Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dimon

Dimon

Isang lugar na binanggit ni Isaias nang magpahayag siya ng kapahamakan laban sa Moab; magiging “punô ng dugo” ang tubig ng Dimon kapag lansakang pinatay ang mga Moabita.​—Isa 15:9.

Ipinapalagay ng ilang komentarista na ang Dimon ay isa pang anyo ng Dibon (binanggit sa talata 2 ng hula), anupat ang Dimon ay ginamit bilang katunog ng salitang Hebreo para sa “dugo” (dam), sa gayon ay naging “Dimon . . . punô ng dam.” Kaayon ng pangmalas na ito, ang Dead Sea Scrolls ay kababasahan ng “Dibon” sa halip na “Dimon” sa talata 9, at sinasabi ni Jerome na noong kaniyang panahon (mga 347-420 C.E.) ay parehong ginagamit ang alinman sa dalawang pangalang ito.

Iniisip naman ng iba na malayong mangyari na ang Dibon ay tutukuyin sa dalawang magkaibang pangalan sa maikling kapahayagang iyon, at sinasabi rin nila na walang ibang lugar sa kapahayagang iyon ang makalawang ulit na binanggit. Itinatawag-pansin pa nila na ang Dibon ay walang katabing malaking ‘katubigan’ dahil malayo ito sa pinakamalapit na wadi, ang Arnon. Kaya naman iminumungkahi nila na lumitaw ang Dimon dahil binago ng eskriba ang Madmen, na binanggit nang hatulan ni Jeremias ang Moab (Jer 48:2) at kadalasang ipinapalagay na ang Dimna, mga 4 na km (2.5 mi) sa KHK ng Rabbath-Moab, na nasa isang mataas na dako kung saan matatanaw ang tubig ng ʽAin el-Megheisil sa dakong TS.

Ang dalawang pangmalas na ito ay pala-palagay lamang, anupat ang huling nabanggit ay mas kapani-paniwala dahil maiuugnay ito sa isang lugar na malapit sa katubigan, na waring ipinahihiwatig ng konteksto.