Duke
Isang lalaki na inatasan, itinalaga, at binigyan ng awtoridad bilang isang prinsipe o pinuno. Limang Midianitang pinuno, “mga duke ni Sihon,” tinatawag na “mga hari ng Midian” sa Bilang 31:8, ang napatay nang maghiganti ang Israel sa mga Midianita dahil sa pangyayari may kaugnayan sa Baal ng Peor. (Jos 13:21) Sa Awit 83:11, ang mga lider ng mga kaaway ng bayan ng Diyos ay tinatawag na “mga duke” (“mga pangulo,” AS-Tg; “pinuno,” MB; “prinsipe,” NPV). Lumilitaw rin sa Ezekiel 32:30 ang terminong Hebreo na na·sikhʹ (duke).
Ayon sa isang Mesiyanikong hula, kapag sumalakay ang mga kaaway ng bayan ng Diyos laban sa kanila, may ibabangong “pitong pastol, oo, walong duke mula sa mga tao [“pinaka pangulong tao,” AS-Tg; “pinuno ng mga tao,” BSP, MB; “lider ng mga tao,” NPV].” Yamang ang bilang na pito ay kumakatawan sa pagiging kumpleto, maliwanag na ang pananalitang “walong duke” ay nangangahulugan na isang malaking bilang ng may-kakayahang mga lalaki na inatasan sa ilalim ng Mesiyas ang mangunguna sa bayan ni Jehova.—Mik 5:5.