Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Distrito ng Jordan

Distrito ng Jordan

Ang halos pabilog na lunas, o hugis-biluhabang lugar, kung saan umaagos ang Ilog Jordan. Kasama rito ang timugang bahagi ng Libis ng Jordan, gaya ng makikita sa pagkabanggit sa “Distrito ng Jordan” may kaugnayan sa mga gawain ni Solomon sa paghuhulma ng tanso sa pagitan ng Sucot at Zaretan. (1Ha 7:46; 2Cr 4:17; ihambing ang 2Sa 18:23.) Gayunman, waring ang “Distrito” na ito ay sumasaklaw rin hanggang sa timugang dulo ng Dagat na Patay na maliwanag na dating kinaroroonan ng “mga lunsod ng Distrito.” (Gen 13:10-12) Sa gayon ay hindi lamang nito sinaklaw ang kapatagang libis ng Jerico kundi umabot din ito hanggang sa Zoar, ang lunsod kung saan nanganlong si Lot at ang kaniyang mga anak na babae.​—Gen 19:17-25; Deu 34:3.

Ipinahihiwatig ng pagsasaliksik sa pinakatimugang dulo ng Dagat na Patay na isang malaking lupain sa ibaba ng lupaing nakaungos sa tubig na tinatawag na Lisan ang natakpan ng tubig ng Dagat. Naniniwala ang maraming iskolar na ang “mga lunsod ng Distrito” ay nakalubog sa rehiyong ito. Iyon ay dating “natutubigang mainam” at tulad ng “hardin ni Jehova.” (Gen 13:10) Totoo ito noon hindi lamang sa rehiyon sa H ng Dagat na Patay, kung saan sa ngayon ay tanging ang Kapatagan ng Moab at ang oasis ng Jerico ang nananatiling mataba, kundi pati sa timugang bahagi ng Distrito. Maging sa ngayon, ang kapatagan na nasa tabi ng Lisan ay inilalarawan bilang isang “malawak na oasis” na maaaring pagtamnan ng sebada, trigo, datiles, at ubas. Ang rehiyong delta ng Ilog Zered, na umaagos sa timugang dulo ng Dagat na Patay, ay tinatawag ding isang “matabang oasis.”