Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Derbe

Derbe

Isang “lunsod ng Licaonia” sa Asia Minor, na dinalaw nang dalawang beses, o marahil ay tatlo, ng apostol na si Pablo.

Malamang na bago ang taglamig ng 47-48 C.E., noong unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, dumating siya sa Derbe pagkatapos na pagbabatuhin siya sa kalapit na Listra. Sa Derbe, ‘ipinahayag niya at ni Bernabe ang mabuting balita’ at nakagawa sila ng “maraming alagad,” posibleng kabilang na rito si “Gayo ng Derbe,” na nang maglaon ay binanggit bilang kasamahan ng apostol sa paglalakbay. Bagaman ipinakikita ng sekular na kasaysayan na pagkaraan ng 41 C.E. ang Derbe ang pinakasilanganing lunsod ng pulitikal na probinsiya ng Galacia, lumilitaw na ang paglalarawan dito ni Lucas bilang isang “lunsod ng Licaonia” ay may kaugnayan sa rehiyon o etnograpiya. (Gaw 14:6, 19-21; 20:4) Pagkaraan ng ilang buwan, pagkatapos ng komperensiya sa Jerusalem may kinalaman sa pagtutuli (mga 49 C.E.), at habang nasa kaniyang ikalawang paglalakbay, bumalik si Pablo sa Derbe. (Gaw 15:36; 16:1) Bagaman hindi binanggit ang pangalan ng Derbe, posibleng tumigil si Pablo roon noong kaniyang ikatlong paglalakbay nang patibayin niya ang mga alagad sa “lupain ng Galacia.” (Gaw 18:23) Walang rekord ng pisikal na pananakit kay Pablo sa Derbe, at hindi niya binanggit ang lunsod na ito pagkaraan ng maraming taon noong isalaysay niya ang kaniyang mga pagdurusa sa ibang mga lugar sa kapaligiran nito.​—2Ti 3:11.

Ang Derbe ay ang Kerti Hüyük ngayon na 21 km (13 mi) sa HHS ng Karaman (sinaunang Laranda) at mga 100 km (62 mi) sa TS ng Konya (sinaunang Iconio). Upang malaman kung kabilang ang Derbe sa mga pinadalhan ni Pablo ng liham na patungkol sa “mga kongregasyon ng Galacia,” tingnan ang GALACIA, LIHAM SA MGA TAGA-.​—Gal 1:2.