Demas
[posibleng pinaikling anyo ng “Demetrio,” nangangahulugang “Ni (Kay) Demeter”].
Isang dating kamanggagawa ng apostol na si Pablo. Si Demas ay kasama ni Pablo sa Roma noong unang mabilanggo roon ang apostol, anupat ang mga pagbati ni Demas ay inilakip sa mga liham sa mga taga-Colosas at kay Filemon. (Col 4:14; Flm 24) Nang sumulat si Pablo kay Timoteo noong panahon ng ikalawang pagkakabilanggo nito, pinabayaan na ni Demas ang apostol at nakaalis na siya patungong Tesalonica, na maaaring ang sariling bayan niya.—2Ti 4:10.
Hindi binanggit ang eksaktong dahilan kung bakit pinabayaan ni Demas si Pablo ‘dahil sa kaniyang pag-ibig sa kasalukuyang sistema ng mga bagay.’ Hindi sinabi ng apostol kung si Demas ay naging apostata o mananalansang. Marahil ay mas inibig ni Demas ang materyal na mga bagay at makasanlibutang mga kaluguran kaysa sa espirituwal na mga bagay. Maaaring natakot siyang mamatay bilang martir kasama ni Pablo kung kaya humanap siya ng mas ligtas na dako upang maingatan ang kaniyang buhay sa sistema ng mga bagay na umiiral noon. Anuman ang nangyari, nang sumamâ ang mga kalagayan, hindi sinamantala ni Demas ang magandang pagkakataong iyon upang patibayin ang kapatid niyang si Pablo.