Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Doeg

Doeg

[posible, Balisa; Natatakot].

Isang Edomita na naglingkod bilang pangunahing pastol ni Haring Saul, isang mabigat na posisyon ng pangangasiwa. (1Sa 21:7; 22:9) Maliwanag na si Doeg ay isang proselita. Sa dahilang siya’y “pinigilan sa harap ni Jehova” sa Nob, posibleng dahil sa isang panata, isang uri ng karumihan, o kaya’y may ketong siya, nasaksihan ni Doeg na ibinigay ng mataas na saserdoteng si Ahimelec kay David ang tinapay na pantanghal at ang tabak ni Goliat. Sa kalaunan, nang sabihin ni Saul sa kaniyang mga lingkod na sa tingin niya’y nagsasabuwatan sila laban sa kaniya, isiniwalat ni Doeg kung ano ang nakita niya sa Nob. Nang maipatawag ni Saul ang mataas na saserdote at ang iba pang mga saserdote ng Nob at pagkatapos niyang tanungin si Ahimelec, inutusan niya ang mga mananakbo na patayin ang mga saserdote. Nang tumanggi ang mga ito, walang-pag-aatubiling pinatay ni Doeg sa utos ni Saul ang 85 saserdote. Pagkatapos ng napakasamang gawang ito, itinalaga ni Doeg ang Nob sa pagkapuksa, anupat pinatay ang lahat ng tumatahan doon, bata at matanda, pati ang mga alagang hayop.​—1Sa 22:6-20.

Gaya ng ipinakikita ng superskripsiyon ng Awit 52, sumulat si David tungkol kay Doeg: “Mga kapighatian ang ipinapanukala ng iyong dila, na pinatalas na gaya ng labaha, na gumagawa nang may panlilinlang. Inibig mo ang kasamaan nang higit kaysa sa kabutihan, ang kabulaanan kaysa sa pagsasalita ng katuwiran. Inibig mo ang lahat ng salitang nananakmal, O ikaw na dilang mapanlinlang.”​—Aw 52:2-4.