Dor
Isa sa mga lunsod sa Palestina na nakipag-alyansa sa Canaanitang si Haring Jabin ng Hazor upang makipaglaban kay Josue (Jos 11:1, 2) at agad-agad na natalo. (Jos 11:12; 12:23) Bagaman ang Dor at ang mga sakop na bayan nito ay nasa teritoryo ng Aser, ibinigay ang mga ito sa tribo ni Manases, ngunit hindi nila naitaboy ang nalabing mga tumatahan doon. (Jos 17:11-13; 1Cr 7:29) Nang maglaon ang teritoryo ng Dor, na pinangasiwaan ng isa sa mga manugang na lalaki ni Solomon, ay naglaan ng pagkain para sa sambahayan ng hari, isang buwan sa isang taon.—1Ha 4:11.
Ipinapalagay na ang lunsod ng Dor ay ang Khirbet el-Burj (Tel Dor), 13 km (8 mi) sa H ng Cesarea, na nasa mahaba at makitid na baybaying kapatagan sa kahabaan ng Dagat Mediteraneo. Dahil sa lokasyon nito sa baybaying kapatagan, naging paksa ng usapan ang kahulugan ng madalas gamiting parirala na “mga tagaytay ng bundok [mula sa Heb. na na·phahʹ] ng Dor.” (Jos 11:2) Naniniwala ang ilang iskolar na tumutukoy ito sa mga banging masusumpungan sa kalakhang bahagi ng baybayin sa rehiyong ito, anupat iniuugnay nila ang Hebreong na·phahʹ sa terminong Arabe na nafnaf, na nangangahulugang “bangin.” Ipinapalagay ng iba na tumutukoy ito sa maburol na mga dalisdis na nagsisimula 3 km (2 mi) papaloob mula sa Dor at ang pinakadulo ay ang matataas na dako ng Bundok Carmel.