Dina
[Hinatulan [samakatuwid nga, pinawalang-sala; ipinagbangong-puri]].
Anak na babae ni Jacob kay Lea. Maaaring mga anim na taóng gulang si Dina nang si Jacob ay bumalik sa Canaan at manahanan sa Sucot, yamang ipinanganak si Dina sa Haran noong naninirahan doon ang kaniyang ama.—Gen 30:21, 22, 25; 31:41.
Noong panahong si Jacob at ang kaniyang pamilya ay nagtotolda sa labas ng lunsod ng Sikem, may-kamangmangang nakaugalian ng kabataang si Dina na dalawin ang mga babaing Canaanita roon. Sa isa sa mga pagdalaw na ito ay hinalay siya ni Sikem na anak ng Hivitang pinuno na si Hamor. Inibig siya ni Sikem, at nanatili si Dina sa tahanan nito hanggang noong ipaghiganti siya ng kaniyang mga tunay na kapatid na sina Simeon at Levi. (Gen 34:1-31) Sinasabi ng ilan na malamang na si Dina ay isa lamang bata nang ito’y halayin. Gayunman, dapat tandaan na bago pumaroon si Jacob sa Sikem, nagtayo siya ng isang bahay at mga kubol sa Sucot, na nagpapahiwatig na matagal-tagal din siyang nanirahan doon. (Gen 33:17) Sa Sikem ay bumili siya ng isang bahagi ng parang at lumilitaw na namayan siya roon nang mahaba-habang panahon. Pinatutunayan ng lahat ng ito, pati ng bagay na inibig ni Sikem si Dina, ang “kabataang babae,” na bagaman kabataan pa si Dina, hindi na siya isang bata noong panahong makasama niya si Sikem.—Gen 33:18, 19; 34:12.
Pagkaraan ng ilang taon, si Dina, kasama ng iba pa sa sambahayan ni Jacob, ay pumaroon sa Ehipto nang anyayahan sila ni Jose.—Gen 46:7, 15.