Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dotan

Dotan

Isang lunsod na binanggit sa dalawang salaysay sa Bibliya. Ipinapalagay sa ngayon na ang Dotan ay ang Tell Dothan (Tel Dotan), na nasa isang burol sa isang maliit na tulad-lunas na kapatagan sa pagitan ng mga burol ng Samaria at ng Kabundukan ng Carmel, 16 na km (10 mi) sa HHS ng Samaria.​—LARAWAN, Tomo 1, p. 950.

“Sa Dotan” nasumpungan ng kabataang si Jose ang kaniyang mga kapatid at ang kanilang mga kawan. Ipinapalagay na sila ay nasa dakong H ng lunsod na iyon, sa pastulang binabagtas ng daan mula sa Gilead (sa S ng Jordan) patungo sa baybaying dagat ng Mediteraneo at Ehipto. Maaaring ito ang ruta na nilakbay ng “pulutong ng mga Ismaelita” na bumili kay Jose.​—Gen 37:17-36.

Pagkaraan ng ilang siglo, nagsugo ang hari ng Sirya ng isang makapal na hukbong militar sa Dotan upang arestuhin si Eliseo. Doon makahimalang idinilat ang mga mata ng matatakuting tagapaglingkod ng propeta upang makita nito ang maapoy na kasangkapang pandigma ng Diyos sa “bulubunduking pook . . . sa buong palibot ni Eliseo,” samakatuwid ay sa burol ding iyon na kinaroroonan ng Dotan o kaya’y sa kalapit na mga burol sa dakong S, T, at K ng Dotan. (2Ha 6:11-17) Nang palibutan ng mga Siryano ang lunsod, maaaring pumuwesto rin sila sa nakapalibot na mga burol na ito, na mula rito ay “lumusong” sila nang lumabas si Eliseo sa lunsod upang salubungin sila. Gayunman, walang nagawa ang mga hukbo ng kaaway nang makahimala silang pasapitan ng isang uri ng pagkabulag, anupat marahil ay ginamit ni Jehova ang mga anghelikong hukbo upang isagawa ito.​—2Ha 6:18, 19; ihambing ang Gen 19:1, 10, 11.