang Debir sa Gad ay ang Umm ed-Dabar, 16 na km (10 mi) sa T ng Dagat ng Galilea.