Dila
Isang sangkap ng katawan na may ginagampanang malaking bahagi sa panlasa at sa pagsasalita. Ang karaniwang tinatawag na panlasa ay resulta ng mga reaksiyon ng mga taste bud (maliliit na sangkap sa ibabaw ng dila na sumasagap sa lasa ng pagkain) pati ang nalalanghap ng pang-amoy. Higit na mahalaga, ang dila ay kailangan din sa pagsasalita, sapagkat upang mabigkas nang maliwanag ang mga salita, kailangan itong gumalaw-galaw, na nagagawa naman nito nang may kahusayan at napakabilis.—Tingnan ang BIBIG, BUNGANGA (Ang Ngalangala).
Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang salitang “dila” ay madalas na tumutukoy sa “wika,” at ganito ang pagkakasalin nito sa Tagalog. (Gen 10:5; Deu 28:49; Isa 28:11; Gaw 2:4; 19:6; 1Co 12:10; tingnan ang WIKA.) Kung minsan naman ay tumutukoy ito sa isang bayan na nagsasalita ng isang partikular na wika at isinasalin din ito bilang “wika.”—Isa 66:18; Apo 5:9; 7:9; 13:7.
Buong-linaw na inilarawan ng kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago ang kapangyarihan ng dila, at idiniin din niya na kailangang magpakaingat ang mga Kristiyano upang magamit nila ito nang wasto. Sinabi niya na kung hindi rerendahan ng isa ang kaniyang dila, maaaring mawalan ng saysay ang kaniyang pagsamba. (San 1:26) Inihalintulad niya ang dila sa isang apoy na maaaring sumira ng kagubatan. Ang dilang di-nirerendahan ay maaaring maimpluwensiyahan ng mapaminsalang mga puwersa at maaaring lumikha ng napakarami o napakalubhang kalikuan anupat maaari nitong marumhan ang buong buhay ng isang indibiduwal. Sa espirituwal na paraan, maaari itong makalason sa kaniyang sarili at sa ibang tao. Hindi ito mapaaamo ng tao sa kaniyang sariling pagsisikap, ni lubusan mang maiiwasan ng taong di-sakdal ang ‘matisod sa salita.’ (San 3:2-8) Ngunit posibleng mapaamo ng isang Kristiyano ang di-masupil na sangkap na ito ng di-sakdal na laman ng tao, sapagkat sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo, marerendahan ng isang tao ang kaniyang dila at mababago niya ang kaniyang personalidad.—San 3:10-18; 1Pe 3:10; Col 3:9, 10; ihambing ang Aw 34:13; 39:1.
Kasuwato ng paglalarawan ni Santiago sa dila, sinasabi ng manunulat ng Mga Kawikaan na ang kahinahunan ng dila ay maaaring maging “punungkahoy ng buhay.” Sa kabilang dako naman, ang pagpilipit nito ay maaaring mangahulugan ng “pagkalugmok ng espiritu”; ang kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan nito. (Kaw 15:4; 18:21) “Ang mahinahong dila ay nakababali ng buto,” sapagkat ang isang tao na sintigas ng buto ay mapalalambot ng mahinahong sagot at mapaglulubag sa kaniyang katigasan at pagsalansang. (Kaw 25:15) Sa katunayan, maaaring makapagpagaling ang dila sa espirituwal na paraan kung sinasalita nito ang mga salita ng Diyos. (Kaw 12:18) “Mula kay Jehova ang sagot ng dila,” sapagkat siya lamang ang makapaglalaan ng tumpak at espirituwal na mga salita na nakapagpapagaling. (Kaw 16:1) Inihula ng Kasulatan ang espirituwal na pagpapagaling na idudulot ng ministeryo ni Jesus habang sinasalita niya ang mga salita ng Diyos, anupat ‘binibigkisan ang may pusong wasak.’—Isa 61:1.
Idiniriin ni Jehova kung paano niya minamalas ang kasamaan ng bulaang dila, anupat itinala niya ito bilang isa sa pitong bagay na kinapopootan niya at inihanay ito katabi ng “mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala.” (Kaw 6:16-19) Inilalarawan naman ni David ang pagtatangka ng mga balakyot na lipulin ang lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng ‘dila na pinatalas na gaya ng tabak,’ ngunit sinabi niya na sa katunayan ay titiyakin ng Diyos na ang mga ito mismo ang masusugatan, sapagkat “ang kanilang dila ay laban sa kanilang sarili.” (Aw 64:3, 7, 8) Ipinangangako ni Jehova sa kaniyang bayan: “Alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo.” (Isa 54:17) Nakaaaliw ito sa mga lingkod ng Diyos, na nanghahawakan sa kaniyang kautusan bagaman yaong itinuturing na marurunong sa sanlibutan ay maaaring nagsasalita ng mga dakilang bagay at nagsasabi: “Sa pamamagitan ng aming dila ay mananaig kami.” (Aw 12:3-5) Maaaring ‘lagi silang naglalawit ng kanilang dila’ at nananakit sa pamamagitan ng dila (Isa 57:4; Jer 18:18), ngunit tiyak na mabibigo sila.—Kaw 10:31.
Ipinangako ni Jehova na ang mga dila na dating nauutal ay “bibilis sa pagsasalita ng malilinaw na bagay” at ang mga dilang pipi ay “hihiyaw sa katuwaan.” (Isa 32:4; 35:6) Noong si Jesus ay nasa lupa, literal niyang pinagaling ang mga pipi, o yaong mga may kapansanan sa pagsasalita. (Mar 7:33-37) Darating ang panahon na ang bawat dila ay magsasalita ng mga bagay na matuwid, sapagkat sinabi ni Jehova na ang bawat dila ay manunumpa sa kaniya. Isiniwalat ng apostol na si Pablo na matutupad ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, nang sabihin niya na ang bawat dila ay ‘hayagang kikilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.’—Fil 2:11; Isa 45:23; Ro 14:11.
Sa makasagisag na paraan, inilarawan ni Jehova ang kaniyang sarili bilang may dila na gagamitin niya sa kaniyang galit, “gaya ng apoy na lumalamon.” (Isa 30:27) Noong Pentecostes, nang ibuhos ni Jesu-Kristo ang banal na espiritu sa mga 120 alagad na nagkakatipon sa isang silid sa Jerusalem, nahayag ang espiritung iyon nang makita ang mga dila na parang apoy na lumapag sa bawat isa sa kanila at nang marinig silang nagsasalita ng iba’t ibang wika.—Gaw 2:3, 4.